Kabanata 19: Tungkulin

899 72 15
                                    

PAGLABAS ni Alicia sa paaralan kasama sina Lance ay kaagad bumungad sa kanila ang mga duguan at nagkalat na bangkay ng mga sundalong Hapon sa lupa. Tanging mga sundalong Pilipino at Amerikano na lamang ang naghahari sa paaralan. Ibig sabihin, ubos na ang mga kalaban sa paaralan at tiyak na ang kaligtasan ng lahat.

Ngunit patuloy pa ring maririnig ang palitan ng mga putukan at pagsabog mula sa iba't ibang malalayong pook. Isa-isa nang lumalabas mula sa gusali ang iba pang mga kapanalig na sundalo maging sina Mauricio, Vicente, at Emelino na tumulong din makipaglaban habang inaalalayang makalabas ang iba pang mga guro maging tauhan ng paaralan na hinarang kanina ng mga Hapon.

Umibis mula sa rescue trucks ang pangkat ng mga nars mula sa Pulang Krus tangan ang mga sisidlan para sa kagamitang medikal upang tulungan na gamutin ang mga tinamong sugat ng mga sibilyan. Sina Lance at Thomas naman ay lumayo muna sa puwesto nina Alicia upang makipag-ugnayan sa mga sundalong opisyal at kausapin ang kanilang Heneral sa pamamagitan ng handheld transciever o walkie-talkie.

Nakita rin ni Alicia na umibis mula sa rescue truck si Marco dala ang sarili nitong medikal na kagamitan. Nakabihis ang binata ng unipormeng puti bilang doktor. Nang matanaw ang direksyon nina Alicia ay kaagad namang lumapit si Marco upang lapatan ng paunang lunas ang tinamong sugat nina Rosella at Felipe. Ginamot din ni Marco ang tinamong galos ni Alicia sa kanang braso dulot ng pakikipaglaban niya sa mga sundalong Hapon kanina.

"Maraming salamat, Marco." Isa-isang pasasalamat nina Alicia, Felipe, at Rosella nang matapos magamot ang mga sugat at galos.

"Walang anuman. Subalit kinakailangan na ninyong magtungo sa malayong pook upang matiyak ang inyong kaligtasan. Hindi na ligtas ang Maynila sapagkat nakapasok na sa teritoryo ng ating katubigan ang mga Hapon. Hindi pa ganap na nakalulunsad dito sa kalupaan ang iba pang mga Hapon sapagkat lumalaban ang ating mga sundalo sa Bataan, Corregidor, at Cavite upang depensahan ang entrada ng Maynila. Kaya mainam kung kayo ay aalis na rito habang kaya pa nilang depensahan ang kabisera." Paliwanag at payo ni Marco.

"Iyon nga ang aming gagawin. Pinauna lamang naming pasakayin sa tren ang aming mga pamilya upang sila ay mailayo rito." Pagsang-ayon ni Vicente.

"Bakit pala hindi na lamang kayo sumama sa inyong mga pamilya sa halip na ibuwis ang inyong mga buhay na magtungo rito sa paaralan?" Takang tanong ni Alicia sa magkakaibigan.

"Inihabilin kayo sa akin nina Mang Orocio at Mang Anselmo upang tiyakin ang inyong kaligtasan bago sila sumama sa aming mga pamilya pasakay sa tren." Si Felipe ang tumugon.

"Hindi rin namin kayang iwan si Ipeng dito na mag-isa. Kaya nagpasya kami nina Emil at Enteng na samahan siya upang tulungan kayong makaalis dito." Dagdag imporma naman ni Mauricio.

"Kung ganoon ay hindi ka pala makakasama sa amin na umalis, Marco." Komento ni Emelino na may bahid ng lumbay sa tinig.

Tumango naman si Marco bilang pagkumpirma. "Kinakailangan kong maiwan dito sapagkat iyon ang aking sinumpaang tungkulin bilang doktor. Saka patungo ngayon ang aming pangkat ng Pulang Krus kasama ang pangkat nina Col. Montgomery sa Bataan. Kami ay nakatanggap ng balita na kinukulang ng mga doktor at nars doon. Karamihan sa kanila ay nasawi sa mga ligaw na punglo at malalakas na pagsabog mula sa bomba na ibinabagsak ng mga Hapon mula sa himpapawid."

"Maaari ba akong sumama sa inyo sa Bataan, Marco?" Sabay-sabay na binalingan nina Alicia si Rosella.

"Ngunit bakit? Ano naman ang gagawin mo roon sa Bataan?" Nagtatakang tanong ni Marco nang ilipat ang pansin kay Rosella.

"Naroroon si Julian at kailangan ko siyang makita. Kailangan kong matiyak ang kaniyang kaligtasan." Tugon ni Rosella habang mababanaag sa mukha nito ang labis na pag-aalala para sa katipan.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon