Love for Land II

12 1 0
                                        


[Continuation...]

Alas-dos na at tirik pa rin ang ang araw. Hindi na makuhang matapak sa kalsada ang mga paa ng mga taong abala sa paglalakad papunta sa bayan. Hindi na makuhang pang magpahinga ni Malorie sa sobrang pagmamadali. Gusto na niyang sumilong ngunit may kailangan siyang kunin.

Your transaction is being processed. Ang mga salitang naka-flash sa maliit na screen ng ATM machine.

Namumungay ang mata ni Malorie sa sobrang pagod. Kailangan niyang makapag-withdraw ng pera para makabili ng gamot para sa papa niya. Inatakeng muli ng sakit ang kaniyang papa. Kailangang maagapan kaagad upang hindi na umabot pa sa puso nito. Hindi niya matatanggap na maatake sa puso ang ama dahil na rin sa mga isipin sa lupa at bahay.

Kaagad siyang pinauwi ng guro matapos tumawag ang kaniyang tiya sa nangyari sa papa niya. Hindi na nagdalawang-isip si Malorie at pumunta sa bayan upang kumuha ng pera at makabili ng gamot, na utos ng kaniyang tiya. Sa kabila ng balitang iyon, hindi rin maganda ang pakiramdam ni Malorie, tila sa anumang oras ay magkakaroon siya ng lagnat. Masakit ang ulo, ilang parte ng katawan niya, at nakararamdam siya ng pagkahilo. Dumagdag pa na hindi pa siya nakakakain ng tanghalian.

Iwinaksi niya iyon sa kaniyang isipan. Mahalaga na makauwi siya nang maaga para maiabot na ang mga gamot. Ngunit hindi nangyari ang gusto niya. Hindi niya inasahan ang mga sumunod na pangyayari.

Sa kabilang banda, naiinip na nakamasid si Ellion na nagtatago sa isang poste na gawa sa troso. Inaabangan niya ang isang babae na tapos nang makapag-withdraw ng pera sa isang ATM machine. Ang mabilis na paraan upang makakuha siya ng pera, pera na kakailanganin niya upang maging pambayad sa utang sa kabarkada. Sa oras na pumatak ang dilim, hindi na niya masisigurado ang kinabukasan niya. Kailangan niyang makabayad sa lalong madaling panahon.

Maingat na inilagay ni Malorie sa pitaka ang limang libo mula sa allowance niya sa isang financial assistance kung saan siya kasali. Hangga't kaya niyang mag-ipon ay gagawin niya. Malabo man na makaabot sa dalawang milyon ang ipon niya ay nagbabaka sakali siyang makapagbayad sila ng lupa bago matapos ang taon.

Hapdi sa balat ang kaniyang naramdaman nang maglakad siya sa gilid ng kalsada papunta sa isang pharmacy. Laking pasalamat ni Malorie dahil nasa kalapit lamang ang terminal ng tricycle kung saan siya sasakay mamaya upang makauwi kaagad. Ngunit may pangyayari na hindi niya inasahan. Tuluyan siyang napaluhod sa nakakapasong kalsada. Isang lalaking nakasumbrero ang bumangga sa kaniya. Hindi man ito humingi ng pasensya ay tinulungan pa rin siya nitong iabot ang mga nahulog na mga gamit at walang sabing umalis.

Nagmamadali si Ellion na hubarin ang suot niyang jacket at sumbrero sabay tapon sa malaking trash bin sa tapat ng isang convenience store. Kung sakali mang may manghabol sa kaniya ay hindi nila siya mamumukhaan. Napalingon-lingon din si Ellion sa paligid bago tuluyang makapasok sa loob ng convenience store. Naging doble ang panginginig ng kaniyang katawan dahil sa lamig ng paligid dahil air-conditioned ang tindahan.

Nagpunta siya sa sulok kung saan walang mga taong dumadaan. Nagkunwari si Ellion may tinitingnan na iba't ibang klase ng inumin sa nakahilerang fridge. Pasimple niyang inilabas ang pitaka na nakuha sa dalaga kanina sa kalsada. Pakiramdam niya ay nabunutan siya ng karayom sa puso nang makita ang malulutong na limang libong nasa loob ng pitaka na nakuha. Ngunit napawi kaagad ang ngiti ni Ellion nang may marahas na umapak sa kanang paa niya kasabay ng pagtakip nang mariin sa kaniyang bibig. Sumigaw man siya ay hindi makawala ang mga daing na nararamdaman niya. May humablot sa hawak-hawak niyang asul na pitaka.

"Sinabi ko na sa 'yo, kahit magtago ka pa, mahahanap ka namin!"

Naramdaman niya ang mainit na paghinga sa kaniyang kanang tainga. Naamoy niya rin ang mint sa hininga nito mula sa hinithit na sigarilyo.

Searching Student X [ COMPLETED ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon