Kabanata 37: Sapantaha

463 20 15
                                    

NAGPATULOY ang Kalayaan sa kanilang kagila-gilalas na pagsalakay sa mga sumunod na araw sa iba't ibang kampo at bahay-parausan kung saan palaging naglalagi ang mga sundalong Hapon. Paulit-ulit na kahihiyan naman ang natatanggap ni Kapitan Hirayama sa sunod-sunod na pagkaduhagi ng mga tauhan nito sa kadahilanang ni isa sa kasapi ng Kalayaan ay wala pa itong nadarakip upang maparusahan sa mga pinsalang idinulot ng mga nagdaang pananalakay.

Magmula nang masilayan ni Alicia ang kalagayan ni Julian ay muling kumirot ang sariwang sugat ng kahapon na hindi lubusang nagmaliw. Nagsilbi iyong ningas sa natutulog na gasolinang mahimbing na humihimlay sa puso ni Alicia upang ipaghiganti ang kaniyang kapatid.

Walang anumang bahid ng habag sa mukha nang isaksak niya ang talim ng katana sa sikmura ng sundalong Hapon na humarang sa kaniyang dinaraanan. Tanghali ng mga oras na iyon ay kasalukuyang nakikipaglaban ang Kalayaan sa isang lambak. Paubos na rin ang kanilang mga armas kaya nagpasya si Alicia na tambangan ang military truck ng mga sundalong Hapon sa pook na iyon na maghahatid ng mga bagong armas sa kampo ng mga kalaban sa lalawigan ng Palo.

Hindi nakasapat kay Alicia ang ginawang pagsaksak bagkus ay buong puwersa pa niyang pinatagos ang sandata hanggang sa likod ng kalaban habang pumapatak mula sa talim niyon ang sariwa nitong dugo. Pagkatapos ay marahas niyang hinugot ang espada at hinayaang bumagsak ang katawan ng sundalong Hapon sa kaniyang paanan.

Naging abala si Alicia sa mga sumunod na sundalong Hapon na sumalakay patungo sa kaniyang puwesto dahilan upang hindi niya agad mapuna ang isa pang kalaban mula sa likuran at malaya siya nitong tinadyakan sa kaniyang likod. Sa lakas ng tadyak ay sumubsob siya sa damuhan at kumalas sa kaniyang kamay ang hawak na espada. Sinamantala ng duguang sundalong Hapon ang pagkakataon upang damputin ang mahabang baril na wala nang kargadang bala mula sa nasawi nitong kalahi.

Nang subukang tumihaya ni Alicia ay mabilis na humarang sa kaniyang leeg ang katawan ng mahabang baril. Iyon ang ginamit ng duguang sundalong Hapon upang siya ay sakalin. Habang isinasakal sa kaniya ang mahabang baril ay sinusubukan din niyang abutin ang puluhan ng kaniyang espada. Ngunit may kalayuan iyon sa kaniyang puwesto kaya hindi niya magawang makuha.

"Alicia!" Magkapanabayang sigaw nina Felipe at Lance na kapuwa may sugat at galos habang may ginugulpi silang mga kalaban.

Dagling gumuhit ang galit sa mukha ni Lance saka dali-dali nitong inipit ang leeg ng kalaban sa pagitan ng sariling braso at bisig. Sinubukan pang kumawala ng kalaban. Sa kasamaang palad ay hindi nito iyon napagtagumpayan nang higit pang diniinan ng Koronel ang pagkakaipit sa leeg hanggang tuluyang malagutan ng hininga ang sundalo.

Samantala, ginamit naman ni Felipe ang natutuhan nitong martial arts kay Yoshiro saka ginawa ang bantog na galaw ni Kapitan Hirayama sa pamamagitan ng pagtalon na sinabayan ng pag-ikot ng katawan sa ere saka nagpakawala nang malakas sipa na tumama sa leeg ng katunggaling sundalo. Sa lakas ng puwersa ng pagsipa ay lumagatok saka nabali ang buto sa leeg ng katunggali na mabilis nitong ikinasawi.

Matapos paslangin nina Felipe at Lance ang kanilang mga kalaban ay nagmamadali silang tumakbo upang damputin ang mahabang baril mula sa nakahandusay na bangkay ng isang sundalong Hapon. Subalit kapuwa rin silang natigilan at nagkatitigan nang sabay nilang hinawakan ang magkabilang bahagi ng baril.

"You're holding my gun." Sambit ni Lance na ang himig ay nag-uutos na bitiwan ni Felipe ang baril.

"Pers come per serb."

"I came here first."

"But ep is da sixth letter in da alpabet. You is behind and beri par away." Depensa pa ni Felipe.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon