Kabanata 24: Kasal

872 84 28
                                    

MAAGANG narating nina Alicia ang terminal ng Tutuban. Gaya sa mga pook na kanilang napuntahan ay dagsa rin ang mga taong naghihintay sa terminal. Ang iba sa kanila ay nakahiga, nakaupo, at nakatayo sa sahig kasama ang kani-kanilang mga bagahe kaya halos wala nang madaanan.

Lahat ng mga taong naroroon ay umaasa na makasasakay ng tren patungo sa Kabikulan sa malaon at madali. Patuloy pa rin kasi ang banta ng mga pagsabog ng bomba at pag-ulan ng mga punglo mula sa himpapawid dahilan upang tumindi ang paghahangad ng mga tao na lisanin ang Maynila na ngayon ay kabisera na ng digmaan.

"Dito lamang kayo. Kami na lamang ni Enteng ang pipila upang magbayad ng ating mga boleto." Paalam sa kanila ni Mauricio saka niyaya si Vicente upang tunguhin ang kubol ng boleto. Ilang minuto muna ang lumipas ay muling bumalik ang magkaibigan upang ipamahagi kina Alicia ang kanilang mga boleto.

Mayamaya ay huminto ang ingay ng mga tao sa loob ng terminal nang marinig nina Alicia ang malalakas na tunog mula sa trumpeta. Tila ba mayroong nagaganap na parada mula sa labas dahilan upang magsimulang tumayo ang mga tao saka lumakad upang lumabas sa terminal. Nagpasya sina Alicia na sundan ang mga tao upang tingnan kung ano ang nagaganap sa kalsada.

Kaagad silang napahinto sa paglalakad nang kanilang masaksihan ang pagdating ng mga sasakyang panghukbo kung saan ay lulan niyon ang mga opisyal na Hapon. Makikita rin sa bawat sasakyang panghukbo ang puting watawat ng pulang araw na may labing anim na sinag. Binalot naman ng mga eroplano ng Hapon ang buong himpapawid. Nagmistulang confetti ang mga puting pompletang inihuhulog sa bawat eroplano.

"Anong nangyayari?" Naguguluhang tanong ni Emelino sa sarili habang umaalingawngaw sa buong paligid ang tunog ng martsa ng mga pulutong na armadong sundalong Hapon.

Maging si Alicia ay walang nababatid kung ano ang nagaganap. Ngunit nang ibaling niya ang pansin sa kabilang gawi ay kaniyang natanaw mula sa di-kalayuan ang isang malaking karatula kung saan nakasaad doon ang katagang Open City. Kasabay niyon ay pumailanlang ang tinig ni Heneral MacArthur mula sa radyo na hawak ng isang matandang lalaki na katabi lamang ni Alicia.

"General MacArthur, the commander-in-chief of the United State of Armed Forces in the Far East, I have to declare Manila as Open City. To avoid any possible danger, the office of the American High Commissioner, the Commonwealth Government, and Army Headquarters to immediately evacuate the city of Manila."

Upang mailigtas sa matinding pagkawasak ang Maynila ay isinagawa ni Heneral Douglas MacArthur ang isa sa pinakamabigat at pinakamahalagang pasya sa kaniyang mahabang karera sa militarya: ang ipatupad ang War Plan Orange-3. Ibig sabihin, kinakailangan nang lisanin ng buong puwersang Pilipino-Amerikano ang Luzon patungo sa Bataan Peninsula at ilipat ang punong-tanggapan ng hukbo sa Isla ng Corregidor.

Ang balak na ito ay nagbigay-daan upang maideklara ang Maynila bilang Open City. Sa oras na gawing bukas na lungsod ang isang pook, ito ay nangangahulugan na malaya nang makapapasok ang mga Hapon sa Maynila sa mapayapang paaraan. Wala na ring mga hukbo ng USAFFE ang magbabantay at magdedepensa upang hindi na ito bombahin ng mga kalaban. Sa ganoong paraan ay magagawa niyong maiwasan ang labis na pagdanak ng dugo at pagkasira ng mga ari-arian lalo na ang mga makasaysayang gusali.

Sa nalalapit na pagbagsak ng Maynila, pinayuhan ni Heneral MacArthur si Pangulong Manuel Quezon, kasalukuyang may karamdamang tuberculosis, na lisanin ang lungsod patungo sa Isla ng Corregidor kasama ang mga pili nitong gabinete maging ang Commonwealth Government sapagkat higit na maganda ang depensa roon ng hukbong Amerikano. Samantala, naiwan naman sa Maynila sina Jose P. Laurel at Jorge B. Vargas upang pangunahan ang pagsalubong sa pagdating ng mga Hapon.

Makikita rin sa gilid ng mga nagmamartsang sundalong Hapon ang ilan sa mga Pilipino na naglalakad at isinasaboy sa mga tao ang mga hawak na pompletang naglalaman ng mga alituntunin at layunin ng mga Hapon sa pagsakop sa lungsod. Naging hati ang pala-palagay ng mga tao: may mga nabigla sa balita, mayroong nakahinga nang maluwag sapagkat tiyak nang hindi bobombahin ang lungsod, at ang iba sa kanila ay nananatili pa rin ang takot maging ang labis na pagdududa kung tunay nga ba ang layuning ibig palaganapin ng mga Hapon.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon