Kabanata 25: Imperyo

802 70 35
                                    

PAYAPANG pinagmamasdan ni Alicia ang mga malalagong halaman maging ang mga luntiang damo sa malawak na kapatagan. Sa mga sandaling iyon ay nakatayo siya sa lilim ng malaking puno. Malapit lamang ang kaniyang kinaroroonan sa likod ng Hacienda Romano kaya hindi siya mahihirapang makabalik.

Matapos makapag-ayos ng sarili kanina ay nagpasya siyang lumabas sa kaniyang silid upang lumanghap ng sariwang hangin. Hindi pa rin nawawaglit sa kaniyang isip ang kaninang nagdaang usapan. Batid niyang para din sa kaniyang kapakanan kung bakit nais siyang ipakasal nang maaga ng kaniyamg mga magulang.

Ngunit malaking sakripisyo iyon para sa lalaking mapipili ng kaniyang ama na maging kaniyang kabiyak. Paano na lamang kung marami pang pangarap ang nais gawin ng lalaking iyon? Paano kung may ibang Binibining naiibigan ang lalaking iyon?

Pagkatapos, bigla siyang susulpot sa larawan at magiging dahilan ng kasiraan ng uganayan ng dalawang taong lubos na nagmamahalan. Hindi niya kayang sumira ng pangarap at buhay ng tao. Hindi rin niya kayang sumira ng dalawang taong nagmamahalan.

Itinuturing na sagrado ang kasal at may basbas ng Panginoon. Ang isa pa sa masaklap na katotohanan ay walang ibang paraan upang maipawalang bisa ang kasal. Sa oras na maganap iyon, kakailanganing panindigan ni Alicia maging ng lalaking mapipili ng kaniyang ama ang kanilang pagsasama bilang magkabiyak habambuhay kung sakaling magwakas man ang digmaan.

Higit sa lahat, isang malaking kataksilan ding maituturing kung siya ay magpapakasal sa ibang lalaki habang kasintahan pa niya si Lance. Hindi na nga siya naging tapat sa kaniyang damdamin para kay Lance ay gagawa pa siya ng panibagong kataksilan na siya lamang ang tanging makikinabang.

"Alicia!" Malakas na tawag sa kaniya ng pamilyar na tinig.

Kumilos naman si Alicia upang lingunin ang pinagmulan ng tinig at nakita niya si Felipe na ngayon ay naglalakad palapit sa kaniyang direksyon.

"Ano ang ginagawa mo rito?" Nagtatakang tanong ni Felipe nang makalapit sa tabi ni Alicia.

"May mga iniisip lamang ako. Ikaw? Saan ka naman nagtungo?" Payak niyang tanong.

"Ako ay nagtungo sa Tanggapan ng Koreo upang ipadala ang ginawa kong liham na inihabilin sa akin ni Rosella para sa kaniyang pamilya sa Masbate."

Oo nga pala. Bago tuluyang magkahiwa-hiwalay ang kanilang mga landas ay inihabilin pala ni Rosella kay Felipe ang paglikha ng liham upang maipabatid ang naging pasya nito sa mga magulang. Tiyak na ikasasakit ng kalooban ng pamilya ni Rosella ang naging pasya nitong sundan si Julian sa Bataan.

"Ano pala ang iyong iniisip?" Tanong naman sa kaniya ni Felipe. Ngunit bago pa makatugon si Alicia ay muli itong nagsalita. "Huwag mo na palang tugunin. Batid ko namang si Col. Montgomery ang palagi mong iniisip." Mabilis nitong pagbawi sa naging katanungan. Ngunit halatang pinipigilan lamang na sumingasing sa inis.

"Ganoon na nga." Malungkot niyang paniniyak na sinabayan pa ng malalim na buntong-hininga.

"Kung ganoon, ipinagtapat mo na pala sa iyong mga magulang maging sa iyong kapatid na ganap mo nang kasintahan si Col. Montgomery?" Hula nito batay na rin sa naging tugon at emosyong nakabalatay sa mukha ni Alicia.

"Hindi pa ako nagkakaroon ng pagkakataong ipagtapat sa kanila na kasintahan ko na si Lance."

"Kung hindi iyon, ano ang dahilan at bakit sambakol ang iyong mukha?" Naguguluhan nitong tanong.

Malalim na buntong-hininga muna ang pinakawalan ni Alicia. Pagkatapos ay kumilos siya upang isandal ang kaniyang likod sa katawan ng puno. Sumunod naman si Felipe na ngayon ay nakatayo sa kaniyang harap na dalawang hakbang lamang ang agwat ng layo nila sa isa't isa.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon