Kabanata 15: Pamahiin

939 108 22
                                    

"AKING nabatid sa litratista na wala na raw ang iyong larawan sa mga larawan na kanilang itinatabi." Pagbabalita ni Veronica kay Alicia habang sila ay magkaharap sa mesa na pandalawahang tao.

Kasalukuyan silang nasa karinderya ni Aling Minda habang hinihintay nilang magkaibigan na matapos sina Isay at Caridad na pagsilbihan ang mga suki. Patungo silang apat ngayon sa tahanan nina Rosella. Mayroon daw ibig ipakita sa kanila si Rosella at nais nitong mabatid ang kanilang mungkahi.

"Ha? Paanong wala na ang aking larawan sa kanila? Naiwala ba nila?" Usisa tanong ni Alicia sa kaniyang kaibigan.

"Hindi naman daw nila naiwala ang iyong larawan. May tao raw na pumunta sa kanilang pulang silid upang bilihin ang iyong larawan." Tukoy ni Veronica kung saan ginagawa ang mga larawan. "Ang akala nga raw litratista ay kakilala natin, kaya hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang bayad ng taong bumili ng iyong larawan."

"Bakit naman bibilihin ng taong iyon ang aking larawan?" Salubong ang kilay na tanong ni Alicia sa kaniyang sarili.

Kibit-balikat naman ang naitugon ni Veronica. "Hindi ko rin batid. Kakatwa, hindi ba?"

"Oo nga, eh. Bakit naman pag-iinteresan ng taong iyon ang aking larawan? Hindi naman iyon ginto." Napapaisip na saad pa ni Alicia. Subalit kaagad din naman niyang iwinaksi ang kaisipang iyon nang may magunita ang kaniyang isip. "Naitanong mo rin ba sa litratista kung mayroon silang naitabing sipi ng aking larawan?"

"Oo, naitanong ko rin ang iyong bilin. Subalit wala na raw ibang siping naitatabi ang litratista. Iminungkahi niya sa akin na maaari ka naman daw magtungo sa kanila upang makuhaan ka na lamang nila ng bago mong larawan." Pag-imporma sa kaniya ni Veronica.

Sumimangot lamang si Alicia sa mungkahing iyon. Batugan pa naman siya umaalis-alis nang napakalayo. Kaya nga inabot pa siya ng tatlong araw bago maiparating kay Ginoong Yamada ang kaniyang pasya sapagkat ayaw niyang bumiyahe nang malayo.

Pagkatapos, kailangan pa niyang magtungo sa kinaroroonan ng litratista upang magpakuha lamang uli ng larawan? Huwag na, ano! Papagurin pa siya ng litratista na muling isuot ang terno ng kaniyang ina. Maaaring humulas na ang pulbos sa kaniyang mukha at nagpaltos na ang kaniyang mga paa.

"Hayaan na natin iyon. Marami pa namang pagkakataon na maaari akong makapagpakuha ng solo kong larawan." Pagsasawalang bahala na lamang ni Alicia. Ayaw rin naman niyang gumugol nang malaking halaga para sa lamang sa iisang larawan. "Kumusta naman ang sandaling kasama mo si Felipe kahapon?" Pag-iiba niya ng kanilang paksang tinatalakay.

Ibig din niyang kumustahin kung ano ang naganap habang kasama nito si Felipe matapos niyang matuklasan sa binata na may lihim na pagtingin si Emil kay Veronica. Isang malalim na buntong hininga muna ang pinakawalan ni Veronica. Hanggang sa napuna ni Alicia ang unti-unting naglaho ang sigla sa mukha nito at pumanglaw.

"Naging maayos naman ang aming biyahe kahapon. Ako palagi ang nag-iisip ng paksa na maaari naming pag-usapan. Subalit napuna ko na hindi interesado si Ipeng sa aking mga ikinukuwento. Hindi na siya palaimik at nagbibiro. Hindi gaya noong nakaraan na kami ay namasyal sa karnabal na puno siya ng sigla at tuwa." Nalulumbay na pagkukuwento sa kaniya ni Veronica.

"Nasa biyahe kayo, kaya tiyak na hindi ka niya masyadong kakausapin sapagkat kailangang ituon ni Felipe ang kaniyang pansin sa daan na inyong binabagtas." Pagdadahilan na lamang ni Alicia para kay Felipe upang kahit paano ay maibsan ang lumbay ng kaniyang kaibigan.

"Hindi naman ganoon si Ipeng noong huli akong sumakay sa kaniyang awto. Kahit nasa daan ang kaniyang pansin ay kinakausap pa rin niya ako. Subalit nakapaninibago ang ipinamalas niyang pakikitungo sa akin kahapon. Hindi pa naman ako sanay na ganoon siya katahimik at kaseryoso." Komento ni Veronica na hindi pa rin naglalaho ang panglaw sa mukha.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon