Kabanata 17: Banta

930 84 6
                                    

SINIMULAN nang palabasin ng prayle ang mga taong dumalo sa misa. Iyon din ang araw na kinakailangan nang umalis ng kapatid ni Alicia patungo sa Bataan. Dinamdam nang husto ni Aling Linda ang agarang pag-alis ni Julian. Bukas kasi ay simula na ang unang araw ng Disyembre at hindi matanggap ni Aling Linda na aalis si Julian kung kailan ilang linggo na lamang ang nalalabi bago sumapit ang araw ng Pasko.

Hindi nakasasapat ang ilang linggo upang punan ang ilang buwang napalayo sa kanilang piling si Julian. Kaya ganoon na lamang ang nadaramang pangungulila sa puso ni Alicia sapagkat hindi nila masasalubong ang Pasko na buo ang kanilang pamilya. Kanina, bago sila umalis patungo sa simbahan ay muling kinausap ni Mang Orocio ang kanilang ina.

Pinilit ni Mang Orocio na ipaunawa kay Aling Linda na hindi magandang pabaunan ng luha, tampo, at sama ng loob ang pag-alis ni Julian. Maaaring maghatid iyon ng kamalasan para sa taong aalis. Sa huli, nagawa ring mahikayat ni Mang Orocio si Aling Linda. Ayaw rin ng kanilang ina na may maganap na hindi maganda kay Julian, kaya maluwag sa puso nitong tinanggap ang pasya ng Punong Himpilan ng Hukbo.

"Hindi mo na ba kauusapin si Rosing?" Tanong ni Mang Orocio kay Julian nang sila ay huminto sa puwesto ng vela votiva at malayo sa malaking pinto upang mabigyang daan ang mga taong lumalabas mula sa loob ng simbahan.

Si Damian naman ay nag-aabang ng masasakyang bakanteng kalesa. Doon kasi sa labas ng kanilang komunidad hihintayin si Julian ng iba pa nitong mga kasamahang sundalo. Kaya sasama silang mag-anak upang ihatid doon si Julian.

"Nakita ko siyang nakaupo kanina sa kabilang panig sa ating hilera lamang kasama ang kaniyang pamilya." Pag-imporma ni Mang Orocio.

"Hindi na po, Itay. Maaaring masama pa ang loob sa akin ni Rosing." Mapanglaw ang mukha na komento ni Julian.

"Kahit na mayroon kayong hindi pagkakaunawaan, mainam pa rin na makapagpaalam ka sa iyong katipan. Higit siyang malulumbay at magdaramdam nang husto kung aalis ka na hindi nakapagpapaalam sa kaniya nang maayos." Paalala pa ni Mang Orocio sa anak.

"Hayaan ko na po munang humupa at lumamig ang init ng ulo sa akin ni Rosing, Itay. Batid kong mauuwi lamang ulit kami sa pagtatalo gaya kahapon. Ayaw ko po siyang iwan na tumatangis."

"Huwag kang mag-alala, anak. Kami na ng iyong ama ang bahalang kumausap kay Rosing. Batid ko na gaya ko ay mauunawaan din niya sa huli kung bakit kinakailangan mong umalis." Mapang-unawang sambit ni Aling Linda habang hinahagod-hagod ng palad nito ang likod ni Julian upang pagaanin ang loob ng anak.

"Maraming salamat po, Inay. Paumanhin din po kung dinamdam ninyo buong magdamag ang aking agarang pag-alis. Hindi ko po ibig na sumama ang inyong loob kagabi." Sinserong paumanhin ni Julian.

"Wala na iyon sa akin, anak. Para din naman sa aming kapakanan ang iyong ginagawa. Kaya hindi kita ipagkakait sa ating kababayan sapagkat kailangan kayo ng ating bansa. Siyanga pala, ibig kong dalahin mo ito sa iyong pag-alis."

Inabot ni Aling Linda kay Julian ang sariling aklat-dasalan na kaagad namang tinanggap ng Tenyente. Pagkatapos ay isinabit naman sa leeg ng anak ang rosaryo.

"Isusuot mo sa tuwina ang rosaryo na iyan at dalahin mo palagi ang aklat-dasalan na iyan saan ka man magtungo. Kahit wala kami sa iyong tabi, ang mga iyan ang gagabay sa iyo upang iadya ka sa anumang kapahamakan." Nakangiting wika ni Aling Linda habang hinahaplos ng palad ang pisngi ni Julian.

"Tatandaan ko po ang iyong habilin, Inay. Hinding-hindi ko po ilalayo ang mga bagay na ito sa akin. Liliham din po ako sa inyo upang inyong mabatid ang aking kalagayan sa Bataan." Nakangiting saad ni Julian matapos isilid ang aklat-dasalan sa bulsa ng suot na uniporme.

"Julian!" Narinig ng mag-anak na tawag mula sa isang pamilyar na tinig.

Nang lingunin nila ang gawi ng pinagmulan ng tinig ay ng mag-anak si Felipe. Nakasuot ang binata ng kayumangging kamiseta na binagayan ng abuhing pantalon at itim na sapatos. Ang buhok nito ay pinasadahan ng kaunting pamada upang maging maaliwalas ang mukha.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon