Kabanata 04: Paninibugho

1.8K 119 76
                                    

KINAGABIHAN ng araw ng Linggo ay nagtungo ang buong mag-anak na Apacible sa tahanang bahay na bato ng pamilya Salustiano upang makapamanhikan. Malugod at maligaya namang pinatuloy ng pamilya ni Rosella ang pamilya nina Alicia sa loob ng tahanan patungo sa munting sala. Ang pamilya ni Rosella ay bahagyang nakaaangat sa buhay kaya kahit paano ay nakapagpagawa ng bahay na bato na may sapat ang laki.

"Magandang gabi sa inyo, Mang Anselmo. Maraming salamat at pinaunlakan mo kaming mag-anak na patuluyin dito sa inyong tahanan." Masayang pagbati ni Mang Orocio saka nakipagkamay kay Mang Anselmo.

"Magandang gabi rin sa inyo, Mang Orocio. Wala iyon at masaya rin kaming patuluyin ang inyong mag-anak sa loob ng aming tahanan. Saka magiging isa na rin ang ating pamilya sa oras na maikasal na ang ating mga anak kaya bukas ang aming tahanan para sa inyo." Nakangiting wika ni Mang Anselmo matapos makipagkamay kay Mang Orocio.

"Saka ibig naming ipaabot sa inyo itong tatlong putahe na aking niluto bilang handog ng pamilya Apacible." Nakangiting sambit naman ni Aling Linda habang hawak ang isang putahe na nakalagay sa parihabang pinggan na tinatakpan ng dahon ng saging ang ibabaw upang hindi marumihan. Ganoon din si Alicia na may hawak ding parihabang pinggan habang ang kaniyang Kuya Damian naman ay hawak ang palayok na may sinabawan.

"Naku naman, Aling Linda! Nag-abala ka pang ipagluto kami ng putahe. Ngunit taos-puso kaming nagpapasalamat sa inyong handog. Nawa'y hindi ka hustong napagal sa pagluluto." Nahihiya ngunit nakaguhit sa mukha ni Aling Virgilia ang lubos na pasasalamat at pagpapahalaga sa pagsisikap ni Aling Linda na makapagluto ng mga putahe.

"Hindi naman ako nahirapan sa pagluluto ng mga putaheng iyan. Tinulungan din ako ng aming bunso na si Alicia sa pagluluto."

"Ano-ano pala ang mga putaheng inyong niluto?" Tanong ni Aling Virgilia.

"Itong dala ko ay menudo, kay Alicia naman ay laing, at ang nasa palayok na dala ni Damian ay sinampalukang baka."

Binuksan ni Aling Virgilia ang takip ng palayok saka humalimuyak sa buong paligid ang bango ng sinampalukang manok. "Nakatatakam! Sa amoy pa lamang ay akin nang masasabi na masarap ang mga dala ninyong putahe."

"Ang mabuti pa ay magtungo na tayo sa komedor upang salo-salo na tayong kumain." Yaya sa kanila ni Mang Anselma saka iminuwestra sa kanila ng panganay na si Guada ang daan patungo sa komedor. Sina Rosella, Aling Virgilia, at ang lalaking bunso na si Rodel ang tumulong kina Alicia, Damian, at Aling Linda upang maihanda na ang mga putahe sa komedor.

"Kailan pala ninyo balak idaos ang inyong kasal?" Tanong ni Mang Anselmo sa magkatipan na Julian at Rosella habang salo-salo nang kumakain sa komedor ang pamilya Apacible maging pamilya Salustiano sa mahabang mesa na yari sa makinis na punong narra.

Mula sa magkabilang dulo ng mesa ay nakaupo sina Mang Orocio at Mang Anselmo. Sa kanang panig, nakaupo ang panganay na si Guada, Rodel, Julian, at Aling Linda. Sa kaliwang panig naman ay sina Aling Virgilia, Rosella, Alicia, at Damian. Nakahain na rin sa hapag ang mga putaheng inihanda nina Aling Linda. Naibigan at nasarapan naman ang pamilya Salustiano sa mga nakahaing putahe.

"Amin pong napagkasunduan ni Rosella na ganapin ang aming kasal sa buwan ng Disyembre bago ang araw ng Kapaskuhan." Masayang tugon ni Julian kay Mang Anselmo.

"Hindi ba masyadong maaga ang buwan na iyon para sa inyong kasal, hijo?" Puna ni Aling Virgilia.

"Ayos na po ako sa petsa na iyon, Inay." Tugon naman ni Rosella. "Isa pa, hindi natin tiyak kung kailan uli malilipat sa ibang pook si Julian. Magiging mahirap iyon para sa aming dalawa lalo na kung pareho kaming magiging abala sa aming mga trabaho. Kaya mainam na rin kung maganap sa susunod na buwan ang aming kasal."

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon