CHAPTER 30

362 13 2
                                    

Kinakabahan akong nakatitig sa bahay nila tiya. Inumaga na nga kami at naabutan pa kami ng bagyo ni tay Arlando.

“Masakit ba ang pinagdaanan mo sa bahay na iyan anak?” bumuntong hininga ako.

“Ang bahay na iyan ang nagparamdam sa akin na magisa ako, pero hinasa ako ng bahay na ito na matutong maging sanay na mapagisa.”

Hinasa ako ng bahay na ito na maging malakas para sa sarili. Wala naman kasi akong kakampi noon hindi katulad sa mansyon ni Lincoln, ramdam ko na may halaga ako sa bawat taong naroroon.

“Kaya mo ba silang haraping magisa?” tumingin ako kay tay Arlando, bakas dito ang pagod. Ngumiti ako sa kanya.

“Kakayanin ko tay, sanay naman ako sa sakit ng katawan.” kung magiging mapanakit na naman si tiya. Lumungkot ito bigla at seryosong tumango.

Bumaba na ako at tumawid ng kalsada. Nabago ang bahay nila tiya. Mas lumaki ito at mas maganda nang tingnan. Humugot ako ng malalim na hininga. Kinatok ko ang itim na nilang gate at mayamaya pa ay may lumabas na isang kasambahay.

Kaedad lang siguro ito ni Alira. Binuksan niya ang maliit na gate doon sa gilid at hinarap ako. “Ano po ang kailangan nila?”

“Magandang umaga sa iyo, gusto ko lang sana makausap sila tiya Lidia at tiyo Clarencio.” kumunot ang noo nito bago tumango-tango. Pinapasok niya ako at nauna siyang naglakad papasok. Pagkakita ko palang sa loob ay naalala ko na naman ang mga pangyayaring nangyari noon sa buhay ko sa loob ng bahay na ito. Gumanda ito at mas dumami ang mga mamahaling gamit.

“Maupo po kayo at tatawagin ko lang po ang amo ko.” ngumiti ako dito ng tipid.

Ipinalibot ko ang aking tingin sa kabuuan ng bahay. Maraming nakasabit na larawan at nakita ko ang malaking litrato ng isang pamilya. Tumayo ako at lumapit dito. Kumpleto sila, nasa gitna si tiyo Clarencio habang nakaupo naman sa parehong gilid ni tiyo sila tiya Lidia at Celine. Nakikita ko ang pagmamahal nila sa kanilang pamilya. Napangiti ako ng malungkot at itinaas ang aking kanang kamay.

Nalulungkot akong makita na masaya kayo nang wala ako. Ipinipakita ng litratong ito na wala lang talaga ako sa buhay niyo. Masakit pero ito yung totoo, matagal kong ipinagpilitan ang sarili ko sa pamilyang ito pero sakit lang ng katawan at damdamin ang nakuha ko. Ngunit kahit ganun ang nangyari sa buhay ko, hindi ko parin maipagkakailang may natitira paring pagmamahal dito sa puso ko para sa kanila.

“Venna?” natigilan ako bigla. Napapikit ako at dahan-dahang humarap kay tiya.

Pagharap ko nakita ko kung paano mas tumingkad ang ganda ni tiya. Sa pananamit at sa tindig ay para talaga itong galing sa mayamang pamilya.

“Venna?” napabalik ako sa aking ulirat. Nakakunot ang noo at nakataas ang kilay. Ang dating tiya na nakilala ko, palaging nakataas ang kilay.

“Ma-magandang umaga t-tiya. Nasaan po si tiyo?” mas tinaasan ako nito ng kilay at maarteng umupo sa mamahaling sofa nila. Napabuntong hininga ako. Katulad parin ng dati.

“Oh? Tatayo ka na lang ba dyan?”

Tahimik akong umupo sa sofa na kaharap ni tiya. Nasa gitna namin ang mamahaling salaming mesa nila na may bulakalak sa gitna.

“Ano bang ipinunta mo dito? Masarap naman ang buhay mo sa San Gabriel na iyon? Nabagok ba ang ulo mo Venna at bumalik ka sa pamamahay na ito na puro sakit lang ang ibinigay sayo?”

Nagulat ako sa sinabi ni tiya. Napamaang ako ng makita ang emosyon sa kanyang mga mata. Nakikita ko ang pagsisi o imahinasyon lang ng mga mata ko.

San Gabriel Series #1 Lincoln San GabrielTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon