Kabanata 27: Duhagi

760 64 39
                                    

"WALANG hiya ka!" Dumagundong sa apat na sulok ng silid ang galit na tinig ni Mang Orocio. Sapat nang dahilan iyon upang ikasindak iyon ni Felipe. Kaya nang sumugod ang ama ni Alicia ay nagawa nitong tumalon sa kabilang panig ng kama. Sa kamalasan ay sumalampak ang pang-upo nito sa sahig dahilan upang indahin ang sakit.

Lalong kumulo ang dugo ni Mang Orocio sa inis nang tangkain ni Felipe na tumakas. Kaya sumampa rin ang matanda sa kama upang sundan sa kabilang panig ng higaan ang binata. Ngunit mabilis nakababa si Alicia sa higaan upang iharang ang kaniyang sarili sa harap ng kaniyang ama upang mamagitan. Kaagad namang nakatayo si Felipe mula sa pagkakasalampak sa sahig saka ginawang pananggala ang likod ni Alicia.

"Itay! Pakiusap, huminahon po muna kayo!" Pag-awat ni Alicia sa kaniyang ama na ngayon ay nagpupuyos sa galit habang pinupukulan nito nang masamang tingin si Felipe mula sa kaniyang likuran upang ikubli ang sarili. Lumapit na rin si Damian sa likod ni Mang Orocio saka hinawakan ang magkabilang balikat upang ilayo nang bahagya ang ama.

"Huminahon? Paano ako hihinahon sa ayos ninyo kanina?!" Hindi pa rin nababawasan ang lakas ng tinig ni Mang Orocio maging ang nadaramang tensiyon sa buong silid.

"Kung ano man po ang inyong isip ay nagkakamali ka, Itay. Wala po kaming ginagawang masama ni Felipe." Paglilinaw niya sa kaniyang ama.

"T-Tama po ang kaniyang tinuran." Pakikisabad ni Felipe upang katigan ang pahayag ni Alicia. "N-Nagkukulitan lamang po kami─"

"Huwag ka ngang sumingit sa usapan na tila ba wala kang kasalanan, lintik ka!" Galit na saway ni Mang Orocio saka dumuro na dagling ikinatahimik ni Felipe.

Kung hindi lamang nakaharang si Alicia ay tiyak na iigkas talaga ang kamao ng matanda sa mukha ng binata. Mababanaag din sa mukha ni Mang Orocio ang hangarin na talupan ng balat si Felipe lalo na at sariwa pa sa isip ang naabutan na hindi kaaya-ayang tagpo.

"Ang bilin ko lamang sa iyo ay tabihan mo si Alicia! Wala akong sinabing umibabaw ka sa aking anak at gawin ang kamunduhan na aking nasaksihan!" Bulyaw pa nito kay Felipe. Ang galit na tinig ni Mang Orocio ay nakatawag ng pansin sa buong kabahayan dahilan upang humahangos na pumasok sa loob ng silid sina Aling Linda, Mang Joancho, Aling Leticia, at Manolo.

"Ano ang nagaganap dito?" Naguguluhang usisang tanong ni Mang Joancho. Dali-daling kumalas si Mang Orocio sa pagkakahawak ni Damian upang harapin si Mang Joancho sa gitna ng silid.

"Ano ang nagaganap?" Sarkastiko at mainit ang ulong pag-uulit ni Mang Orocio. "Bueno, para sa iyong kaalaman, iyang magaling mong anak," sabay turo kay Felipe, "ay nadatnan kong nakapatong sa ibabaw ng aking anak!" Walang palikaw-likaw nitong pagsisiwalat.

Kapuwa napasinghap saka natutop nina Aling Linda at Aling Leticia ang sarili nilang bibig mula sa natuklasan lalo na sa katagang ginamit ni Mang Orocio upang ilarawan ang ayos kanina nina Alicia at Felipe. Samantala, si Manolo ay nanatiling tahimik sa tabi ng ina habang napaiiling-iling at hindi rin makapaniwala sa takbo ng kaganapan. Kaagad namang lumipat ang pansin ni Mang Joancho sa direksyon ng anak.

"Totoo ba ang paratang na iyon, Felipe?" Paniniyak ni Mang Joancho sa anak na bakas din ang galit sa tinig.

"H-Hindi po iyon totoo, Itay─"

"Kung ganoon, ako pa ngayon ang pinalalabas mong sinungaling? Miski si Damian ay nasaksihan iyon!" Maagap na putol ni Mang Orocio.

"A-Ang ibig ko pong sabihin ay wala po akong ginagawa na anumang kahalayan sa inyong anak. Naalimpungatan lamang ako sa pag-aakala na isang kalaban si Alicia. Ang ginawa ko pong pagkilos kanina ay upang depensahan lamang ang aking sarili sa pag-aakalang nanganganib ang aking buhay." Paliwanag ni Felipe. Ngunit hindi itinatanggi ang nasaksihan ni Mang Orocio.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon