Kabanata 22: Trahedya

873 82 31
                                    

INIHIMPIL ni Mauricio sa tapat ng isang abandonadong bahay na bato ang awto pagsapit ng gabi. Madilim ang buong paligid. Wala ring sindi ang bawat poste ng ilaw nang dahil sa matinding pagkawasak ng mga linya ng elektrisidad nang dahil sa sunod-sunod na pagbomba ng mga Hapon. Tanging ang mahinang liwanag mula sa dalawang punong ilaw (headlights) sa unahan ng awto ang nagbibigay ilaw sa madilim na daan.

"Dito muna tayo pansamantalang magpalipas ng gabi. Batid kong pagod na kayo. Mapanganib na rin para sa atin na bumiyahe nang ganitong alanganing oras. Madilim na ang kalsada at malapit na ring mapundi ang punong ilaw nitong awto." Paliwanag ni Mauricio. Pagkatapos ay nilingon nito mula sa likuran sina Alicia at Felipe upang iabot ang ang dalawang pananglaw (flashlights) na kapuwa may kargada ng baterya.

Sinimulan namang buhayin nina Alicia at Felipe ang hawak nilang pananglaw. Pinatay rin ni Mauricio ang sindi ng punong ilaw ng awto upang hindi iyon makatawag ng pansin mula sa mga gumagalang kalaban. Hindi naman nagtagal ay umibis sila mula sa loob ng awto. Nagpatiuna sa paglalakad sina Alicia at Felipe habang nakatutok sa dinaranaan ang hawak nilang pananglaw. Sina Mauricio at Vicente naman ay magkatulong na inalalayan ang walang malay na si Emelino.

Lumikha nang malakas na langitngit ang pinto ng bahay nang itulak iyon ni Felipe. Si Alicia ang unang pumasok sa loob habang nakatutok sa kaniyang dinaraanan ang liwanag ng pananglaw. Kasunod niyon ay ang marahang pagsara ng pinto, tanda na pumasok na rin sa loob si Felipe maging sina Mauricio at Vicente habang inaalalayan si Emelino.

Unang bumungad kay Alicia ang mga nagkabalandrang kasangkapan gaya ng mesa at mga silya. Nagkalat din ang mga kasuotan sa kahot na sahig ng malawak na sala mayor. Sa labis na taranta at pagmamadali ay isinawalang bahala na ng mag-anak ang mga kasuotang nahulog sa sahig upang makaalis sa bahay. Hindi naman nagtagal ay unti-unting sumindi ang dilaw na liwanag sa buong sala.

Binalingan ni Alicia ang pinagmumulan ng liwanag. Nakita niya si Felipe na pinipihit sa gilid ang tatlong lamparang nakapatong sa ibabaw ng mesita upang tantiyahin ang buga ng liwanag. Pagkatapos ay pinalamlam nito ang liwanag upang hindi masyadong kapuna-puna mula sa labas na may mga tao sa loob ng abandonadong bahay na bato. Sa huli ay pinatay ni Alicia ang pananglaw upang makatipid sa baterya ngayong maliwanag na ang buong paligid.

"Ihahatid muna namin ni Enteng si Emil sa silid sa itaas upang doon siya ihiga at para makapagpahinga muna kami saglit." Paalam ni Mauricio kay Felipe nang kuhain nito ang isang lampara. Pagkatapos ay lumakad na ito kasabay si Vicente habang inaalalayan si Emelino patungo sa gawi ng hagdan. Naiwan naman sa sala si Alicia kasama si Felipe nang tuluyang makapanhik sa itaas sina Mauricio.

"Alicia, na paano ang malaking sira sa likod ng iyong bestida?" Salubong ang kilay na tanong ni Felipe nang mapuna ang malaking sira ng tela likod ni Alicia.

Nang dahil sa katanungang iyon ni Felipe ay muling nagbalik-tanaw sa gunita ni Alicia ang kabastusang ginawa sa kaniya ng matandang Hapon. Hanggang sa mga sandaling iyon nadarama pa rin ng kaniyang leeg ang mapupusok na halik ng nasawing matandang Hapon maging ang haplos ng kamay nito sa kaniyang binti at hita.

Hindi napigilan ni Alicia na kumawala sa kaniyang bibig ang mahina niyang paghikbi. Naglandas din ang mga luha sa kaniyang pisngi. Naramdaman niya ang paglapit sa kaniya ni Felipe na punong-puno ng pag-alala na ngayon ay nakikita siya nitong tumatangis.

"P-Pinagtangkaan akong p-pagsamantalahan ng isang opisyal na Hapon." Sambit ni Alicia sa pagitan ng nahihiyang tinig at mahinang pagtangis habang nakayuko ang kaniyang ulo.

Sa isang iglap ay natagpuan na lamang niya ang kaniyang sarili na yakap-yakap ni Felipe. Walang nagawa si Alicia kundi ibuhos ang kaniyang mga luha sa dibdib nito.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon