Kabanata 13: Larawan

1.1K 105 26
                                    

DOON sa bahay-pansitan inihimpil ni Alicia ang kaniyang bisikleta ng hapong iyon. Doon kasi iaabot ni Veronica ang kanilang mga larawan na kuha sa kabaret noong nakaraang Sabado. Pumasok siya sa loob ng pansitan saka tinungo ang bakanteng mesa at umupo sa silya.

"Isang platitong pansit saka isang basong inuming lemonada ang sa akin." Utos ni Alicia sa babaeng serbidora. Kaagad namang isinulat ng serbidora sa munting kuwaderno ang kaniyang tagubilin.

"Maiwan na muna kita rito upang maihanda ko ang iyong tagubilin, Binibini." Magalang na paalam ng serbidora saka umalis upang ihanda ang kaniyang makakain na merienda.

Ilang sandali ang lumipas ay dumating naman ang serbidora dala ang kaniyang merienda saka iyon inilapag sa mesa. Kalahati na ang nakakain ni Alicia sa pansit nang makita niyang pumasok sa pansitan si Veronica. Itinaas ni Alicia ang kaniyang kamay saka kumaway upang kuhain ang pansin ng kaniyang kaibigan. Kaagad namang lumakad si Veronica patungo sa kaniyang puwesto.

"Kanina ka pa ba rito naghihintay?" Tanong ni Veronica nang makalapit.

"Hindi naman. Tamang-tama lamang ang iyong pagdating. Ibig mo rin ba ng pansit at lemonada? Tatawag uli ako ng serbidora." Alok ni Alicia nang humila ng silya si Veronica saka umupo sa kaniyang tabi.

"Huwag na, Alicia. Busog na rin ako. Saka hinintay ko munang dumating sa kabaret kanina ang litratista na kumuha sa inyo ng mga larawan bago ako tuluyang umalis." Sinasabi iyon ni Veronica habang hinahalungkat ang laman ng shoulder bag. Mayamaya ay inilabas din ni Veronica ang maliit na kahon kung saan doon nakapaloob ang mga kuhang larawan saka iyon inabot kay Alicia.

"Magkano raw pala ang babayaran para sa mga larawan na ito?" Tanong ni Alicia habang inaalis ang pulang laso at takip sa munting kahon.

"Wala ka nang babayaran para sa mga larawan na iyan. Si Mr. Cornell na ang tumugon niyan sapagkat naibigan daw niya ang inyong pagtatanghal ni Ipeng." Nakangiting tugon Veronica kay Alicia na ngayon ay isa-isa nang sinisiyasat ang mga larawan.

"Makikisabi pala kay Mr. Cornell ang aking pasalamat."

"Makararating sa kaniya."

"Kay ganda ng pagkakakuha sa mga larawan na ito." Nasasabik na sambit ni Alicia habang pinagmamasdan ang larawan na kasama ang kaniyang Kuya Julian.

"Maganda talaga ang kalidad na kuha ng kanilang mga larawan. Kaya iyon palagi ang kinukuhang litratista ni Mr. Cornell sa bawat okasyon na ginaganap sa aming kabaret sapagkat maganda ang kalidad ng kanilang mga larawan." Komento ni Veronica. Muli namang ipinagpatuloy ni Alicia na siyasatin ang iba pang larawan.

"Ibibigay ko naman itong larawan ni Kuya Julian kay Ate Rosing upang kahit paano ay mayroon siyang pagmamasdan." Tukoy ni Alicia sa solong larawan ng kaniyang kapatid.

"Oo nga pala, ano? Ilang buwan din silang nagkahiwalay nang malipat ang iyong kapatid sa Pampanga. Pagkatapos ay kailangan nilang tiisin na huwag munang makita ang isa't isa bago ang kanilang kasal. Tiyak ko na labis nang nangungulila si Ate Rosing sa iyong kapatid. Subalit batid ko namang lubos-lubos ang kaligayahan nilang magkatipan sa oras na tuluyan na silang maikasal." Masayang komento ni Veronica.

"Labis na nga siyang nangungulila at ibig na rin niyang makita si Kuya Julian. Subalit malapit na ang buwan ng Disyembre kaya matatapos na rin ang paghihirap ng kanilang damdamin at muli na nilang masisilayan ang isa't isa." Nakangiting komento ni Alicia saka ibinalik sa munting kahon ang larawan na tapos na niyang tingnan.

"Pagmasdan mo, Alicia. Kay ganda ng pagkakakuha sa atin dito." Namamanghang sambit ni Veronica nang makita ang kasunod na larawan. Pormal man ang anyo ng kanilang mga mukha at hindi ngumingiti ay kapuwa namang nagniningning ang kanilang mga mata sa kasiyahan.

AliciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon