Kabanata 14: Kapalit

1K 107 48
                                    

"BALITA ko ay ngayon na raw magsisimula ang practice blackout." Pag-imporma ni Mauricio kina Emelino at Vicente. Sa mga sandaling iyon ay nasa loob ng panaderya ang magkakaibigan ng hapong iyon habang nakatayo sa harap ng mga nakatanghal na tinapay.

Si Felipe naman ay inaabala ang sarili na punuin ng mga bagong lutong tinapay ang mga bakanteng bandeha. Ang mga katuwang nitong trabahante ay abalang pinaglilingkuran ang mga bagong pasok na suki.

"Anong oras pala magsisimula?" Tanong naman ni Emelino sabay kagat sa hawak na mansanas.

"Sa aking pagkakaalam ay magsisimula raw ang blackout nitong ika-sampu ng gabi." Tugon ni Mauricio. "Nakalikom na rin ng maraming bilang na volunteer guards upang rumonda mamayang gabi at bibigyan din sila ng salapi para sa kanilang pagkain ayon na rin sa isinasaad ng Civilian Emergency Administration."

"Ganoon na nga. Nakuwento rin sa akin ng aking katrabaho na iniuutos na rin ng pamahalaan ang paggawa ng dugout. Saka dagsa na rin ang mga tao na bumibili sa amin ng boleto upang sila ay maagang makauwi sa kani-kanilang probinsiya upang doon na ipagdiwang ang Pasko maging ang Bagong Taon." Komento naman ni Vicente.

"Tila hindi na maganda ang aking sapantaha sa bagay na iyan." Kinakabahang saad ni Emelino. "Hindi ba ninyo napupuna? Sabay-sabay na ang mga nagaganap. Una, iyong mga lumilipad na eroplano sa himpapawid. Ikalawa, itong magaganap na practice blackout. Ikatlo, iyong medikal na pagsasanay ni Marco para sa mga guro. Ngayon naman ay dugout?" May himig ng pagdududang komento pa ng binata.

"Bahagi lamang daw iyon ng paghahanda. Kaya wala tayong dapat na ikaligalag sa bagay na yaon. Saka namamahagi na rin ang Civilian Emergency Administration ng tagubilin para sa pag-iingat." Saad ni Vicente upang ipabatid kay Emelino na walang dapat na ipangamba sa mga pagsasanay na nagaganap.

"Isa pa, malabong maganap ang digmaan sa pagitan ng dalawang bansang iyon. Maaaring nagbibiro lamang ang bansang Hapon. Habang nanghihinayang naman sa mga buhay ang bansang Amerika." Dagdag ni Mauricio habang ngumunguya.

"Subalit ang pagkahirang ng bansang Hapon sa kanilang Heneral na si Hideki Tojo bilang Punong Ministro ay madilat na patotoong sila ay gumagayak sa digmaan." Giit pa ni Emelino.

"Kaya nararapat lamang na tayo ay maging handa. Isa pa, tiyak na ang ating bansa ang unang sasalibaran ng kidlat sa oras na magpamook ang Hapon at Amerika." Paalala ni Vicente sa kaibigan.

"Ako rin, may tanong." Singit ni Felipe sa usapan matapos nitong punuin ng mga tinapay ang bawat bandeha. Kaagad namang binalingan nina Mauricio, Emelino, at Vicente.

"Ano iyon, Ipeng?" Tanong ni Vicente. Ipinatong muna ni Felipe ang mga bisig nito sa ibabaw ng babasaging entrepanyo.

"Iyong totoo, may balak ba kayong bumili? Labing limang minuto na ang lumipas na kayo ay nakatayo rito, ngunit ni isa sa inyo ay wala pang bumibili." Sita ni Felipe kina Mauricio.

"Pambihira ka naman, Ipeng. Hindi ba maaaring kami ay nangungulila lamang sa iyo at ibig naming ipadama ang aming taos-pusong pagmamahal sa pamamagitan ng pagsilay sa iyong kaguwapuhan?" Hinaing kaagad ni Mauricio na nilangkapan pa ng pagtatampo ang tinig upang konsensiyahin si Felipe.

"Tigilan mo ako sa iyong makapagbagbag damdaming palabas, Mauricio. Ginawa na ninyong pook ng pagpupulong ang aking panaderya. Kay laki na ninyong harang sa aking mga suki."

"Nasa gilid lamang kami." Hinaing at katuwiran pa ni Emelino.

"Subalit nakaharang pa rin kayo sa harap ng mga tinapay." Paglilinaw ni Felipe. "Sa halip na makapili pa ang aking mga suki ng ibang uri ng tinapay ay nariyan kayo at nakabalandra."

"Oo na! Bibili na kami ng iyong tinapay. Kay rami mo nang sinabi." Nakasimangot na tugon ni Mauricio. Mayamaya ay sabay-sabay ding naglabas ng baryang pambayad ang mga kaibigan ni Felipe saka ipinabatid ang ibig nilang tinapay.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon