Kabanata 33: Marilag

629 51 48
                                    

GUSOT ang mukha ni Felipe habang kumakain at pinagsisisihan kung bakit pinili pa niyang tikman ang putaheng iniluto ni Cecilia. Pambihira! Sobrang alat! Pakiramdam niya ay nabibilaukan siya na hindi niya mawari. Tila parusa ang panunuot ng alat sa kaniyang lalamunan na tumatagos maging sa kaluluwa sa tuwing siya ay lulunok. Bibigyan pa yata siya ni Cecilia ng sakit sa bato sa labis na alat ng pininyahang manok!

Mula nang ipanganak na may gintong kutsara sa bibig, ni minsan ay hindi pa humawak ng sandok ang kaniyang kababata, kaya imposible na maperpekto kaagad ni Cecilia ang pagluluto. Eh, siya namang hangal, kay mabilis nagpaniwala at nagtiwala, iyan tuloy ang kaniyang napala. Nangungulila tuloy siya sa luto ni Alicia.

"¡Dios mio!" Malakas na sambit ni Cecilia habang nauubo matapos nitong tikman ang sariling luto. "Kasumpa-sumpang lasa! Pweh!" Hinaing nito habang hindi maipinta ang mukha.

"Walang pagtutumangging oo, tama ka." Sang-ayon pa ni Felipe saka inisahang lagok ang tubig mula sa singalong (basong gawa sa kawayan).

Ibinato ni Cecilia ang isang piraso ng ubas at tumama iyon sa noo ni Felipe. "Ang kapal ng iyong mukha na laitin ang aking luto!"

"Ikaw kaya ang may sabi! Sinang-ayunan ko lamang ang iyong pahayag." Depensa pa niya matapos ilapag sa mesa ang singalong saka pinulot mula sa mumunting damo ang ibinatong ubos. Pinagpagan muna nito ang ubas saka kinain. "Saka huwag mong ibaling sa walang kamuwang-muwang na ubas ang iyong kapalpakan. Sinasayang mo ang grasya ng langit."

"Bakit ba kasi hindi ako marunong magluto?" Napapadyak ang dalawa nitong paa sa ilalim ng upuan na tila isang paslit na hindi nakuha ang ninanais.

"Bakit ba kasi hindi mo inalam noon kung paano magluto?"

Itinuro ni Cecilia ang sariling mukha. "Nakikita mo ba ang maganda kong mukha? Ito ba ang mukha na magtitiyagang mag-aral magluto? Saka ano pa ang silbi ng ibinabayad naming sahod sa aming mga kasambahay sa Madrid kung hindi sila ang magluluto para sa akin?"

"Kahit na. Dapat inaral mo pa rin ang pagluluto kaysa pagkokolorete sa mukha ang iyong inaatupag sa Madrid. Ano ang ipakakain mo sa iyong kabiyak at magiging anak? Lipistik? Pawnteyshon?" Tukoy ni Felipe sa lipstick na ginagamit ng kababaihan upang kulayan ang kanilang mga labi at foundation na hitsurang pinatigas na pulbos na inilalagay sa mukha. Napangiwi naman si Cecilia sa mga kakatwang katawagan na winika ni Felipe.

"Lipstick at foundation ang tawag sa mga iyon!" Mataray na pagtatama ni Cecilia. "Kay tanda-tanda mo na, Ingles-kalabaw ka pa rin magsalita."

"Kasalanan talaga ito ng mga Amerikano kung bakit nagmumukha akong hangal magsalita ng wikang hindi ko naman wika." Hinaing ni Felipe. Pagkatapos ay dumagdag pa ang wikang Nihongo na isa pang nagpapasakit sa kaniyang ulo.

"Saka hindi lamang pagkokolorete sa mukha ang laman ng aking utak. Nakapagtapos ako ng medisina, kaya kung ayaw mong himaymayin ko iyang utak mo ng scalpel ay umayos ka." Mataray na pabirong pagbabanta ni Cecilia. Ngunit mayamaya rin ay sumimangot din ang mukha nito saka bumuntong-hininga habang pinagmamasdan ang palpak nitong putahe. "Ibibigay ko na lamang itong natira sa mga hayop." Bagsak ang mga balikat na wika ni Cecilia habang nanghihinayang.

"Kahit hayop, isusumpa nila iyan." Komento pa ni Felipe habang nasusura sa lasa. Tipong nais dumura.

"Tigilan mo iyang panlalait sa aking luto. Mamaya ko na lamang gigilitan sa leeg si Beryong. Subalit maiba tayo ng usapan. May galit ba sa akin ang iyong kabiyak?" Tuwirang tanong ni Cecilia saka muling kumuha ng piraso ng ubas mula sa munting mangkok.

"Ha? Sino?" Salubong ang kilay na tanong ni Felipe.

Nilunok muna ni Cecilia ang ubas matapos iyong nguyain. "Hindi ba, iyong kabiyak si Alicia?"

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon