Kabanata 07: Pangamba

1.5K 130 18
                                    

TAHIMIK na binaybay ni Alicia gamit ng kaniyang bisikleta ang landas na dati niyang dinaraanan noong huli siyang ihatid doon ni Lance. Katatapos lamang ng kaniyang lektura nang hapong iyon at pauwi na siya sa kanilang tahanan. Subalit kinailangan niyang kabigin ang hawakan ng bisikleta pakaliwa upang iwasan ang apat na taong gulang na babaeng paslit na biglang nadapa pasubsob sa tuyong lupa hanggang sa pumalahaw na sa pagtangis. Nakikipaglaro kasi ng habulan ang babaeng paslit sa mga kalaro nito. Sa labis na ligalig at likot kaya nadapa sa lupa.

Dali-dali namang ibinaba ni Alicia ang bakal na nagsisilbing kalang sa kaniyang bisikleta. Pagkatapos ay bumaba siya roon upang daluhan at tulungang itayo ang babaeng paslit na patuloy pa rin sa pagpalahaw ng iyak. Kaagad din namang nakilala ni Alicia ang paslit na isa sa mga pamangkin ni Mauricio. Hindi naman nagtagal ay nagdatingan na rin ang pito pang kalaro ng babaeng paslit.

"Naku, Ana! Nagdurugo ang iyong tuhod." Nag-aalalang sambit ni Alicia habang pinapagpagan niya ang dumikit na mumunting lupa at alikabok sa laylayan ng munting bestida ng paslit.

"Tulak po ako ni Lito!" Sumbong pa sa kaniya ng paslit sabay turo sa lalaking may katabaan habang patuloy pa rin sa pagtangis. Sa tantiya ni Alicia ay maaaring nasa limang taong gulang ang lalaking paslit.

"Hindi ko naman po sinadyang mapalakas ang pagtaya sa kaniya." Depensa at paliwanag naman ni Lito kay Alicia.

"Lakas po tulak niya! Sumbong kita sa Tiyo Mauricio ko!"

"Bakit kasi ang lampa mo?"

"Bakit kasi ang taba mo?"

"Bakit kasi ang payat mo?"

Saglit natigilan si Ana upang umisip ng iba pang ipangkakantiyaw kay Lito. Nang maubusan ng ikakantiyaw ay muling pumalahaw sa pagtangis si Ana.

"Susumbong pa rin kita sa Tiyo Mauricio ko!"

"Eh, di isumbong mo! Hindi ka na makalilibre pa ng tinapay sa panaderya ni Ninong Ipeng!"

Ah! Kaya naman pala malusog at malakas ang loob na hindi manlibre ay sapagkat ninong pala ni Lito ang sira ulong si Felipe. May pinagmanahan talaga ng kadamutan!

"O, tama na iyan. Huwag na kayong mag-away." Mahinahong saway ni Alicia sa dalawang paslit. "Malapit nang magpasko at hindi maiibigan ng ating Panginoon kung nakikita Niya kayong nag-aaway. Saka batid ba ninyo na hindi binibigyan ni Santa Claus ng anumang handog ang mga batang nag-aaway? Kaya kung ibig ninyong makatanggap ng handog mula kay Santa Claus, hihingi kayo ng paumanhin sa isa't isa."

Halatang kinabahan ang dalawang paslit na maaaring hindi makatanggap ng handog mula kay Santa Claus. Kaya unang nagsalita si Lito.

"Paumanhin kung napalakas ang pagtaya ko sa iyo." Hinging paumanhin ni Lito.

"Paumanhin kung tinawag kitang mataba. Sa susunod kasi mamahagi ka ng tinapay upang hindi ka nagkakabilbil." Hinging paumanhin naman ni Ana na may halo pa na pang-aasar. Kaya maging iba pang mga kalaro ng dalawang paslit ay nagtawanan din.

"Ang mabuti pa ay ihahatid na kita, Ana, sa klinika upang maipagamot ang iyong sugat sa tuhod at hindi maimpeksyon." Yaya ni Alicia kay Ana patungo sa puwesto ng kaniyang bisikleta bago pa masundan ng ikalawang yugto ang kantiyawan.

Sa crossbar pinaupo ni Alicia si Ana at sinabihan niyang kumapit sa hawakan ng bisikleta. Pagkatapos ay umupo na rin si Alicia sa munting upuan ng bisikleta saka sinimulang magpedal upang baybayin ang daan patungo sa klinika ni Marco.



ISINANDAL ni Alicia ang kaniyang bisikleta sa gilid ng pader. Pagkatapos ay niyaya na niya si Ana upang pumasok sa loob ng klinika na pagmamay-ari ni Marco. Sa loob ng klinika ay naabutan ni Alicia si Marco na nakaupo sa sariling silya habang nakaupo naman sa dalawang silya sa unahan ng mesa nito ang isang nakatatandang lalaki kasama ang isang binatilyo na namumungay ang mga mata na tila ba mayroong lagnat.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon