26

198 31 10
                                        

Masakit ang likod kong bumangon. Kinusot ko ang mga mata at napagtantong sa waiting shed pala ako nakatulog. Bumalik sa isipan ko ang lahat ng nangyari kagabi. Muli akong nakaramdam ng lungkot. Napahawak ako sa mukha ko at inihilamos ang kamay do'n.

Ayokong umiyak!

Sawa na akong magmukhang mahina.

Napagdesisyunan kong umalis na lang sa waiting shed. Pagkakuha ko ng phone sa bulsa ay bumagsak ang balikat ko nang makitang hindi na ako makakahabol pa sa klase.

Ibinalik ko ang tingin sa paligid. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Hanggang may pumasok sa isip ko.

Si Haru.

Gusto ko siyang makausap.

Gusto ko siyang makita.

Gusto kong makipag-ayos.

K-kasi tuwing may nangyayaring hindi maganda sa 'kin siya ang laging nasa tabi ko. Tuwing pinapalayas ako sa bahay siya ang laging back-up ko. Kaya gusto kong sa kanila pumunta.

Dahil wala akong perang dala ay nilakad ko papunta sa kanila. Kahit medyo malayo ay kinaya ko. Nakarating akong pagod na pagod. Buti na lang walang bantay na guard sa gate ng subdivision, kaya tahimik akong nakapasok.

Tulala akong nakatingin sa bahay nila Haru. Ngayong nandito na ako ay nagdadalawang isip naman akong kumatok.

Paano kung hindi niya ako pansinin?

Napaupo na lang ako sa harap ng gate nila. Napatitig ako sa kalangitan. Para akong nakalutang ngayon at hindi ko alam ang gagawin. Hindi nga ako nakaramdam ng gutom dahil mas nag-uumapaw ang sakit na nararamdaman ko.

Nasasaktan ako sa lahat.

Hindi ko lubos akalain na mangyayari sa 'kin ang bagay na 'to. Hindi ko nakita ang sariling ganito. Palagi kong nakikita ang sarili kong malakas at walang takot. Pero ngayon ay nanghihina na ako at nangangamba kung ano ang mangyayari sa 'kin.

Paano ko patutunayan kay dad na hindi ako tulad ng iniisip niya? Gulong-gulo na ako! Gusto kong puntahan si Harith ngayon at sirain ang pagmumukha niya.

"A-arden?"

Napalingon agad ako. Tumambad sa 'kin si Tita Tessa na labis ang pagkagulat. "Tita."

Lumapit siya sa 'kin at hinawakan ang mukha ko. Inobserbahan niya ang kabuuan ko. "Ano'ng nangyari? Bakit ang dami mong pasa? Sino'ng may gawa sa 'yo nito?" Hindi ako sumagot. Tulala lang ako sa kanya habang unti-unting tumutulo ang mga luha ko. Nang makita niya 'yon ay napatakip siya ng bibig. "Jusko! Arden? Ano'ng nangyari sa 'yo? Sinaktan ka ng dad mo? Sabihin mo sa 'kin, ang dad mo ba ang gumawa sa 'yo nito?" sunod-sunod na tanong niya.

Nag-aalala siya sa 'kin.

Pero bakit si mom? Bakit hinayaan niyang paalisin ako ni dad?

"Tumayo ka, pumasok ka sa loob," wika niya habang pilit akong pinapatayo pero nanatili akong nakaupo. "Tama ba ako? Si Roi ang may gawa n'yan? Sinasaktan ka niya? Magsalita ka naman, Arden, sinasaktan ka ba ng dad mo?"

"H-hindi siya naniniwala sa 'kin," mahina kong saad.

"Bakit? Ano'ng nagawa mo para hindi siya maniwala sa 'yo?"

Pinahiran ko ang mga luha ko. "H-hindi ko po alam."

Agad siyang yumakap sa 'kin kaya doon na ako humagulgol. Tuloy-tuloy ang pag-iyak ko habang siya ay hinahaplos ang likuran ko. Naramdaman ko rin ang paghikbi niya.

"S-saan ka natulog? Pinaalis ka ba niya?"

Marahan akong tumango. Hindi siya nakapagsalita, humarap siya sa akin at pinahiran ang luha ko. Kitang-kita ko rin sa mga mata niya ang bakas ng pag-iyak.

Bad Habits (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon