Kabanata 39: Mensahe

345 14 5
                                    

MATAMANG minamatiyagan ng mga sundalong Hapon ang bawat kaganapan sa buong paligid. Bantay-sarado rin nila ang harap na gusali ng munisipyo. Sa mga oras na iyon ay wala namang napupunang kakaiba ang mga bantay at wala ring palatandaan na may magaganap na kagila-gilalas na pagsalakay mula sa panig ng mga gerilya.

Matiwasay at payapang naglalakad paroon at parito sa harap ng malawak na lupang kalsada ang mga ordinaryong Pilipino. May mga naglalako ng mga paninda gaya ng sorbetes, tinapay, lobo, mga halamang gamot para sa sakit, mga sariwang bulaklak ng sampaguita, mga pangontra sa kulam, at iba pa. May mga dumaraan ding kalesa sakay ang mga pasahero upang ihatid sa nais nilang patunguhan.

Ang iba sa kanila ay sakay ng kanilang kalabaw habang hila-hila ang karitela na naglalaman ng mga gulay at prutas. Ang iba naman ay kalalabas lamang mula sa simbahan matapos dumalo sa panghapong misa. Mula sa loob ng munisipyo ay lumabas sa malaking pinto si Kapitan Hirayama kasama ang iba pang mga opisyal na may matataas na ranggo maging si Don Arnulfo. Kaagad namang yumuko ang dalawang sundalong nakabantay sa magkabilang panig ng pinto.

Nakasunod din sa kanila mula sa likuran ang iba pang sundalong nagsisilbi nilang mga guwardiya. Abala sa pag-uusap ang pangkat ni Kapitan Hirayama ukol sa pagpapalawig sa kapangyarihan ng kanilang bansa nang sabay-sabay silang huminto sa paglalakad nang humarang ang isang ginang sa kanilang dinaraanan kasama ang isang matangkad na binata.

Nakasuot ang ginang ng abuhing bestida habang nakabalabal sa ibabaw ng balikat nito ang makapal at kulay puting alampay na sumakop sa harap at likod upang magsilbing init mula sa malamig na dapyo ng hangin. Ang mukha nito ay lipos ng pag-aalala. Ang kasamang binata naman ay nakasuot ng kayumangging kamisadentro at pantalon.

"Omae wa dare? Naze anata wa watashitachi no michi o fusaide imasu ka?" Salubong ang kilay at nagtatakang tanong ni Kapitan Hirayama.

"Sino raw kayo at bakit kayo humaharang sa aming dinaraanan?" Pagsasalin naman ni Don Arnulfo sa wikang Tagalog upang maunawaan ang katanungan ng kanilang Kapitan.

"Ang pangalan ko ay Linda at ako po ang ina ni Damian." Panimula at pakilala ni Aling Linda.

"Ako naman si Manolo. Kaibigan po ako ng kaniyang anak." Magalang na pakilala nito habang ang dibdib ay kumakabog sa kaba. Hindi rin nito matantiya kung ano ang tumatakbo sa isip ngayon ni Aling Linda.

"At bakit kayo naparito?" Maang-maangan na tanong ni Don Arnulfo kahit na batid nito kung ano ang sadya ni Aling Linda matapos malaman na ito ang ina ni Damian.

"Nakarating sa akin ang balita na siya ay dinakip ng Kempeitai at naparito ako upang makiusap kay Kapitan Hirayaman na pakawalan ang aking anak. Wala siyang ginagawang masama upang inyong dakipin." Pakiusap ni Aling Linda habang mahigpit ang pagkakahawak ng mga kamay mula sa ilalim ng alampay. Kaagad namang isinalin ni Don Arnulfo sa wikang Niponggo ang pahayag ni Aling Linda.

"Anata no musuko wa mukashi Karayaan no menbaa deshita. Daremo ga Nihon seifu ni hantai suru gerira shuudan o hojo suru koto wa taihai na hankou de aru koto o shitteimasu. Kare wa kibishii batsu ni shukufuku sa remasu!" Galit na pahayag ni Kapitan Hirayama matapos mabatid ang pakay ni Aling Linda.

"Ang iyong anak ay dating kasapi ng Kalayaan. Batid naman ng lahat na isang malaking kasalanan na pumanig sa pangkat ng mga gerilyang tumutuligsa sa pamahalaang Hapon at dapat siyang hatulan nang mabigat na kaparusahan." Seryoso ang tinig na wika ni Don Arnulfo upang ipabatid kay Aling Linda ang ibig iparating ng Kapitan.

"Nakikiusap po ako sa inyo, Kapitan Hirayama. Palayain ninyo ang aking anak. Makasasama rin sa kalusugan ng ipinagbubuntis ng kaniyang kabiyak ang labis na pag-aalala. Nasawi na ang kaniyang ama noon, may sakit naman sa pag-iisip ang kaniyang kapatid, at hindi na kakayanin pa ng aking puso kung masasawi si Damian." Nagsusumamong pakiusap ni Aling Linda habang mamasa-masa ang mga mata. Ipinarating naman ni Don Arnulfo ang mensahe ng ginang.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon