Kabanata 36: Masalimuot

667 22 29
                                    

MAHIMBING pa ring natutulog si Julian, kaya nagpasya si Alicia na lumabas muna sa kubo upang lumanghap ng hangin. Mula sa di-kalayuan ay nasilayan niya si Felipe kasama sina Mauricio at Vicente na kausap sina Alberto, Silverio, at Agustin habang salo-salong kumakain ng nilagang kamote sa kumpulan ng mga pinagpatong-patong na malalaking bariles. Abala namang dinudulutan ni Cecilia ng paunang lunas ang iba pang sugatan na POWs.

Mayamaya ay nabaling ang kaniyang pansin sa katapat na kubo. Nakita niya si Pablo na kausap ang limang binatilyong gerilya habang nagbibigay tagubilin. Tumango naman ang limang binatilyo saka nagpaalam upang umalis. Naramdaman ni Pablo na tila may nakamasid, kaya lumipad ang pansin nito kay Alicia. Iyon naman ang hudyat upang lapitan niya ang puwesto ng binata.

"Maaari ba kitang makausap?" Hinging pahintulot ni Alicia.

"Handa akong makinig." Payak nitong komento.

"Hindi ko batid kung paano ko magagawang suklian ang ginawa ng inyong pangkat. Ngunit nais kong iparating sa iyo ang aking taos-pusong pasasalamat sa pagsagip ninyo kay Kuya Julian sa kabila ng hindi natin pagkakaunawaan." Pasasalamat ni Alicia na walang anumang bahid ng sama ng loob sa kabila ng nakalipas nilang pagtatalo.

"Walang anuman. Batid ko rin kung gaano kahirap sa iyong kalooban na masaksihan ang naging bunga ng digmaan sa iyong kapatid." Malugod nitong pagtanggap sa kaniyang pasasalamat.

Masasalat din sa tinig ni Pablo ang simpatya para kay Julian. Datapwat saglit lamang iyon at muling nanumbalik sa mukha nito ang seryosong emosyon.

"Ngunit huwag kang masyadong pakampante. Hindi ibig sabihin na porke nakikisimpatya ako sa iyo ay nagbago na ang aking pananaw. Wala pa rin akong tiwala sa iyo, Alicia." Naninindigan nitong pagpapaalala sa kaniya.

"Aking nauunawaan kung bakit ganiyan na lamang kasuya-suya ang iyong ugali at daig mo pa ang isang dalagang may buwanang dalaw." Mapang-unawang komento ni Alicia na bahid ng pangangantiyaw. "Ang mga Hapon ang dahilan kung bakit nasawi ang aking ama maging ang ama ni Felipe. Nang dahil sa kanila ay napamahak at nawasak ang dangal ng aking kaibigan. Higit sa lahat, sila rin ang dahilan kung bakit nawala sa katinuan ang isip ng aking kapatid at kay sakit na masilayan siyang hindi niya ako nakikilala. Sa laki ng pinsala at pagsasalaula na ginawa nila sa ating bansa maging sa ating kababayan ay nararapat lamang silang kasuklaman."

"Nauunawaan mo naman pala ang pinaghuhugutan ko ng aking galit. Kaya bakit nagagawa mong salaulain ang pangkat na itinaguyod ng iyong namayapang ama sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga Hapon?" Naiirita nitong tanong.

"Gaya nga ng aking winika noon, biktima rin sila ng digmaang ito at hindi ninais ng iba sa kanila na mapahamak tayong mga Pilipino."

"Kahit hindi ko pilitin sina Ipeng at Mauricio, batid ko na darating ang araw ay kusa silang lilipat sa aking pangkat." Kampanteng sagimsim nitong komento habang patlang sa anumang emosyon ang mukha. Halatang nais na rin nitong wakasan ang kanilang talastasan.

"Tinitiyak ko rin sa iyo na mabibigo ka sa iyong hangarin." Naninindigang paniniyak pa niya kay Pablo. "Isa pa, bakit hindi na lamang ibang pinuno ang nakawan mo ng kasapi mula sa ibang pangkat, kaysa ako ang iyong binubuliglig sa paksang iyan?"

"Sa kadahilanang wala ni isa sa mga kasapi ng ibang pangkat ng gerilya ang nagtatagalay ng kakayahan nina Ipeng at Mauricio." Payak nitong tugon.

"Kay raming mahuhusay na mga gerilyero sa iyong pangkat gaya nina Berto, Gusting, at Beryong. Idagdag mo pa ang iyong kapatid. Hindi pa ba sila sapat sa iyo?" Salubong ang kilay na tanong ni Alicia. Ang dating kasi ng naging pahayag na iyon ay tila walang tiwala si Pablo sa kakayahan ng mga nasasakupan nito.

"Lahat ng ginagawa nilang paghihirap at sakripisyo para sa Kagitingan ay aking pinahahalagahan. Ibig ko lamang makuha sa iyo sina Ipeng at Mauricio upang sila ay sagipin sa nagbabadyang kapahamakan na maaari mong idulot." Galit na pahayag sa kaniya ni Pablo.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon