04

441 24 12
                                    

             KINAUMAGAHAN, nagising ako sa malakas na katok na nagmumula sa labas ng bahay ko. Nang imulat ko ang mga mata ko, tumama agad sa paningin ko ang sikat ng araw mula sa labas kaya parang naramdaman ko ang awtomatikong pagbigat ng ulo ko.

Hindi naman malaki ang bahay namin at isang palapag lang 'to. Idagdag pa na kahoy lang ang materyales kaya rinig na rinig ko ang lakas ng pagkatok ng kung sinuman ang taong 'yun. Kahit inaantok pa rin, at kahit may kaunting hangover pa ako dahil sa pag-inom na ginawa ko kagabi, napilitan na akong bumangon para buksan ang pinto.

Tinali ko rin muna ang mahabang buhok ko habang naglalakad na palabas ng kwarto. Pagkabukas ko ay awtomatiko akong natigilan nang makita kung sino 'yon. Hindi ko inaasahan na siya pala ang bubungad sa paningin ko ngayong umaga.

Hindi ko maiwasan na makaramdam ng inis nang makita ko ang isang kilay niya na nakataas habang nakatingin sa akin, sumunod pa roon ang marahas na pagbukas niya ng malaki niyang pamaypay.

Pakiramdam ko ay sira na ang buong araw ko dahil sa kaniya. Ano naman kaya ang ginagawa ng Delailah Cruz na ito rito?

Siya nga pala ang pinagkaka-utangan ng malaki ni Papa noong nabubuhay pa siya. Isa siyang byuda at halos lahat ng lupa rito sa lugar namin ay pagmamay-ari niya na. Masama ang ugali niya at mahilig siyang magsugal, lagi niyang nakakalaban si Papa noon. Minsan, iniisip ko na baka sinadya niya na akitin si Papa na magsugal kahit alam niyang wala naman itong pera, para lang mabaon kami ni Mama sa utang. May katandaan na ang mukha niya, isang guhit lang ang kaniyang kilay, at hindi rin nababagay ang pulang-pula niyang lipstick na gamit. Puno pa ng gintong mga alahas ang leeg at kamay niya, kaya sa itsura pa lang ay masasabi mong matapobre talaga.

"Matapang ka pa rin pala talaga 'no?" paunang sabi niya sa akin habang nagpapaypay siya ng sarili niya.

Napa-igting na lang ang panga ko dahil parang umaakyat na 'yung pagkulo ng dugo sa ulo ko, pero pinipigilan ko na lang.

"Hinihintay mo ba talaga na ipakaladkad pa kita paalis dito sa bahay at lupa na PAGMAMAY-ARI KO NA?!" At talagang idiniin niya pa 'yung salitang 'pagmamay-ari ko na' sa mismong mukha ko.

Gusto kong mapangisi sa narinig ko, pero 'wag na lang. Kailangan kong pakalmahin ang sarili ko. Kahit papaano ay tinuruan pa rin ako ni Mama na maging magalang sa mga nakakatanda.

"Kung ako sa'yo, 'wag mo nang hintayin na mangyari pa 'yun, Analeigh. Dadagdagan mo lang ang kahihiyan ng pamilya mo kahit puro kahihiyan na nga kayo. Katulad na lang ng nanay mong masyadong mataas ang tingin sa sarili, kahit na ang baba naman talaga ng kinalalagyan niya."

Naitikom ko nang palihim ang dalawang kamao ko dahil sa mga narinig ko mula sa kaniya, lalo na nang mabanggit niya si Mama.

"At ang Tatay mong walang ibang ginawa kundi ang magkalat sa bayan na 'to. Teka nga, buti at nakausap na kita ng personal. Totoo nga ba ang sabi-sabi na kaya nawala ka rito sa lugar natin ay dahil ikaw ang ipinangbayad ng tatay mo sa utang niya? O—"

"Kapag may isa pang salita na lumabas diyan sa bibig mo ngayon tungkol sa akin, at sa mga magulang ko... sinisigurado ko na kayang-kaya kong tikliin ka gamit 'yang mga kwintas sa leeg mo at walang makakapansin kapag ginawa ko 'yun. Kung ayaw mong mangyari ang bagay na 'yon, pwes, umalis ka na sa harapan ko hangga't hindi pa nagdidilim ang paningin ko sa'yo!"seryoso at may pagbabanta na wika ko sa kaniya. Punong-puno rin nang diin ang bawat salitang binibitawan ko dahil nagpipigil na lang talaga ako ngayon.

Napatahimik naman siya at mukhang natakot sa pagbabanta ko.

Nagkatitigan pa kami ng ilang segundo. Akala ko nga ay aalis siya ng walang imik, pero nagsalita pa rin siya, "Manang-mana ka rin pala talaga sa nanay mo, ano? Pareho kayong masyadong mataas ang tingin sa sarili, kahit ang totoo ay pabagsak ka na. Balita ko, wala ka pang nakukuhang abogado? Ang tapang mo rin talaga, 'no? Wala ka nang pupuntahan kapag napalayas na kita rito, Analeigh. Galingan mo lang, dahil baka magaya ka lang din sa Nanay mo, na namatay na wala pa ring nararating sa buhay." Ngumiti pa siya sa akin nang nakakaasar at tuluyan na siyang tumalikod at umalis.

SN 4: The Law of LustTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon