Note: Warning: This story is R18, every so often consists of sturdy language and some violence which can also be unsuitable for children.
Someone's Pov
Minsan sa buhay, gusto nating may mapatunayan, para hangaan ng ibang tao na nasa paligid natin. Dahil alam nilang may kakayahan kang gawin ang mga bagay na hindi pangkaraniwan, bibigyan ka nila ng importansya at pagpapahalaga. Darating sa punto na pagsisilbihan ka na nila at susundin ano man ang gusto mong sabihin. Ang kaso, mukhang sa panaginip ko na lang maitutuloy ang lahat.
Lahat ng mga ginagawa ko para makilala ng mga tao, ang pagtulong sa kanila para maalala nila ako, ang mga bagay na kahit ikapahamak ng pagkatao at buhay ko ay hindi pa rin sapat.
Bakit?
Dahil may grupo na pilit binabangga ako. Lahat ng plano ko ay sinisira nila. At ang nakalulungkot lang ay mas sikat sila, kahit na ang mga bagay na ginagawa nila ay panggugulo sa buong academy.
Sinubukan kong kalabanin sila at ang resulta? Wala, talo ako kahit ano ang gawin ko.
Isang desisyon ang pinag-isipan ko nang isang daang beses. At ang desisyon na ito ang nagpabago sa buhay ko. Iniwan ko ang dating ako, malaking sakripisyo ang ginawa ko, nagtago ako sa dilim hanggang sa malaman ko ang katotohanan kasama sila.
I couldn't beat them, so I joined them.
Isa silang mga traydor, gumagawa ng mga bagay ayon sa gustong ipagawa ng mga estudyanteng takot gumawa ng mali at kasalanan. Ang grupo na ito ang kumikilos para maghiganti, ipahiya, at ipahamak ang mga taong makapangyarihan. Mga tipo ng estudyanteng nananakit ng kapwa estudyante, nagpapahiya, at nagbibintang ng mga kasalanan nila, ngunit ibabato sa inosenteng mga estudyante.
Sa kabilang banda, may isang tao kaming binabantayan, dahil may access ito sa lahat ng building at facilities sa academy. Malaya nitong nagagawa ang gusto nito. Nakapagtataka lang dahil maging kami ay ginugulo niya.
"Makasisigurado ba kayo na mapoprotektahan n'yo rin si Neiza?" nag-alala kong tanong sa kanila habang nakatago kami sa likod ng mga puno at nakatingin sa lalaking may hawak na baseball bat. Maingat siyang kumikilos sa dilim na akala niya ay walang nakakikita sa kaniya.
"Sirius, hanggang ngayon ay wala kang tiwala sa amin?" sabi ni Tyler sa akin, ang pinuno ng XO Club.
"May tiwala ako sa inyo, Tyler. Hindi ako makikipagkasundo sa grupo mo kung hindi. Ang ikinababahala ko ay si Neiza. Wala akong tiwala sa lalaking pumatay ngayon kay Liam sa auditorium."
Napabuntonghininga na lang ako at nagdasal. Sana lang talaga ay makuha na naming maitumba ang suspect.
Hindi namin inakala na babaliktarin niya ang mga plano namin. Inaamin ko na ikinulong namin ang isang dalagang babae sa locker sa gymnasium. Wala kaming ibang intensyon kundi ang ikulong lang ito dahil may isang babae ang palihim na nagpadala ng mensahe sa amin. Gusto nitong ikulong ang kaklase nito sa mababaw na kadahilanan: gusto niyang ma-elect bilang presidente ng kanilang klase, kaya pinagbigyan namin siya sa gusto nito na itago ang babaeng kinaiinisan nito, pero dahil sa lalaking suspect ay nagbago na ang lahat. Ipinalabas nito na kami ang may gawa ng bomba. Isa lang ang insidente na iyon na pinakialaman niya.
Desperado na talagang agawin ang mga plano namin.
Ang mga itinanim naming mga improvised na bomba para takutin ang suspect ay pinalitan niya ng mga totoong bomba, tinakot niya maging ang principal ng academy. Kaya ngayon ay kikilos na kami kahit maging kapalit ito ng mga sarili naming mga buhay. Alam kong mali dahil itinuring ko na ring kaibigan ito, maging si Neiza na malapit ang loob sa lalaki. Ngunit hindi ako makapapayag na saktan niya ito, poprotektahan ko si Neiza, magkamatayan man.
Isang lalaki ang binigyan ko ng secret code. Alam ko kung sino siya, ang code ay nangangahulugan na kailangan nitong mag-ingat, isa siya sa mga taong kailangan kong protektahan. Ngunit hindi namin inaasahan ang mga sumunod na nangyari, nawawala na talaga sa katinuan ang lalaking suspect at walang pagdadalawang-isip itong pumapatay.
Nilakasan ko ang loob ko at nagsimula nang sumugod kasama ang kadiliman.
"Neiza!" malakas kong sigaw matapos mawalan ng malay si Neiza. Ihinagis ko kung saan ang malaking tubo ng bakal na hawak-hawak ko. Inalalayan ko si Neiza nang may pag-iingat. Lumapit na rin ang ilang kasamahan ko, ang grupo namin ni Tyler. Kumilos na sila na buhatin si Steinhart at dalhin sa secret headquarters ng grupo sa basement ng admission building.
Hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong nagmura. Wala akong marinig dahil pakiramdam ko ay mawawalan na ako ng pandama sa katawan.
"Kami na ang bahala sa ibang bomba. Dalawa pa ang natitira. Nagtagpuan namin ang isang bomba sa gymnasium," paliwanag ni Tyler at inaabot ang ilang gamot na panlinis sa sugat ni Steinhart.
Tapos ko nang linisan ang katawan ni Neiza na balot ng dugo, pawis, at luha. Mahimbing itong natutulog habang nakahiga sa isang hospital bed tulad ni Steinhart sa isa pang higaan. Isang taon na rin ang lumipas at ngayon ko lang siya nakasama muli nang malapitan. Sana ay mapatawad niya ako dahil sa pag-iwan ko sa kaniya mag-isa sa paghawak sa club.
"Sasama ako. Gusto ko nang matapos ang lahat." Napalingon ako kay Nimrod na nililinisan ang duguang katawan ng kaibigan. Hindi pa puwedeng mamatay si Steinhart, may mahalagang bagay pa akong dapat makuha sa kaniya. Dahil may importante itong hawak na magpapabago sa buhay ng maraming tao.
Kasama si Tyler ay tumatakbo kaming pumunta sa gymnasium, naka-lock ang gate nito papasok kaya nagmadali kaming pumunta sa likuran.
"Nakapasok na si Jervey sa loob, pero hindi pa rin niya mapahinto ang timer," sabi ni Claud na nakabantay sa mga ipinagpatong-patong na upuan hanggang sa makaabot ito sa isang basag na bintana.
Nauna nang umakyat si Tyler at sumunod ako. Sa oras na hindi namin mapatigil ang timer sa bomba, siguradong sasabog rin ito tulad ng nangyari sa cafeteria, pero laking gulat namin na mas malaki ang bomba na nasa itaas ng ring ng basketball. Siguradong doble ang magagawa nitong pagkasira ng mga building sa oras na sumabog ito.
"Ako na, may dala akong pliers—" Napatigil ako nang hablutin sa akin iyon ni Tyler.
"Pagtulungan n'yo ni Jervey na buksan ang entrance. Kailangan nating makalabas agad para makapunta sa library," bilin nito. Bakas sa mukha niya na may tiwala ito sa sarili na mapatitigil ang oras sa timer. Umakyat na ito sa basketball ring at pinag-aralan ang mga wire na nakakabit sa bomba.
Inabot na rin kami nang limang minuto para buksan ang pinto ng gymnasium. Hinihingal na lumapit sa akin si Jervey na galing sa locker room, may dala itong dalawang martilyo. Kahit alam naming imposible na makalag namin ang makapal na kadena na nakatali sa pinto para ma-lock ito ay hindi kami tumigil. Napalingon ako kay Tyler na tutok sa bomba, desidido pa rin ito sa ginagawa niya.
Mahapdi sa mata ang pagtulo ng pawis na dumidiretso sa magkabilang mata ko. Kahit ilang beses ko na itong pinunasan ay patuloy pa rin sila sa pagpatak. Ilang beses ko na ring nakagat ang sarili kong labi dahil sa makailang ulit na tumama ang hawak-hawak naming martilyo sa mga daliri namin sa walang tigil na pagpukpok.
"Halika na." Muntik pa akong matumba sa paghila sa akin ni Jervey nang mabuksan namin ang pinto.
"Pero si Tyler . . ." Nang lingunin ko si Tyler ay pababa na siya. Sumenyas na rin ito na mauna na kami. Basa na rin ang suot nitong uniform dahil sa sobrang pawis.
#
BINABASA MO ANG
Searching Student X [ COMPLETED ]
Mistero / Thriller"Do you know that feeling when you feel like you're in danger because someone is following you? But then you remember ... You're the danger." "Be careful what you tell people. A friend today could be your enemy tomorrow." Note: Warning: This story...
![Searching Student X [ COMPLETED ]](https://img.wattpad.com/cover/262275431-64-k496232.jpg)