Kabanata 21: Pakay

881 80 20
                                    

PUMARADA sa tapat ng Bay View Hotel ang military truck ng mga Hapon. Isa-isa na ring nagbabaan mula roon ang mga sundalong Hapon. Sapilitan namang ibinaba ng dalawang sundalo si Alicia na patuloy pa rin sa pagpupumiglas.

"Kanojo o heya no naka ni ire nasai. Watashi wa saisho ni watashitachi no shōgun ni renraku shite, kare ga sagashite iru josei ga sudeni iru koto o kare ni shirasemasu." (Put her inside the room. I will contact first our General to let him know that we already have the woman he is looking for.) Mahigpit na habilin ng lalaking Hapon sa dalawang sundalo na hawak si Alicia saka umalis.

Hindi naman nagtagal ay kinaladkad na ng mga sundalo si Alicia. Wala siyang nagawa kundi ang sumunod. Ang iba pa namang sundalo ay nakasunod lamang sa likuran upang tiyakin na hindi makatatakas si Alicia. Pagpasok sa loob ay bumungad sa kaniya ang malinis, maayos, at magandang istruktura ng tanggapan (reception area) ng bahay-panuluyan. Buo ang mga kasangkapan gaya ng mamahaling mesa, silya, kurtina, pinta, at mga halaman sa paso.

Mayamaya ay iginiya si Alicia ng dalawang sundalo patungo sa hagdan. Sapilitan siyang pinapahanhik at kahit anong pagpupumiglas ang kaniyang gawin ay walang sinuman ang nakikinig. Hanggang sa kanilang sapitin ang ika-anim na palapag. Muling kinaladkad si Alicia ng dalawang sundalo patungo sa unang pinto ng silid saka iyon binuksan.

Pagkatapos ay malakas siyang itinulak papasok sa loob ng silid dahilan upang siya ay mapasubsob sa makinis na sahig. Mabilis namang nakatayo si Alicia mula sa pagkakasubsob. Subalit nabigo siyang pigilan ang pinto sapagkat tuluyan na iyong naisara ng sundalo. Sinundan pa iyon ng kalansing ng mga susi at mga papalayong yabag sa silid.

"Pakiusap! Buksan ninyo ito! Palabasin ninyo ako rito!" Paulit-ulit na pagsusumamo ni Alicia habang ikinakalampag ang kaniyang mga kamay sa pinto.

Maingay din niyang pinihit ng kaniyang kamay ang busol ng pinto. Umaasa na kaniyang mabubuksan, ngunit siya ay nabigo. Huminto lamang si Alicia sa ginagawa niyang pagkalampag sa pinto nang siya ay makarinig ng mga pagtangis mula sa kaniyang likuran.

Nang balingan niya ang gawi ng pinagmumulan ng pagtangis ay doon napagtanto ni Alicia na hindi lamang pala siya ang nag-iisang ibinilanggo sa loob ng silid. Kundi kasama rin niya ang iba pang dalagang kababaihang dinakip ng mga Hapon mula pa sa iba't ibang pook.

Lahat sila ay nakaupo sa malamig na sahig. Tahimik na tumatangis at natatakot habang yakap-yakap ang sarili nilang binti. Inilibot din niya ang kaniyang paningin sa kabuuan ng silid at nakita niyang wala ni isang kasangkapan ang naroroon. Sa tantiya ni Alicia, maaaring nasa mahigit tatlumpu ang mga kasama niyang babae sa silid na iyon.

"Alicia!" Kaagad inalis ni Alicia ang kaniyang tingin sa mga kasama niyang babae at lumipat ang kaniyang pansin mula sa pinakasulok ng silid.

"Veronica . . ." halos umapaw ang kasiyahan sa puso ni Alicia nang makita ang kaniyang kaibigan.

Mula sa sulok ay kumilos si Veronica upang magpasintabi sa ibang kababaihan saka nagmamadaling tumakbo upang salubungin nang mahigpit na yakap si Alicia.

"Salamat naman at ligtas ka, Veron." Mamasa-masa ang mga mata ni Alicia nang humiwalay sa pagkakayakap at buong pusong pinagmasdan ang kaniyang kaibigan. "Kumusta ka rito? Hindi ba kayo sinasaktan ng mga Hapon?"

Umiling si Veronica na gaya ni Alicia ay mamasa-masa rin ang mga mata nang dahil sa luha. "Basta sumunod lamang daw kami sa kanilang ipag-uutos ay hindi raw nila kami sasaktan. Ikaw? Paano ka naman nadakip ng mga Hapon?"

"Kasama ko si Felipe maging ang kaniyang mga kaibigan upang sunduin ka sana sa kabaret. Patungo rin kami sa Compaña Maritima upang doon bumili ng ating mga boleto at sabay-sabay tayong sasakay sa barko na patungong Leyte.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon