Kabanata 41: Karangalan

300 20 2
                                    

ISINANDOK ni Alicia ang kutsara upang kumuha ng lugaw mula sa mangkok saka iyon itinapat sa nakatikom na bibig ng kaniyang kapatid na si Julian. Ika-siyam na ng umaga at doon sa kubong pahingahan nakapuwesto ang magkapatid. Kitang-kita rin sa kanilang puwesto ang kanilang mga kasapi na abala sa iba't ibang gawain gaya ng pagsisibak ng kahoy, paglilinis ng mga baril, at paghahasa sa mga patalim. Ang iba naman ay nililibang ang mga sarili na maglaro ng baraha, ahedres, uminom ng alak, at makipagkuwentuhan.

Tapos nang kumain ng agahan si Alicia at si Julian naman ang kaniyang inaasikaso upang pakainin. Dalawang linggo na ang nakalilipas matapos ang naganap na ikalawang kaguluhan sa munisipyo ay ibinuhos ni Alicia ang buong pansin na alagaan ang kaniyang kapatid upang abalahin ang isip sa ibang bagay. Ngunit marahang umiwas ang mukha ni Julian saka ibinaling ang pansin sa gawing kaliwa at patlang sa anumang emosyon na pinagmasdan ang mga punong sumasalimbay sa galaw ng banayad na hangin.

"Pakiusap, Kuya Julian, kahit kaunti lamang ay kumain ka. Kinakailangan mo ng nutrisyon sa katawan upang bumuti ang iyong kalagayan." Nakikiusap na sambit ni Alicia habang patuloy niyang iniaabot ang kutsara sa bibig ng kaniyang kapatid.

Ang mga mata ni Alicia ay lipos ng alalahanin. Ang bawat katagang binibitiwan ay naglalaman ng pagnanais na muling masilayang sumigla si Julian. Ngunit nanatiling tahimik ang kaniyang kapatid. Ang mga mata nito ay patuloy pa ring pagala-gala sa kawalan.

"Kuya Julian, naaalala mo pa ba noong mga bata pa tayo? Palagi mo akong pinangangaralan na dapat kumain nang tama upang maging malusog at hindi lapitan ng sakit. Kaya nakikiusap ako sa iyo na pakinggan ang aking munting hiling na kumain. Kahit kaunti lamang ang iyong kainin ang mahalaga ay malapatan ng pagkain ang iyong sikmura." Nagsusumamong pakiusap ni Alicia.

Subalit ang kaniyang pakiusap ay hindi nakaabot sa pandinig ni Julian. Ibinaling lamang ng kaniyang kapatid ang ulo nito sa gawing kanan at muling pinagmasdan ang mga puno. Ang mga mata nito na dati ay puno ng sigla at pag-asa ay ibinaon sa ilalim ng anino ng masalimuot na sugat ng nakaraan. Sa huli ay bumuntong hininga si Alicia bilang hudyat ng kaniyang pagsuko saka ibinalik ang kutsara sa lugaw at marahang inilapag ang mangkok sa ibabaw ng mesa.

Ayaw rin niyang piliting kumain ang kaniyang kapatid. Malaki ang posibilidad na atakihin naman ito ng sumpong at magwala. Ngayong ulila na sila sa mga magulang at hindi pa rin mahanap si Damain ay kinakailangang tatagan ni Alicia ang kaniyang kalooban para kay Julian. Silang magkapatid na lamang ang natitira sa kanilang pamilya at gagawin niya ang lahat upang protektahan si Julian sa mga Hapong ninanais itong saktan.

"Alicia . . ." tawag sa kaniya ng isang pamilyar na tinig. Nang balingan niya ang direksyon ng nagsalita ay kaniyang nasilayan si Cecilia kasama sina Silverio at Agustin. Mababanaag sa mukha ng dalawang binata na halatang napilitan lamang na samahan ang kapatid ni Pablo.

"Seling . . ." mula sa tabi ni Julian ay kaagad siyang tumayo sa inuupuang bangko upang lumakad palapit. Kaagad naman siyang niyakap ni Cecilia nang mahigpit. Tila ipinaparating sa yakap na iyon kung gaano ito nagagalak na muli siyang masilayan. "Ano ang ginagawa mo rito?" Takang tanong ni Alicia matapos kumalas sa pagkakayakap.

"Nakarating sa akin ang masalimuot na balita at pumarito ako upang ipaabot sa iyo ang lubos kong pakikiramay sa pagkasawi ng iyong ina." Mapanglaw ang tinig na pakikiramay ni Cecilia habang nakabalatay sa mukha nito ang malasakit at simpatiya para kay Alicia.

"Maraming salamat sa iyong pagdalaw at pakikiramay, Seling." Malugod na pasasalamat ni Alicia. Kahit paano ay nabawasan ang nadaramang bigat sa kaniyang puso. "Ngunit ikaw ba ay nakatitiyak na maayos na ang iyong kalagayan? Hindi ba dapat ay nagpapahinga ka muna ngayon sapagkat hindi pa lubusang humihilom ang iyong sugat?" Nag-aalalang tukoy ni Alicia sa puting gasa na nakapaikot sa kaliwang braso ni Cecilia.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: a day ago ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon