Kabanata 09: Payo

1.3K 116 8
                                    

PAULIT-ULIT na dinadala si Alicia sa huling tagpong pinagsaluhin nila ni Lance habang nasa kalagitnaan siya ng pagkain ng kaniyang hapunan kasabay ang kaniyang pamilya na sa mga oras na iyon ay abalang tinatalakay ang tungkol sa ginagawang paghahanda ng pamahalaan. Ilang oras na rin ang nakalilipas ay sariwang-sariwa pa rin sa kaniyang dilidili ang pakiramdam ng paglapat ng labi ni Lance sa kaniyang noo. Tila ba kinikiliti ang kaniyang puso at may mga paruparong sumasayaw sa loob ng kaniyang tiyan sa labis na pag-uumapaw ng piping damdamin.

"Siyanga pala, Julian. Bukas ng umaga ay patutungo tayo sa simbahan para sa iyong komunyon. Naipabatid mo na ba iyon sa inyong Heneral?" Paalala ni Aling Linda sa anak. Bago tuluyang ganap na bigkisin ng Panginoon ang dalawang taong nagmamahal ay kinakailangan munang dumaan sa komunyon ang magkatipan.

"Opo, Inay. Naipabatid ko na rin po ang tungkol diyan kay General Wilson at binigyang pahintulot na po niya ako upang makadalo sa komunyon. Si Captain Harvey muna ang pansamantalang mamamahala sa pagsasanay sa mga nasasakupan kong sundalo bukas." Pag-imporma ni Julian sa kanilang ina.

"Nakausap ko rin kaninang umaga si Virgilia at bukas naman daw ng hapon sila patutungo ni Rosing sa simbahan." Dagdag naman ni Mang Orocio.

"Nasabihan ko na rin pala noong isang araw si Idang at pumayag na siyang maging tagapagluto. Naibigay ko na rin kanina sa kaniya ang talaan ng mga putaheng ibig ninyong ipahanda ni Rosing sa inyong kasal." Singit naman ni Damian sa usapan.

"Maraming salamat, Kuya Damian." Pagkatapos ay nilingon ni Julian ang katabing si Alicia. "Ikaw, Alicia? Kumusta naman ang pakikipag-usap mo kay Ipeng?"

"Ayos naman, Kuya Julian. Pumayag naman siyang kunin ang serbisyo." Payak na pag-imporma niya sa kaniyang kapatid.

"Mabuti naman at naging maayos ang pag-uusap ninyo ni Ipeng. Buong akala ko ay nagkasakitan na kayong dalawa." Komento ni Julian na tila ba nabunutan ng tinik sa dibdib matapos matiyak na walang dumanak na dugo sa pagitan nina Alicia at Felipe.

"Hindi pa naman, Kuya Julian. Ngunit malapit ko na talagang ibalibag sa lupa ang lalaking iyon sa oras na maubos ang aking tinitimping pasensiya." Naiiritang komento ni Alicia habang ang mukha ay nakabusangot.

"Tinuruan kitang lumaban para sa iyong kaligtasan. Subalit hindi ko pinahihintulutan na gamitin mo ang iyong mga natutuhan upang makapanakit ng iyong kapuwa." Pagpapaalala ni Julian sa kapatid.

"Siya naman kasi palagi ang pasimuno." Nakasimangot na ang mukha ni Alicia habang nagugunita na naman ang pagmumukha ni Felipe.

"Nagbibiro lamang si Ipeng. Kaya hindi mo dapat sineseryoso ang kaniyang mga hirit." Seryosong komento ni Damian subalit halatang nagpipigil na matawa.

"Sino ba naman kasi hindi mag-iinit ang ulo? Nananahimik lamang ako pagkatapos tatawagin niya akong lamang lupa at ipinanganak sa sama ng loob? Tama ba iyon?" Na may halong pagsusumbong ang kaniyang tinig upang makuha niya ang simpatiya ng pamilya.

"Bawas-bawasan mo kasi palagi ang pagbusangot ng iyong mukha. Marahil iyon ang dahilan kung bakit napagkakamalan ka ni Ipeng na mukhang lamang lupa at ipinanganak sa sama ng loob." Komento ni Julian habang natatawa sa kuwento ni Alicia tungkol sa nakabubuwiset na biro ni Felipe.

"Paano ako hindi bubusangot? Masilayan ko lamang ang pagmumukha ng lalaking iyon ay sapat nang masira ang aking araw." Gusot ang mukha na komento niya sa kapatid.

"O, siya, sige. Dadaan ako bukas sa panaderya upang kausapin si Ipeng tungkol sa iyong mga hinaing sa kaniya bago ako dumiretso sa aming kampo." Paniniyak pa ni Julian. Doon lamang nakahinga nang maluwag si Alicia saka tuluyang humupa ang nadaramang yamot.

"Salamat, Kuya. Marahil kapag ikaw ang kumausap sa kaniya ay hihinto na siya sa pangangantiyaw niya sa akin." Mayamaya ay lumipat ang pansin ni Alicia sa kanilang ina nang may magunita ang kaniyang isip. "Siyanga pala, Inay. Mayroon ka po bang pinaglumaang terno?"

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon