Secret Agenda

15 1 0
                                        



[Continuation...]

Hindi pa nangyayari ang insidente sa Arch Academy noon, may lihim na pagtingin na ang binata kay Malorie. May ideya siya kung bakit nasali sa gulo ang dalaga. Sinadya ni Mr. Louie na pagsarhan ng pinto ng library ang dalaga. Kung kaya't labis ang galit ni Tyler noong mga panahon na iyon. Simula noong mga araw matapos ang insidente ay hindi na nagdadalawang-isip si Tyler na sundan ang dalaga. Ang palihim niyang pagmamatyag ay upang masiguro na ligtas ito. Hindi sa wala siyang tiwala sa mga kaibigan na kasa-kasama nito, mas mabuting maging doble ang pagbabantay niya. Hindi na niya matatanggap pa na masaktan muli ang babaeng iniibig niya.

"Saan banda ang bahay n'yo rito?" tanong ni Tyler, ngunit wala siyang natanggap na sagot. Tumigil muna siya sa paglalakad at pinilit na silipin ang dalaga, mukhang nakatulog na ito.

Hapong-hapo man si Tyler ay hindi pa rin siya sumuko sa pagbubuhat kay Malorie. Huminga siya nang malalim at muling humarap sa dinadaanan. Hindi kalayuan sa kaniyang kinatatayuan ay may napansin siyang pamilyar. Nang makalapit siya ay nakilala niya ang lalaking nakatingin sa kanila mula kanina.

"Nimrod?" tanong ni Tyler at napatingin sa gilid. Isang bahay ang nakita niya. Malabong kanila ang bahay dahil kilala niya si Nimrod.

"Ano'ng nangyari kay Malorie?" nagtatakang tanong nito kaagad at kumilos upang kunin ang dalaga sa kaniyang likuran na nakatulog na.

Sinubukan ni Nimrod na gisingin ang dalaga at hindi siya nagkamali. Bahagyang nagmulat ng mga mata si Malorie, inayos ni Tyler ang pagkakabuhat sa dalaga kung kaya't napahigpit ang pagkakahawak ni Malorie sa leeg niya.

"Dito ba bahay n'yo?" tanong ni Tyler.

"Halika na, Malorie," sabat naman ni Nimrod.

Nagkapalitan ng tingin ang dalawang binata nang magsabay pa silang magsalita. Kumilos na si Malorie nang mapagtanto niya na nasa tapat na sila ng kanilang tirahan. May isang ginang ang lumabas sa isang gate at nagtatakang tinawag si Malorie. Umalalay kaagad si Nimrod nang makita na gusto na ng dalaga na makababa.

"S-Salamat, Tyler." Bahagya lamang na ngumiti ang binata. Bumati rin ng magandang gabi ang huli sa ginang na tiya pala ni Malorie, gayundin si Nimrod at nag-bow pa ng ulo upang magbigay galang.

"Mga kaklase kayo ni Malorie? Naghapunan na ba kayo?" sunod-sunod na tanong ng tiya nito sa kanila.

"Opo, pasensya na po pala at ginabi si Malorie. Nakita ko po siyang nawalan ng malay sa waiting shed. Ito nga po pala ang mga gamot niya." Inabot ni Tyler ang ilang plastic bag sa ginang at nauna nang umalis.

Makahulugang mga tingin naman ang ibinato ni Nimrod sa binata bago ito makaalis. Hanggang ngayon ay nagtataka siya sa mga nangyayari. Pagkatapos ng klase ay dumiretso na siya sa bahay nina Malorie, dahil hindi niya nakita ang dalaga sa university. Gabi na at ang pangyayaring nakita niya ay ang naging kasagutan sa lahat. Bakit sila magkasama?

Tumuloy si Nimrod sa loob ng bahay. Maingat niyang hinawakan si Malorie sa magkabilang balikat na nahihirapan sa pagkilos dahil nanghihina ang katawan. Pinatuloy siya ng ginang sa maliit na kwarto sa ikalawang palapag ng bahay. Sa isang maliit na kama niya inalalayang makahiga si Malorie.

"Salamat," nahihiyang sabi ni Malorie. Hindi na nagsalita pa si Nimrod at lumabas ng kwarto ng dalaga.

Dumiretso siya sa kusina upang magpaalam na upang maabutan niya si Tyler para pag-usapan ang nangyari kay Malorie. Ngunit natigilan si Nimrod nang makita ang ginang na umiiyak habang naghahanda ng pagkain at gamot para sa dalaga.

Lumapit si Nimrod at inabot ang isang puting panyo. Marahan niya tinapik ang balik ng tiya ni Malorie upang patahanin ito.

"Pasensya na, maging kayo ay naaabala na sa amin." Kaagad namang pinupunasan ng ginang ang mga luhang walang patid na umaagos sa mukha, pero hindi pa rin tumitigil ang pag-agos ng mga ito.

"Handa po kaming tumulong. Tahan na po." Itinuloy ni Nimrod ang paghahanda sa pagkain at nagsalin na rin ng tubig sa isang babasaging baso.

"Ayaw kong ipakita kay Malorie na maging ako ay mahina na at natatalo na ng problema sa buhay. Hindi ko rin kaya na makita ang pamangkin ko na nagkakasakit ngayon at napapabayaan ang sarili para maasikaso ang papa niya kasabay ng pag-aaral."

Marahang tumikhim ang binata at hinarap ang ginang. "Puwede ko po bang itanong kung ano po'ng problema?"

Tanging pagtunog ng kamay ng orasan ang naririnig sa paligid matapos ibato ng binata ang kaniyang katanungan. At nang marinig niya ang sagot mula sa ginang ay halos mawalan siya ng sariling pandinig.

"Ikakasal na si Malorie, ipinagkasundo na siya sa isang lalaki."

Pagdating ng umaga ay nakaabang sa gate ng Arch Academy si Nimrod, ngunit bigo siyang makita si Tyler maging ang grupo nito. Hindi na niya nakuha pang makapasok sa klase dahil sa paghahanap kay Tyler. Dumating na ang hapon at nakasalubong niya si Neiza.

"Hindi ko siya nakita sa room niya kanina. Absent pala siya sabi ng mga kaklase niya." Hindi man lang naigalaw ng binata ang meryenda na binili nila sa isang café.

"May ideya ka ba tungkol kay Malorie? Ang ibig kong sabihin—" Natigil sa pagsasalita si Nimrod nang magtama ang paningin nila ni Neiza. Tumawag man sa cellphone ay nag-aalangan pa siya dahil hindi niya gustong maistorbo ang dalaga dahil alam niyang nagpapahinga pa ito.

"Alam ko, kahapon lang. Nakausap ko si Sirius at sa kaniya ko nalaman. Magkasama pala sila ni Tyler." Napahinga na lang nang malalim si Nimrod, mukhang wala ring ideya ang kaibigan niya sa kasal.

"Kumusta na si Steinhart?" pag-iiba ni Nimrod sa usapan. Hindi niya kaya pang harapin ang mga tanong na walang tigil na umiikot sa kaniyang isipan. Hindi pa niya handang makita si Malorie na kasama ang iba.





#

Searching Student X [ COMPLETED ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon