Kabanata 12: Pangarap

1.2K 110 54
                                    

MAHABAGING Panginoon na makapangyarihan sa lahat. Ako po ay mapagpakumbabang dumudulog at patuloy na dumadalangin para sa kaligtasan ng lahat. Biyayaan po Ninyo kami nang sapat na talino upang iadya at lingapin sa anumang nagbabadyang kapahamakan at sakuna. Huwag din po Ninyo nawang hayaang maganap ang pinangangambahang digmaan. Ikaw po ang aming kaligtasan. Sa Iyo po namin ipinauubaya ang aming katawan, kaisipan, kaluluwa, at damdamin. Ito po ay aking isinasamo at idinadalangin sa matamis na pangalan ng Panginoong Hesus, aming Dakilang Tagapagligtas. Amen.

Pagkatapos manalangin ay nag-antada muna si Alicia saka iminulat ang kaniyang mga mata upang pagmasdanan ang retablo ng altar. Iyon palagi ang panalanging paulit-ulit na inuusal ng isip ni Alicia sa tuwing siya ay tatapak sa simbahan at bago matulog. Hanggang ngayon ay hindi pa natatapos ang pagkikipagpulong ng embahada ng Hapon sa Amerika.

Wala pa silang nakukuhang panibagong balita kung kumusta na ba ang itinatakbo ng pag-uusap ng dalawang panig. Ayaw munang magpakakampante ni Alicia sapagkat marami pang maaaring maganap sa pagpupulong. Kaya palagi siyang nananalangin sa Panginoon na huwag nawang maganap ang pinangangambahan ng lahat.

"Nawa'y mag-ingat ang lahat sa pag-uwi. Dito na po nagtatapos ang ating misa para sa araw na ito." Anunsiyo ng pari sa lahat matapos ikumpas ang kamay sa ere upang lumikha ng imahe ng krus.

Nagsimula nang tumayo ang mga tao upang lumabas ng simbahan dala ang mga natutuhang aral mula sa naging misa. Mula sa pagkakaluhod ay tumayo na rin ang pamilya Apacible at sama-samang lumabas ng pook-sambahan.

"Mag-iingat naman kayo sa inyong pupuntahan, Alicia." Paalala ni Aling Linda kay Alicia nang sila ay makababa na sa mawalak na hagdan ng simbahan. Si Damian naman ay abala sa pag-aabang ng masasakyang kalesa.

Ipinaalam kasi ni Alicia kay Julian na ibig din niyang sumama sa bahay-ampunan na pupuntahan ng mga sundalo kung saan ay kabilang doon si Lance. Hindi naman siya pinagbawalang sumama sapagkat kabilang din sa pangkat na iyon si Julian kaya mababantayan siya ng kaniyang kapatid. Saka roon din sa tapat ng simbahan sila susunduin ng military truck nina Lance.

"Opo, Inay. Mag-iingat po ako. Saka, kasama ko naman si Kuya Julian kaya hindi po ako mapapaano." Nakangiting komento ni Alicia nang alisin puting belo na nakataklob sa kaniyang mukha. Si Julian naman ang binalingan ni Aling Linda.

"Ikaw naman, Julian, huwag na huwag mong pababayaan ang iyong kapatid. Puro sundalo pa naman ang makakasama ninyo roon at siya lamang ang natatanging babae." Paalala naman ni Mang Orocio sa Tenyente.

"Huwag po kayong mabahala, Inay, Itay. Babantayan ko po si Alicia." Paniniyak pa ng Tenyente sa mga magulang. Mayamaya rin ay may humimpil nang kalesa sa tapat ng mag-anak.

"O, siya, sige. Kami ay mauuna nang umuwi. Mag-iingat kayo." Paalam ni Mang Orocio kina Alicia at Julian saka iginiya si Aling Linda papasok sa loob ng kalesa.

"Huwag ka ring magpapaabot ng gabi, Alicia. Balita ko ay magkakaroon daw ng blackout. Ngunit wala pang tiyak na petsa kung kailan iyon magsisimula." Paalala naman sa kaniya ni Damian.

"Tatandaan ko ang iyong habilin, Kuya Damian. Mag-iingat din kayo sa pag-uwi." Nakangiting wika ni Alicia nang sumakay na rin sa loob ng kalesa si Damian.

Mayamaya ay umandar na rin ang kalesa palayo sa simbahan. Nang malayo nang mawala na sa abot-tanaw ni Alicia ang kalesa ay saka naman niya binalingan si Julian.

"Blackout? Ano ang ibig ipakahulugan ni Kuya Damian kanina?" Usisang tanong ni Alicia sa kapatid. Pagkatapos ay isinilid niya sa loob ng bulsa ng kaniyang saya ang itinuping belo.

"Ah, isa iyong pagsasanay upang magbawas ng mga panlabas na ilaw mula sa mga kalsada, sasakyan, tahanan, at gusali. Lalo na ang mga tuwirang ilaw paitaas na maaaring masipat mula sa himpapawid." Payak na tugon ni Julian.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon