Disclaimer: This is a work of fiction. Names, characters, businesses, songs, places, events and incidents are either products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead,or actual events is purely coincidental.
[Continuation..]
Isang seryosong tingin lamang ang ibinato ni Steinhart sa mga kaibigan. Ang tingin na iyon ay may pagkakahulugan na sumasang-ayon ito sa pinaplano ng mga kaibigan.
Mula sa araw na ito, nagdesisyon na si Steinhart na magbagong buhay at maging handa sa mga mangyayari. Wala ng oras para magtago at maging mahina. May tiwala na siya sa sarili niya na magagawa niyang makatulong sa iba kasama ang mga kaibigan.
Medalion University.
Bilang isang mag-aaral, ang isa sa mga pinakakailangang ng mga ito ay ang suportang pampinansyal dahil hindi lahat ng tao ay nakaaangat sa buhay. Madalas ay nakikipagsapalaran ang mga estudyante na makakuha ng mga part-time na trabaho para masuportahan nila ang mga sarili dahil sa kagustuhang makapagtapos at makamit ang pangarap nila sa buhay.
Ngunit may mga bagay pa na dapat pagtuunan ng atensyon, dahil hindi biro ang sakripisyo na ginagawa ng mga estudyante para kumita ng pera. Dapat alam nila ang pagkakaroon ng balanse sa kanilang pag-aaral maging sa kanilang trabaho at huwag kalilimutan na kailangang nakahanda ang sarili na protektahan ang sarili sa trabaho.
Maagang pumasok si Steinhart sa paaralan. Hindi niya gusto pa na makipagsiksikan sa iba pang mga estudyante na papasok din. Nang mahuli siya ng gising ay nasaktuhan niya ang mahabang pila sa labas ng gate. Halos magkapalitan na ang mga mukha ng mga ito na pilit sumisiksik sa gate para makapasok. Bagong ligo ka, papasok pa lang ng gate pagkatapos makarating sa classroom ay hulas na hulas ka na. Iyon ang una't huling beses na mararanasan iyon ng binatang si Steinhart. Isa pa, ayaw na ayaw nitong napalalapit napalilibutan ng mararaming tao.
Paakyat na siya sa fourth floor kung saan ang kanilang homeroom. Nakasuot sa magkabilang tenga niya ang earphones na may nakabibinging tunog mula sa isang kanta, kung kaya't hindi niya marinig-rinig ang pagtawag sa kaniya ni Malorie. Napilitan siya ng dalaga na tumakbo nang mabilis. At nang makalapit na ito sa binata ay humarang ito sa dinaraanan niya. Nagulat pa si Steinhart sa pagsulpot bigla ni Malorie sa harapan niya, napaatras ito at mabilis na inalis sa magkabilang tainga nito ang suot-suot nitong earphones.
"Hi? Bakit ka nandito? May problema ba?"
"Inabot sa akin ni Neiza, hindi niya raw maasikaso ngayon dahil may report siyang ginagawa sa major subjects niya."
"Nakita mo na si Nimrod?" tanong muli ng binata. Umiling kaagad si Malorie at sinabayan na sa paglalakad si Steinhart.
"Kung busy ka, ako na lang ang pupunta. Basta sabihin mo sa akin kung ano'ng nasa likod ng mga code na 'yan. Interesting kasi."
"Hindi naman. Free ako pagkatapos ng klase mamayang hapon. Ayos lang ba sa 'yo na gawin 'to?" Nakaramdam ng pag-aalala si Steinhart. Hindi siya makasisigurado sa pupuntahan nila kung kaya't nagdadalawang-isip siya sa tinuran ng dalaga.
"Ayos lang, maliit na bagay," nakangiti pang sabi ni Malorie kay Steinhart.
"Sige, mamayang breaktime, magkita tayo sa meeting place para pag-usapang mabuti ang plano," ang huling sabi ng binata at nagpaalam na kay Malorie na pumasok na sa classroom. Nagprisinta pa si Steinhart na ihatid si Malorie, pero tumanggi ang dalaga. Nagpaalam na sila sa isa't isa at naghiwalay na para pumasok sa kanilang mga klase.
Three hours passed.
Matapos marinig ang pagtunog ng bell na nagsasabing breaktime na ay tumayo na rin si Steinhart para makalabas na ng classroom at pumunta sa field. May mga nakahilerang mga matatandang puno ng Acacia at mga mangga sa paligid ng field kung kaya't presko at malilim ang lugar. Ito ang napili nilang gawing meeting place kapag may mga bagay silang pag-uusapan bilang isang grupo. Kakaunti lang ang mga estudyante na nagpupunta at tumatambay roon, dahil mas pinipili ng mga ito ang sa gymnasium at cafeteria dahil air-conditioned ang mga lugar na iyon tulad rin ng mga classroom nila.
"Sino ka?" Isang tanong ang nagpalingon sa isang lalaking nakaharap sa matandang puno.
"Ah, may hinihintay lang ako," mahinang sabi nito at nayuko pa. Tulad ni Steinhart ay freshmen din ang lalaki. Base sa ID lace nito ay sa Engineering Department ito. Hindi nakaligtas sa paningin ni Steinhart ang papel na hawak-hawak ng binata, huli na para itago niya ito sa bulsa.
"Si Neiza ba ang hanap mo? Ikaw ba 'yung nagpapagawa ng love letter sa kaniya?" Tumango ang binata, ibig sabihin, siya pala ang tinutukoy ni Nieza. Naupo na si Steinhart sa isang bench at pinaupo niya rin ang lalaki sa tabi nito.
"Dito ka rin pala nag-aral? Naalala kasi kita, ikaw 'yung kasama ni Nieza sa Arch Academy noon, 'di ba?"
Inabot ni Steinhart ang isang cola in can sa kaniya. Agad namang kinuha ng binata ang cola sa kamay ni Steinhart, hindi nito napansin na hinigit na nang palihim ni Steinhart ang hawak na papel, parang nagpalit lang sila ng mga hawak. Binuksan ni Steinhart ang sobre, hindi kaagad nakakilos ang lalaki sa bilis ng pangyayari.
"Busy ngayon si Neiza. May kailangan ka pa ba sa kaniya?" Nang lingunin niya ang katabi ay titig na titig ito sa kaniyang mukha.
"Hindi mo ba ako naaalala?"
Naguluhan bigla si Steinhart sa tanong ng lalaki sa kaniya.
"Hindi? Mahina ang memorya ko sa mga bagay, kaya pasensya na—aray!" Muntik na siyang magmura dahil sa biglang pagpitik ng lalaki sa noo niya. Namula kaagad ang noo ni Steinhart sa pagpitik ng lalaki sa kaniya.
"Ano ba'ng problema mo ha? Masakit 'yung—Charles?!" Maging sa sarili niya ay hindi makapaniwala si Steinhart sinabi niya. Unti-unting rumehistro sa isip niya ang itsura ng lalaking katabi. Diretso niya itong tinitigan at doon niya nakumpirma na kilala niya nga ang kausap.
"Mabuti at naaalala mo ako? Hindi talaga pumapalya ang pagpitik ko sa noo mo, huh? Pasensya na at napalakas, matagal ko nang gustong pitikin 'yang noo mo mula pa sa Arch Academy, kaso mukhang busy ka sa bago mong best friend." Umakto pa itong yumuko at huminga nang malalim.
Umusog nang kaunti si Steinhart kay Charles at binatukan ito.
"Arte mo! Mukhang dinidibdib mo rin hanggang ngayon 'yang pagte-theatro mo, e? At sino namang best friend ang tinutukoy mo? Si Nimrod? Ba't mo naman pagseselosan 'yung kutsupoy na 'yun? Nagtatampo ka pa, tanda-tanda mo na!"
Unang taon ni Steinhart sa high school, doon niya nakilala ang kaibigan. Dahil palaging nag-iisa si Steinhart ay nilapitan ito ni Charles at nakipagkaibigan. Sa una ay hindi pinapansin ni Steinhart ang binata, sadyang may makulit ito kaya kalaunan ay nasanay na siya sa presensya nito at tinanggap na niya ang pakikipagkaibigan.
#
BINABASA MO ANG
Searching Student X [ COMPLETED ]
Misteri / Thriller"Do you know that feeling when you feel like you're in danger because someone is following you? But then you remember ... You're the danger." "Be careful what you tell people. A friend today could be your enemy tomorrow." Note: Warning: This story...
![Searching Student X [ COMPLETED ]](https://img.wattpad.com/cover/262275431-64-k496232.jpg)