Sirius Feliciano Pov
Nang tingnan ko siya ay gulat na gulat ang ekspresyon nito, halos magdikit ang magkabilang kilay nito sa gitna. Naitakip niya rin sa kaniyang bibig ang mga kamay na parang nahulog na sa sahig ang sariling panga sa pagkabigla.
"Hindi 'to panaginip? Ikaw ba talaga 'yan? Paano? Kailan? Bakit?" Pakiramdam ko, daig ko pa ang pinaulanan ng putok ng bala sa walang preno nitong bato ng mga katanungan.
Wala na talagang atrasan, kailangan ko nang ihanda ang sarili ko sa mahabang paliwanagan.
Nasa loob pa rin kami ng headquarters, para lang itong isang malaking opisina na may parte para sa kusina, pahingahan at tulugan. May maliit na office at living area kung saan kami nakaupo ni Neiza na kanina pa ako tinitingnan na parang iniimbestigahan.
"Iniwan mo akong mag-isa sa pag-handle ng Code Breakers Club, tapos malalaman ko na lang nasa ibang club ka? At hindi ako makapaniwala na sa XO Club pa! Nang-iwan ka na, nagsinungaling ka pa."
Napayuko na lang ako at naghanap ng mga salitang sasabihin ko sa kaniya. Tama siya, sinungaling akong tao, pero nagawa ko lang naman iyon para din sa kaniya.
"Sorry, alam kong hindi mo ako mapapatawad—" Napatigil ako sa pagsasalita nang malakas itong suminghal sa akin dahilan para magpatingala ako sa kaniya at tingnan siya nang diretso sa mga naluluha niyang mata.
"Sorry? Talaga! Because from now on, I'm going to give up the club!" Hindi na ako nagulat, magandang balita iyon para sa akin dahil sa lahat ng nangyayari ngayon sa academy, hindi na magiging madali ang buhay namin. Lalo pang malalagay sa kapahamakan ang buhay niya kapag hindi pa siya lumayo sa mga nangyayari kahit na imposible dahil nabahiran na ng madilim na nakaraan mula sa isang tao ang kaniyang kainosentehan.
Mapipigilan ko pa ba kung mananatiling buhay ang taong naging dahilan ng pagkamatay ng mga magulang nito?
Magagawa ko pa bang protektahan siya ngayon na nakikita kong napapalapit na ang loob niya kay Steinhart?
"I respect your decision, Neiza. Ano na ang balak mo ngayon? I mean, kayo ng uncle mo? Siguradong mahaharap sa malaking problema ang academy." Napatingin siya sa akin, nakalimutan ko pang lumanghap ng hangin nang seryoso niya akong titigan.
"Hindi ko alam. Masyadong ginulo ng mga pangyayari ang isipan ko, hindi pa rin ako makapaniwala." Malalim itong huminga at napatingin sa braso ko, may mga bakas pa ng galos at pasa ang mga ito, huli na para maitago ko iyon.
"Napakaayos mo noong nasa CB Club ka pa, tapos ngayon . . . ewan ko sa 'yo, gusto mong sinasaktan sarili mo." Tumayo na ito at iniwan akong mag-isa sa upuan.
Kung may ideya lang talaga siya, handa akong gawin ang lahat kahit ikamatay ko pa.
Lumipas ang labinlimang minuto, may isang babae ang lumapit sa akin. Inabot niya ang isang coffee in can sa akin, kaagad ko itong inabot.
"Nakatawag ka na ba sa magulang mo?" tanong ko kay Malorie, bakas pa rin ang pagod sa mukha nito. Maaga siyang nagising kaysa kina Neiza at Steinhart.
"Nakatawag na ako, mamayang tanghali, uuwi na ako kasi susunduin na ako ni Papa. Ikaw? Mukhang hindi ka pa ayos." Sakto namang dumating si Neiza na may bitbit na medicine kit.
"Nga pala, si Malorie, isa rin siyang nadamay sa insidente kagabi." Nilapitan ni Neiza ang babae at tiningnan niya ito nang maayos mula ulo hanggang paa.
"Ano'ng nangyari? May masakit pa sa 'yo?" dire-diretso niyang tanong sa dalaga.
"Medyo masakit pa ang magkabilang kamay ko dahil sa mahigpit at matagal na pagkakatali," laagad namang tugon ni Malorie kay Neiza. Iniangat niya pa ang kamay nito na may hawak na canned coffee.
"Huli namin siyang nakita sa library at nakatali sa katawan niya ang isang bomba." Marahan niyang hinawakan ang braso nito at pinaupo niya ito sa tabi ko.
Walang pinalipas na segundo si Neiza at inareglo ang mga gamot na nasa loob ng medicine kit.
"Kahit ointment lang, sana makatulong." Dahan-dahan niyang pinahiran ang kamay ni Malorie at maging ang akin. Pakiramdam ko tuloy, nasa panaginip ako tulad ng sinabi niya kanina. Hindi ako makapaniwala.
"Hindi ko alam kung paano magpapasalamat sa inyo, sobrang laki ng tulong n'yo sa akin. Kung hindi sa inyo, baka pinaglalamayan na ako ngayong araw," mahinang sambit ni Malorie. Alam ko na mahirap tanggapin ang mga nangyari, hindi biro ang malagay ang buhay sa panganib, dahil ang nangyari ang tila isang bangungot sa reyalidad.
"Wala 'yun. Mag-iingat ka na lang sa susunod," sabi ko at bahagyang ngumiti. Sana ay gumaan na ang pakiramdam nito. Alam ko sa sarili ko na hindi sapat iyon, pero sana ay kahit paano ay nakatulong ako at ang grupo na kinabibilangan ko.
"Paano ka napunta sa sitwasyong 'yun?" tanong ni Neiza kay Malorie.
"Nahuli na ako sa paglabas ng klase, hindi ko mahanap isang libro ko na gagamitin ko sa project. Hapon na at palubog na ang araw. Sinubukan kong pumunta sa library, dahil na rin sa tagal ko sa paghahanap ay nasaraduhan na ako, kaya naghanap ako ng iba pang lugar para makalabas. Hindi ko inaasahan na may lalaki na nasa loob ng library. Akala ko noong una, estudyante siya kaya mabilis ko siyang nilapitan na sana ay hindi ko na lang ginawa. Madilim sa library no'n kaya hindi ko siya masyadong mamukhaan. Ang huling nakita ko bago niya ako hampasin sa ulo ng floor mop na hawak niya ay ang bomba na nakapatong sa isang lamesa." Mabilis na pinunasan ni Malorie ang mga luha na kumawala sa mga mata nito, hindi na rin niya namalayan na lumuluha na ito habang binabalikan ang bangungot na nangyari sa kaniya.
"Matagal na namin siyang palihim na sinusundan at ang mga galaw niya na kahina-hinala. Ayaw ko pang maniwala noon dahil alam mo, Neiza, alam mo na may pinagsamahan tayo ng taong tinutukoy ko. Oo, inaamin ko na 'yung grupong kinabibilangan ko ay gumagawa ng mga kaguluhan sa academy dahil na rin sa utos ng mga ibang estudyante na gawin ang gusto nilang mangyari, pero ang pumatay ng mga estudyante at ibintang sa amin ang krimen? Hindi na 'yun katanggap-tanggap, hindi na kami puwedeng magtago at magpakampante. Masyado na niyang dinudungisan ang grupo namin," mahabang paliwanag ko, pero hindi pa iyon sapat para maintindihan at maliwanagan si Neiza. Dahil ako mismo ay nahihirapan pa ring tanggapin na ang minsang naging kaibigan namin ay ang puno't dulo ng mga kaguluhan na nasaksihan at kinasangkutan namin.
Napalingon kami sa pagbukas ng pinto at iniluwa nito sina Nimrod at Tyler.
"At sino naman siya?" Bumaling sa akin si Neiza na itinuro pa si Tyler na inaayos pa ang suot na makapal na salamin sa mata.
"Si Tyler nga pala. Ang head leader ng XO Club." Nahuli ko ang pagtaas ng isang kilay ni Neiza.
#
BINABASA MO ANG
Searching Student X [ COMPLETED ]
Misteri / Thriller"Do you know that feeling when you feel like you're in danger because someone is following you? But then you remember ... You're the danger." "Be careful what you tell people. A friend today could be your enemy tomorrow." Note: Warning: This story...
![Searching Student X [ COMPLETED ]](https://img.wattpad.com/cover/262275431-64-k496232.jpg)