Kabanata 29: Verdugo

724 55 20
                                    

"NASISIRAAN ka na ba ng iyong ulo?! Nasawi na nga si Julian sa digmaan, subalit heto ka, humuhukay ka pa ng sarili mong libingan!" Galit ang tinig ni Aling Linda na kausap nito kay Mang Orocio kinahapunan.

Naroroon si Alicia maging si Damian sa silid ng kaniyang mga magulang. Nakatayo siya sa paanan ng higaan ganoon din ang kaniyang kapatid habang pinagmamasdan ang kanilang ama na ngayon ay nagmamadaling ilipat sa loob ng tampipi ang mga nagkalat nitong kasuotan sa ibabaw ng kama.

"Orocio, kabilang ang iyong pangkat sa mga nangungunang most wanted group! Ikalawa pa sa Kagitingan!" Tukoy ni Aling Linda sa isa pang pangkat ng gerilya na higit na kinasisindakan ng mga opisyal na Hapon.

Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin lubos na tumitimo sa isip ni Alicia ang kaniyang natuklasan. Magmula nang mabatid niya kung sino ang pinuno ng Kalayaan ay hindi na naglaho ang matinding pag-aalala at takot para sa kaniyang ama. Higit pang nalugmok sa suliranin si Alicia matapos niyang mabatid kina Mang Hilario at Mang Ernesto na kasapi rin sa Kalayaan si Damian maging si Manolo.

Iyon pala ang tugon sa mga katanungan ni Caridad na hindi magawang ipagbigay-alam ni Damian. Sapagkat tuwing kakagat ang dilim habang tulog na ang mga tao ay nagkakatipon-tipon naman sa lihim na kuta ang mga kasapi ng Kalayaan upang isagawa ang kanilang binabalak na pagsalakay sa iba't ibang pook kung saan nagkukuta ang mga Hapon.

"At saan naman kayo nanggaling kanina ni Joancho?" Maawtoridad na tanong ni Aling Linda. Huminto si Mang Orocio sa ginagawa nang matapos nitong isilid sa tampipi ang mga kasuotan saka hinarap ang kabiyak upang tugunin ang katanungan.

"Nakipagkita kami ni Joancho sa pinuno ng gerilya sa bayan ng Jaro upang tanggapin ang mga karagdagang panustos na armas, bala, mga gamot, at iba pang mga kagamitan na ipinamamahagi ng mga gerilya mula sa Infanta. Ngunit hindi rin namin nagawang makuha ang mga kagamitan nang dumating sina Damian at Manolo upang ibalita sa amin ang naganap na pananalakay ng Kempeitai sa pinagkukutaan namin sa Sumangga." Pagsasalaysay nito.

"Batid mo naman kung gaano kalupit ang ginagawa ng Kempeitai sa mga nadarakip nilang gerilya: brutal silang pinahihirapan hanggang sa masawi! Hindi ba sumagi riyan sa iyong isip kung gaano kalaking kapahamakan ang iyong idinulot? Hindi lamang sa iyong sarili kundi para sa amin. Nagawa mo pang idamay sina Joancho at Manolo nang dahil sa iyong estupidong ideya!" Halos masabunutan ni Aling Linda ang sarili sa labis na suliraning hatid na sinusuong ngayon ni Mang Orocio.

"Paumanhin." Ang tanging nasambit ni Mang Orocio sa mababang tono. Nasa tinig din nito ang pang-unawa mula sa pinaghuhugutang galit ng kabiyak. "Subalit ginawa ko lamang iyon upang bigyan ng hustisya ang naging kasawian ni Julian."

"Alam ko kung gaano mo dinaramdam ang naging kasawian ni Julian. Ngunit batid ko na hindi nanaisin ng ating anak na isuong mo sa bingit ng kapahamakan ang iyong sarili. Siya ay nasawi na buo ang kaniyang loob upang tayo ay protektahan habang ipinaglalaban ang ating bansa. Isa na siyang bayaning nakaukit sa ating kasaysayan. Sapat na ang kaniyang buhay na inialay niya para sa atin. Subalit akin nang ikasasawi kung maging kayo ni Damian ay tuluyang mawawala rin sa amin kung magawang mapaamin ng Kempeitai ang iyong mga kasapi." Nagdaramdam ang puso ni Aling Linda habang nasasalagimsim na ng isip ang maaaring kahinatnan ng mag-ama sa kamay ng mga kalaban.

"Patawarin ninyo ako, Hermelinda at Alicia. Hindi ko inasahan na ganito ang magaganap." Sambit ni Mang Orocio nang mag-angat ng tingin sa kanilang mag-ina. "Isang taon ko nang pinamumunuan ang Kalayaan. Sa mga nakalipas na buwan ay naging maingat kami sa aming mga kilos. Ngunit hindi ko batid kung paano natuklasan ng Kempeitai ang pook na aming pinagkukutaan." Napapaisip na tanong ni Mang Orocio sa sarili.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon