Kabanata 23: Handog

844 86 33
                                    

GINISING nang malakas at napakalaking pagsabog mula sa S.S. Corregidor ang pulutong ng mga sundalong Amerikanong natutulog sa mga ginawang bahay-kubo sa Sisiman Cove. Dali-daling rumadyo ang sundalo ng PT-34 sa iba pa nitong mga kasamahan at naglapag ng tagubilin na ihanda ang iba pang torpedo boats na gagamitin upang sagipin ang mga pasahero mula sa lumalagablab na barko.

Ang mga nakatanim na naval minefield sa katubigan na malapit sa Isla ng Corregidor ay bahagi ng Harbor Defense at Torpedo Boat Squadron 3 bilang depensa laban sa mga Hapon na magtatangkang pasukin ang entrada ng Maynila. Lahat kasi ng mga barkong umaalis sa Look ng Maynila ay kinakailangang magpabatid sa Seaward Defense Command upang ang mga minahan ay patayin at maiwasan ang anumang trahedya.

Sa kasamaang palad, hindi naipaalam ng Kapitan ng S.S. Corregidor ang pag-alis ng barko. Sinubukan din ng USS Mindanao, isang gunboat, na senyasan sa pamamagitan ng kanilang liwanag upang ipabatid sa Kapitan na maling daan ang itinatahak ng barko. Subalit, huli na, sapagkat tuluyan nang bumangga ang barko sa armadong minahan at binalot ng langis ang ibabaw ng katubigan.

Hindi nakaligtas sa sunog ang mga pasaherong nababalot ng langis at mabilis silang tinupok ng apoy na kaagad ikinasawi. Naging mabilis ang pagdating ng saklolo para sa iba pang mga pasaherong lumulutang sa tubig. Ginawa ng mga sundalo ang lahat ng kanilang makakaya upang tulungang iahon mula sa tubig ang mga pasahero at isakay sa bawat torpedo boats. Ilang minuto rin ang lumipas nang tuluyang lumubog ang barko.

Marami ring pasahero ang nabilanggo sa ibabang kubyerta. Ang iba sa kanila ay hindi nagkaroon ng pagkakataong marating ang ibabaw ng kubyerta nang dahil sa kaguluhan sa loob ng barko at nasawi nang buhay sa ilalim ng katubigan. Nagharing ganap ang malalakas na pagtangis ng mga pasaherong lumulutang sa tubig sa tulong lifebelts at lifeboats habang ipinagluluksa ang pagkasawi ng kanilang mga kaanak.

Halos sangkatlo na lamang nang mahigit isang libong katao mula sa lumubog na barko ang nailigtas. Kaagad inihatid ng mga sundalo sa Isla ng Corregidor ang mga pasaherong nagtamo nang malalang mga sugat upang madulutan ng paunang lunas sa Malinta Tunnel na pansamantalang nagsisilbing pook ng pagamutan habang ang ibang pasahero naman ay inihatid sa Philippine General Hospital.



PALAHAW mula sa isang sanggol ang narinig ni Alicia kaya dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata. Unang bumati sa kaniya ang puting kisame na may bahid ng batik-batik na itim mula sa nanigas na mga alikabok. Nanlalabo pa ang kaniyang paningin, ngunit hindi naman nagtagal ay unti-unti rin iyong luminaw. Ilang sandali ay sinimulang ibaling ni Alicia ang kaniyang ulo sa gawing kaliwa. Nakita niya ang mahabang hilera ng mga higaan na gawa sa makalawang na bakal na may sapin na puting kama sa malawak na pasilyo.

Sa bawat kama ay nakahiga roon ang mga duguang pasyente na humihiyaw nang napakalakas at tumatangis nang dahil sa hapdi at kirot mula sa mga tinamong sugat. Kaniya-kaniya ring takbo sa iba't ibang direksyon ang mga nars at doktor upang madulutan ng panlunas ang mga sugatang pasyente habang ang suot nilang uniporme ay mantsa na rin ng mga dugo. Doon lamang napagtanto ng kaniyang isip na kasalukuyan siyang naroroon sa loob ng isang ospital. Sumisilip na rin sa durungawan ang liwanag ng haring araw. Sa tantiya niya ay maaaring ika-pito na ng umaga.

Bahagya ring nanginig si Alicia sa haplos ng malamig na hanging dumadampi sa kaniyang balat sapagkat basa-basain pa ang suot niyang bestida. Mula sa hinihigaan ay ipinasya ni Alicia na ibangon ang kaniyang sarili. Subalit malakas siyang napasinghap, napapikit nang mariin, at napahawak sa kaliwang sentido na may tapal na puting gasa nang maramdaman ang pagkirot ng kaniyang sugat maging ang bahagyang pag-ikot ng kaniyang paligid nang dahil sa biglaan niyang pagbangon. Ngunit naramdaman ni Alicia na may kumilos sa kaniyang tabi upang siya ay tulungang makabangon.

"Hindi mo dapat binibiglang ibangon ang iyong sarili. Ngunit salamat sa Panginoon at ikaw ay nagkamalay na." Nang tingalain ni Alicia ang taong nagsalita ay nasilayan niya ang mukha ni Mauricio. Ang mukha nito ay nagtamo rin ng galos sa pisngi at sugat sa gilid ng ulo na ngayon ay may tapal na ng puting gasa. Basa-basain din ang kasuotan nito. Hindi naman nagtagal ay naramdaman ni Alicia ang paglapat ng kaniyang likod sa malambot na unan.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon