Kabanata 20: Bihag

887 77 18
                                    

"FELIPE, magsalita ka!" Malakas ang tinig na tawag ni Alicia habang inuuga-uga niya ang balikat nito. Umaasa na sa pamamagitan niyon ay magsalita ang binata. "Pakiusap, Felipe! Huwag mo akong iiwan! Hindi ko kakayaning mawala ka!" Nagsusumamo niyang tawag. Ngunit nanatiling walang kibo sa kaniyang ibabaw si Felipe. Nagsimula na ring maglandas ang mga luha ni Alicia sa magkabila niyang pisngi.

Hindi niya batid kung bakit ganoon na lamang ang sakit na kaniyang nadarama sa puso. Kahit na hindi sila magkapalagayan ng loob at nagawa siya nitong pagtaksilan, ni minsan ay hindi sumagi sa kaniyang isip na dumating sa punto na masawi si Felipe. Sa kabila ng nakadidismaya nitong pag-uugali, maraming nagawang kabutihan sa kaniya ang binata.

Palaging nariyan sa kaniyang tabi si Felipe sa tuwing siya ay nangangailangan ng tulong na labis niyang ipinagpapasalamat nang lubos. Kaya ganoon na lamang ang hapding nadarama ng kaniyang puso sapagkat pinili pa rin ni Felipe na siya ay iligtas sa kabila ng nadarama niyang galit sa huli nilang pagtatalo kahit buhay pa nito ang maging kapalit.

"Hindi mo ako kailangang tangisan, kaya tumahan ka na, Alicia." Mahina ang tinig na sambit Felipe malapit sa kaniyang tainga. Ramdam din niya ang mainit nitong hininga na dumadampi sa kaniyang tainga pababa sa kaniyang leeg.

"F-Felipe . . ." tanging nawika ni Alicia. Ang kaninang dalamhating nadarama ng kaniyang puso ay napalitan ng pag-asa. Umurong din ang kaniyang mga luha matapos makumpirmang buhay pa si Felipe!

Hindi naman nagtagal ay naramdaman ni Alicia ang marahan nitong paggalaw. Mula sa pagkakasubsob ay iniangat ni Felipe ang ulo upang itapat ang mukha nito sa kaniyang mukha. Kapuwa naghinang ang kanilang mga mata. Kitang-kita rin niya ang sariwang dugong naglalandas mula sa kaliwa nitong sentido pababa sa pisngi.

Naisip ni Alicia na maaaring tumama ang sentido nito sa mga nagkalat na tipak habang sila ay nagpagulong-gulong kanina sa lupa upang iwasan ang pagbagsak ng pader. Higit pang kumabog ang dibdib ni Alicia sapagkat gahibla na lamang ang pagitan ng tungki ng kanilang mga ilong. Sa oras na gumawa ng maling pagkilos si Alicia ay maaaring maglapat ang kanilang mga labi.

Kaya nagpasya siyang manatili sa kaniyang ayos at hindi kumibo. Ngunit kung kailan naman siya nag-iingat ay saka naman kumilos si Felipe upang ilapat ang noo nito sa ibabaw ng kaniyang noo. Walang nagawa si Alicia kundi ibaling na lamang ang kaniyang pansin sa mamula-mulang labi ni Felipe upang iwasan ang tinging ipinupukol nito sa kaniya.

"Salamat naman at ligtas ka . . ." mahinang sambit ni Felipe. Masasalamat sa tinig nito ang labis na pasasalamat na walang anumang nangyaring masama kay Alicia.

"S-Salamat din at buhay ka . . ." sinubukan din niyang ibalik ang kaniyang tingin sa mga mata ni Felipe. Ngunit muli rin siyang umiwas ng tingin at ibinalik ang pansin sa labi nito.

Aywan ba niya! Sa tuwing naghihinang nang ganoong katagal ang kanilang mga paningin ay tila ba inaakit siya ng maaamo nitong mga mata na gumawa nang hindi kanais-nais na pagkilos sa romantikong paraan.

"Kahit ano man ang mangyari, hinding-hindi kita iiwan, Alicia. Nangako ako kay Col. Montgomery na hindi kita pababayaan. Kaya hangga't naririto ako sa iyong tabi, walang sinuman ang maaaring makapanakit sa iyo. Walang sinuman ang makakapaglayo sa iyo sa akin." Sinasabi iyon sa kaniya ni Felipe habang masuyong humahaplos sa gilid ng kaniyang mata ang hinlalaki nito upang tuyuin ang kaniyang luha.

Sa pamamagitan ng payak nitong haplos ay ipinababatid sa kaniya ni Felipe na wala siyang dapat na ikabahala. Na hangga't nariyan ito sa kaniyang tabi ay hindi siya masasaktan ninuman. Tila may banayad na kamay na humaplos sa kaniyang puso matapos marinig ang binitiwang pangako ni Felipe. Hindi niya akalain na sa kabila ng nadarama niyang galit ay pinili pa ring ibuwis ni Felipe ang buhay nito para sa kaniya.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon