Kabanata 28: Kalayaan

738 67 16
                                    

"BATID na ba ninyo ang balita? Mayroon daw uling dinakip ang mga Kempeitai na mga gerilya." Pag-imporma ni Isay matapos nitong ilapag ang tatlong plato ng pansit at tatlong baso ng inuming kalamansi sa mesa nina Alicia, Gracia, at Marisa. Si Caridad naman ay humila ng bakanteng silya upang punan ang bakanteng puwang sa mesa.

Sa mga oras na iyon ay nagkakatipon-tipon sila sa bahay-pansitan ni Aling Biheng upang makapagmerienda. Nagyaya kasi si Gracia na magtungo sa bahay-pansitan, kaya nagpaalam muna si Alicia kay Aling Leticia bago sila umalis sa hacienda. Nagkataon namang nakasalubong nila sa pagliko ng daan si Marisa. Hindi maikubli ang gulat sa mukha nito kanina na tila ba may nasilayang maligno nang dahil sa biglaang pagsulpot nina Alicia at Gracia.

Magmula nang bumagsak ang Bataan, Corregidor, at Fort Drum, ginising niyon ang nag-aalab na damdamin ng mga Pilipino at nagbunga iyon ng rebolusyon upang ipagpatuloy ang nasimulang layunin ng USAFFE: ang sugpuin ang mga Hapon. Maraming pangkat ng mga gerilya ang umusbong sa iba't ibang sulok ng Pilipinas. Karamihan sa mga kasapi na gerilya ay mga nakatakas na kasapi ng USAFFE mula sa kalupitan ng mga kalaban at mga ordinaryong Pilipino.

Ilan sa mga kilalang kilusang gerilyang nabuo ay ang pangkat ni Ramon Magsaysay sa Zambales, Hunters ROTC sa Timog Luzon, Marking Guerrilla ni Col. Marcos Villa "Marking" Agustin ng Philippine Scout, pangkat ni Wenceslao Vinzon sa Bicol, Waray Guerrilla ni Cap. Nieves Fernandez sa Tacloban, Leyte Resistance ni Ruperto Kangleon, at marami pang iba.

Hindi naibigan ng mga Hapon ang sunod-sunod na pananalakay ng mga gerilya. Kaya ipinadala ng mga opisyal ang pangkat ng Kempeitai (Japanese Military Police) upang masawata at masupil ang mga tinik sa kanilang lalamunan. Itinatag ang pangkat na ito mula sa kautusan ng Meiji Council of State noong ika-4 ng Enero taong 1881.

Kilala rin ang pangkat na ito sa paggamit ng brutal na pamamaraan ng pagpapahirap sa mga pinaghihinalaang gerilyang nadarakip gaya ng water cure, electrocution, pagsusunog sa iba't ibang bahagi ng katawan, ibinibilad sa araw ng apat hanggang anim na oras o minsan ay buong araw, pinupukpok ng martilyo at hinuhugot ang mga kuko, pinaiinom ng sariling ihi, at marami pang iba.

"Ang mga dinakip ay dinala raw sa garrison at doon sila pinahirapan nang husto. Ang isa sa kanila ay binunutan ng mga kuko sa kamay at paa. Habang ang isa niyang kasamahan ay hinampas nang hinampas hanggang sa masawi. Nadamay rin daw ang kanilang pamilya at sila ay walang habag na pinagpapaslang. Pagkatapos, ang kanilang katawan ay nakabigting isinabit sa mga poste upang itanghal sa merkado at sindakin ang mga tao." Nahihintakutang pagsasalaysay ni Isay.

"Kanino raw pangkat ng mga kasaping gerilya ang dinakip?" Usisang tanong ni Caridad.

"Ayon sa usap-usapan, ang mga nasukol na kasapi ay mula raw sa pangkat ng Kalayaan." Tukoy ni Isay sa pangkat ng mga gerilya sa bayan ng Ormoc. Sila ang mga magigiting na gerilya na tumutulong upang iligtas ang comfort women mula sa mga comfort station na ginawa ng mga Hapon. Mayamaya ay nabaling ang pansin nina Alicia kay Marisa. Ngunit si Caridad ang nagsalita.

"Hindi ba, kabilang din sa Kalayaan ang iyong ama, Marisa?" Halos pabulong na wika ni Caridad upang walang sinuman sa mga suki sa bahay-pansitan ang makaririnig lalo na at maraming ipinakalat na mga espiya ang mga Hapon upang tugusin ang mga taong nakikipagtulungan sa mga gerilya.

"G-Ganoon na nga." Mahina ang tinig na tugon ni Marisa na puno ng kaba ang dibdib. "Subalit hindi kabilang ang aking ama sa mga dinakip ng Kempeitai." Paglilinaw pa nito.

"Na saan na pala ang iyong ama sa mga sandaling ito?" Tanong naman ni Isay.

"Walang binanggit ang aking ama na tiyak na pook kung na saan siya ngayon. Ang tangi lamang niyang winika sa amin ni Inay ay kukubli raw muna sila ng kaniyang mga kasamahan sa malayong sulok ng kagubatan habang mainit pa sa mga mata ng Kempeitai ang huling pananalakay na ginawa ng kanilang pangkat."

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon