Kabanata 02: Koronel

2.3K 139 72
                                    

"MAGANDANG umaga sa iyo, Maestra Alicia." Nakangiting bati sa kaniya ni Mang Pidyong nang tumayo ang matanda mula sa kinauupuan nitong silya habang may hawak ng umuusok na mainit na tasa ng kapeng barako. Si Mang Pidyong ang isa sa mga guwardiya ng paaralang pinapasukan ni Alicia.

"Magandang umaga rin po sa iyo, Mang Pidyong." Ganting bati ni Alicia nang pahintuin niya ang kaniyang bisikleta sa tapat ng guardhouse. "Talaga pong magigising ang iyong diwa sa kapeng barako na iyan."

"Oo nga, hija. Mamaya pang ika-siyam ng umaga matatapos ang aking trabaho na magbantay. Kaya kapeng barako ang iniinom ko ngayon upang labanan ang aking antok. Naroroon pa sa loob si Kaloy at humihilik pa."

"Magpahinga po ikaw mamaya, Mang Pidyong, kapag natapos na ang iyong oras ng pagbabantay. Makikisabi rin po kay Mang Kaloy ang aking pagbati."

"Maraming salamat sa iyong paalala, Maestra Alicia. Hamo, kapag nagising si Kaloy ay agad kong ipababatid sa kaniya ang iyong pagbati."

"Saka, Mang Pidyong, ayos lamang po ba kung ipabantay ko muna sa inyo ni Mang Kaloy itong aking bisikleta?" Paalam ni Alicia.

"Maaari naman. Doon mo na lamang sa posteng iyon itali ang iyong bisikleta upang madali naming makita ni Kaloy." Sabay turo pa ni Mang Pidyong sa poste ng ilaw na hindi nalalayo sa puwesto ng guardhouse.

"Maraming salamat po, Mang Pidyong. Ako ay patutungo na rin sa aming silid-departamento upang makapaghanda na sa aking unang klase." Matapos makapagpaalam kay Mang Pidyong ay tinungo agad ni Alicia ang puwesto ng poste ng ilaw upang doon itanikala ang kaniyang bisikleta. Mula sa loob ng buslo ay kinuha niya roon ang kaniyang mga aklat.

Pagkatapos ay tinungo na niya ang daan patungo sa kanilang gusali na mayroong tatlong palapag. Habang naglalakad si Alicia sa kahabaan ng maluwag na pasilyo ay bumabati naman sa kaniya ang mga babaeng mag-aaral na kaniyang nakasasalubong sa daan na malugod naman niyang ginagantihan ng masiglang pagbati.

"Magandang umaga, Binibini." Bati ng isang malalim at baritonong tinig dahilan upang lingunin ni Alicia ang lalaking umagapay sa kaniyang tabi.

Subalit mabilis ding nagusot ang magandang mukha ni Alicia nang makilala ang lalaking bumati sa kaniya. Si Felipe Romano, dalawampu't apat na taong gulang. Ang matalik na kaibigan ng kaniyang Kuya Julian at may-ari ng pinakasikat na panaderya sa kanilang pook. Ang binata ay nakasuot ng puting kamiseta at itim na pantalon. Hindi nalalayo ang tangkad ng binata sa tangkad ng mga sundalo.

"Huwag mo akong masyadong pakatitigan nang husto, Alicia. Matagal ko naman nang batid kung gaano ako kaguwapo." Kaswal nitong pahayag na tipong walang pakialam ngunit may halong pagmamalaki sa tinig ni Felipe.

"Maaari ba, Felipe? Lunes na Lunes ay huwag mong sirain ang aking araw." Masungit niyang tugon sa binata habang patuloy sila sa kanilang paglalakad.

Saka sa dinami-rami ba naman ng tao na maaari niyang makasabay ay bakit si Felipe pa? Kay ganda pa naman ng kaniyang araw nang dahil kay Lance. Subalit tila masisira rin kaagad iyon! Sa katunayan, hindi naman niya kinamumuhian si Felipe sa literal na paraan. Siya ay nayayamot lamang sa kakaibang pag-uugali ng binata.

Pakialamero, palalo, pilosopo, at may pagkaantipatiko rin minsan. Hindi nga rin batid ni Alicia kung paano naging kaibigan ng kaniyang kapatid si Felipe. Mabait at mabuting tao ang kaniyang Kuya Julian. Samantalang si Felipe naman ay tila walang magandang maidudulot na kabutihan sa kapuwa.

"Wala naman akong ginawa upang masira ang iyong araw. Ikaw nga dapat ang aking inuulat ngayon sa inyong punong-guro sapagkat hindi ka marunong bumati sa iyong kapuwa. Hindi ba, iyon ang pangunahing asal na itinuturo ninyo sa inyong mga mag-aaral? Kaya bakit tila hindi mo iyon kayang isabuhay?"

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon