Kabanata 34: Pagtatagpo

675 52 30
                                    

MALUGOD na tinanggap nina Sojiro, Javier, at Alkalde Hernandez ang pinakinis na bao ng niyog na may lamang umuusok na arroz caldo mula kay Isay. Buong araw ay hindi pa nalalapatan ng pagkain ang kanilang mga sikmura kaya ipinagluto sila ni Isay ng makakain.

"Ano po ang nangyari sa inyo, Alkalde Hernandez? Paano po kayo napadpad dito sa Ormoc?" Usisang tanong ni Alicia.

Sa mga sandaling iyon ay naroroon sila sa tapat ng isang kubo. Doon sa mahabang bangko sa tabi ng munting hagdan ng kubo nakaupo ang tatlo nilang panauhin. Katatapos lamang gamutin ni Cecilia sina Sojiro at Alkalde Hernandez. Natapalan na ng gasa ang kanilang mga tinamong pinasala at kasalukuyang ginagamot ni Cecilia ang sugat sa kaliwang sentido ni Javier.

"Sinalakay ng Kempeitai ang aming pook. Marami silang dinakip na mga pinaghihinalaang gerilya na kasapi ng Kalayaan at Kagitingan sa pangunguna ng pinuno ng mga taong bayong. Lahat sila ay pinaslang at sinunog ang kanilang mga tahanan kasama ang kanilang mga pamilya. Umabot ang malaking sunog kung saan kami nanunuluyan. Kaya labag man sa aming kalooban ay nilisan namin ang hacienda upang doon sa loob ng kakahuyan humanap ng aming kanlungan at makapagsimulang muli." Mapanglaw ang tinig na pagsasalaysay ni Alkalde Hernandez.

"Buong akala namin ay magiging ligtas na kami sa loob ng kakahuyan. Ngunit kami ay nagkamali. Sinalakay kami ng pangkat ng bandidong kawatan. Nasawi ang pamilya ni Tiya Amparo nang sila ay magmatigas na ibigay ang kanilang mga nailigtas na salapi at alahas. Nagawa naming tatlo na makatakas. Tumakbo kami nang tumakbo upang mailigaw ang mga bandidong nais kaming paslangin. Sa kasamaang palad, hinarang naman kami ng Hukbalahap na tumutugis sa mga Hapon. Inakala nila na kami ay mga kalaban sapagkat kasama namin si Sojiro at inisip na kabilang kami sa mga taong bayong." Pagpapatuloy ni Javier kung bakit napadpad silang tatlo sa Ormoc.

"Hindi talaga titigil si Kapitan Hirayama hangga't wala sa mga kasapi ng Kalayaan at Kagitingan ang kanilang nadarakip." Komento ni Mauricio matapos marinig ang nakapanlulumong salaysay ng mag-amang matapos ang naganap na pananalakay ng mga Hapon sa Palompon.

"Halatang nayurakan ang pagkatao ni Kapitan Hirayama sa nagdaan nating pagsalakay. Kaya hindi na kataka-taka kung maghiganti man ang matandang iyon sa ating mga pangkat upang muling ibangon ang kaniyang sarili sa kahihiyan." Naiiling-iling na komento naman ni Silverio.

"At lubos kaming nagpapasalamat nang dumating kayo kanina, hija. Sa kabila ng ating mga hindi pagkakaunawaan habang tinatakasan natin ang digmaan ay nanaig pa rin sa inyong mga puso ang kabutihan upang kami ay sagipin. Utang namin sa inyo ang aming ikalawang buhay." Malugod na pasasalamat ni Alkalde Hernandez kay Alicia.

"Wala pong anuman, Alkalde Hernandez. Tayo-tayo ring magkababayan lamang ang magdadamayan at magtutulungan sa gitna ng kagipitan na ating nararanasan ngayon. Kung wala na po kayong mapupuntahan na iba ninyong kamag-anakan ay bukas po ang aming kuta upang dito kayo manuluyan." Nakangiting alok ni Alicia.

"Sandali lamang, Langga." Pigil ni Felipe na may kalakip na pagtutol. Kaagad naman niyang binalingan ang kasintahan na nakatayo lamang sa kaniyang tabi. "Ikaw ba ay nakatitiyak sa iyong tinuran?"

"Wala naman akong nakikitang masama kung patuluyin natin sila sa ating kuta."

"Kay Sojiro, wala akong suliranin." Pagkatapos ay dumako ang tingin ni Felipe sa mag-amang Hernandez na may bahid ng pagdududa. "Ngunit sa mag-amang iyan, tagilid ang aking pananaw ukol sa kanila. Sa hilatsa pa lamang ng kanilang pagmumukha ay halata namang pagtataksilan nila tayo."

Mabilis namang napagtanto ni Alicia kung ano ang nais ipakahulugan sa kaniya ni Felipe. "Batid kong masakit at hindi katanggap-tanggap ang ginawa nila noon sa iyo. Ngunit lahat tayo rito ay apektado ng digmaan. Kaya kung maaari sana ay isantabi mo muna ang iyong personal na galit at maging maunawaing sibil muna sa kanilang pinagdaraanan ngayon? Huwag mo ring iwaglit sa iyong isip na ang pagtulong sa nangangailangan ang isa sa pinakapangunahing layunin ng ating pangkat." Pagpapaunawa niya sa kaniyang kasintahan.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon