Kabanata 26: Panganib

804 76 31
                                    

DISORAS na ng gabi ngunit nananatili pa ring nakaupo sa gilid ng kama si Alicia habang tahimik niyang pinagmamasdan ang abuhing larawan ni Lance. Nasa loob na siya ng kaniyang silid at suot ang maluwag niyang bestidang pantulog na may mahabang manggas. Katatapos lamang niyang suklayin ang lagpas balikat niyang alun-aluning buhok nang kaniyang maisipan na kuhain sa kaha ng tokador ang larawan.

Mabuti na lamang ay nagawa niyang maisingit ang lawaran na iyon sa isa sa kaniyang mga bestida sa aparador. Kaya nang maghalungkat ng mga kasuotan na dadalahin ang kaniyang ina ay kabilang ang bestidang iyon sa nadala patungo sa Ormoc. Sa tuwing kinakabisado ang bawat anggulo sa mukha ng Koronel ay kaniyang nadarama ang labis na kagalakan at kasabikan.

Ngunit ngayong gabi na kaniyang pinagmamasdan ang larawan ng binata ay wala siyang anumang nadarama na kahit anong damdamin sa kaniyang puso. Iyon pa rin ang dating patlang na damdamin na kaniyang nadama nang ipagtapat ni Lance ang pag-ibig nito sa kaniya. Walang nagbago. Anumang pag-amuki ang gawin ng kaniyang sarili ay wala siyang mapiga.

Ganoon pa man ay walang ibang inilulunggati si Alicia kundi makabalik nang ligtas si Lance. Isang malalim na buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan saka tumayo upang ipinatong sa ibabaw ng mesita ang larawan ni Lance. Pagkatapos ay hinawakan niya ang tatagnan ng lampara saka lumabas ng silid. Kanina pa siya nakadarama ng pagkauhaw, kaya naisip niyang magtungo muna sa kusina upang uminom ng isang basong tubig bago matulog.

Subalit kaagad ding huminto si Alicia sa kaniyang paglalakad nang makita ang liwanag na nagmumula sa loob ng komedor. Binulabog siya nang matinding kaba sa kaniyang dibdib. Balita pa naman sa buong bayan na sa tuwing sasapit ang gabi ay pinapasok ng mga Hapon ang bawat kabahayan upang mangialam ng mga kasangkapan. Minsan naman ay makikikain sila sa kusina nang walang paalam.

Kung may makitang man silang mapakikinabangan gaya ng salapi at mga alahas ay kanilang nanakawin. May pagkakataon ding naglilibot-libot sila sa bawat silid. Kung matiyempuhan nila ang isang babae na walang kasiping na lalaki ay kanilang kukuhain upang gawing parausan. Mapanganib man na mag-isa siyang naroroon sa pasilyo ng mga oras na iyon ay nilakasan ni Alicia ang kaniyang loob saka nagpasyang lapitan ang komedor upang alamin kung sino ang nasa loob.

Ang bigat ng kaba at takot na kaniyang nadarama kanina ay tuluyang naglaho nang makita niyang nakaupo sa silya sa mahabang hapag si Felipe. Tanging ang buga ng malamlam na liwanag mula sa lamparang nakapuwesto sa gitna ng hapag ang tanging kasama ng binata sa pag-iisa. Mababanaag din sa mukha nito ang kapanglawan maging ang labis na kabiguan habang nasa malalim na pag-iisip.

Magmula nang bumalik si Felipe sa hacienda hanggang sa matapos ang hapunan ay hindi pa niya nagagawang makausap ang binata. Sa tuwing kaniyang susubukan ay tila ba iniiwasan siya nito. Batid ni Alicia na masama ang loob sa kaniya ni Felipe nang dahil sa ginawa niyang pagpayag na maikasal kay Manolo. Ngunit wala pa rin itong karapatan upang hadlangan ang pasya ng kanilang mga magulang.

Ganoon pa man ay nais pa rin niyang makausap si Felipe upang ipaliwanag ang kaniyang panig. Kaya sa huli ay nagpasya siyang pumasok sa loob ng komedor tangan ang sariling lampara. Mabilis naman niyang naagaw ang pansin ng binata nang marinig nito ang papalapit niyang yabag. Subalit mabilis ding ibinalik ni Felipe ang tingin nito sa liwanag ng lampara sa hapag.

"Gabi na. Bakit ikaw ay gising pa?" Payak na tanong ni Felipe nang makalapit si Alicia, ngunit ang pansin ay nasa dingding lamang.

Ipinatong muna ni Alicia ang hawak niyang lampara sa ibabaw ng mesa saka tinugon ang katanungan nito. "Hinintay ko pang dalawin ako ng antok. Patulog na rin ako ngunit nakaramdam ako ng uhaw. Kaya naisip kong bumaba muna upang kumuha sana ng tubig. Subalit nakita kong may liwanag dito sa komedor. Aking inakala na may mga Hapon na bigla na lamang nakapasok, kaya naisip kong alamin."

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon