Kabanata 11: Itinatangi

1.2K 114 68
                                    

MASIGABONG palakpakan ang inani nina Alicia at Felipe nang magwakas ang awitin. Makikita sa bawat mukha ng mga manonood na naibigan ng lahat ang kanilang pagtatanghal ni Felipe. Mula sa kinatatayuan ni Alicia ay nalipat naman ang kaniyang pansin sa dulong bahagi ng kabaret at natanaw niya ang kaniyang kapatid maging si Thomas na pumapalakpak sa kinatatayuan habang siya ay pinagmamasdan mula sa entablado.

Pagkatapos niyon ay lumihis ang tingin ni Alicia at muling napako ang kaniyang pansin kay Lance na ngayon ay abot tainga ang ngiti habang siya ay pinapalakpakan ng binata na may pagmamalaki sa mukha. Muli namang pumanhik sa entablado ang punong-abala upang purihin ang nakamamanghang duweto nina Alicia at Felipe.

Hindi naman nagtagal ay nagpasya na rin sina Alicia na pumanaog sa likod ng entablado habang naririnig nila ang punong-abala upang ipagbigay-alam sa lahat ng panauhin na dumating na raw ang pangunahing mang-aawit at magtatanghal. Kaya nagpatugtog muna ng romantikong musika na balse.

"Hindi ko inasahan na mahusay ka palang umawit. Hindi ko rin inasahan na sasabayan mo ako sa aking pag-awit sapagkat hindi naman natin iyon napag-usapan habang naririto pa tayo sa likod ng entablado. Gayunpaman ay naging maganda pa rin ang kinalabasan." Komento ni Alicia kay Felipe nang marating nila ang likod ng entablado.

"Wala naman talaga akong balak na umawit. Subalit nadarama ko ang matinding kaba sa bawat liriko na iyong sinasambit. Kaya naisip kong sabayan ka sa pag-awit upang kahit paano ay matakpan niyon ang bahagyang panginginig ng iyong tinig. Mahirap pa namang tamaan ang matataas na nota kung puno ng kaba ang iyong dibdib. Maaaring ikaw ay pumiyok nang wala sa oras." Payak na paliwanag sa kaniya ni Felipe. Subalit naghatid iyon ng mainit na haplos sa puso ni Alicia ang pahayag nito.

"Hindi ko akalain na mahahagip pa ng iyong pandinig ang bahagyang panginginig ng aking tinig habang ako ay umaawit. Maraming salamat sa iyong paggabay kanina." Nahihiyang pasasalamat niya kay Felipe habang nakasunod siya sa likuran nito hanggang sa makalabas sila sa likod ng entablado.

Mayamaya ay huminto rin si Alicia sa kaniyang paglalakad nang huminto si Felipe upang siya ay lingunin. Nakita niya ang pagsilay ng maganda nitong ngiti sa labi. Ang mga panauhin naman sa kanilang paligid ay abalang pinagsisilbihan ng mga pagkain ng mga lumilibot na serbidor at serbidora. Kabilang na roon si Veronica na magiliw nitong nginingitian ang mga panauhin at tumutugon sa mga katanungan. Makikita rin sa gitna ng kabaret ang mga magkakaparehang babae at lalaki na kapuwa sumasayaw sa saliw na balse.

"Walang anuman. Kahit na ubod ka ng sungit at suplada, nakahanda pa rin ako palagi upang ikaw ay sagipin." Payak nitong pahayag na may bahid pa ng inis habang nakapamulsa ang dalawang kamay.

Hindi man tuwirang nakatingin si Felipe ay nasukol ng pansin ni Alicia ang pagguhit nang bahagyang lumbay sa mga mata ng binata. Sinimangutan niya si Felipe at hindi na lamang siya nagbigay ng kaniyang komento. Ayaw niyang masira ang kaniyang araw ngayon lalo na at naroroon din sa kabaret na iyon si Lance.

"Siyanga pala, Alicia." Narinig niyang sambit ni Felipe na may bahid hiya ang tinig.

"Ano iyon?" Taka niyang tanong nang mapuna niyang tila nagdadalawang-isip pa si Felipe kung ano ang nais sabihin.

"Kung iyong pahihintulutan, ayos ba sa iyo kung yayain kita ngayong sumayaw?" Isinenyas pa ni Felipe ang ulo nito sa gitna kung saan ay sumasayaw sa romantikong musika ang mga magkakapareha.

Hindi kaagad nakatugon si Alicia. Alipala kasing sumagi sa kaniyang gunita ang nagdaan niyang panaginip. Ngayon ngang magkaharap sila sa isa't isa ay nakadarama na siya ng pagkailang, paano pa kaya kung hawak na mismo ni Felipe ang kaniyang kamay at baywang?

Subalit hindi niya magagawang umawit nang maayos kanina sa entablado kung wala ang kakayahan ni Felipe sa pagtugtog ng piyano. Malaki rin ang posibilidad na siya ay pumiyok at mapahiya sa harap ng mga panauhin kung hindi dahil sa payak na paggabay ng malalim nitong tinig upang mapagtakpan ang kaniyang nadaramang kaba.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon