Mayumi's POV
Kinakabahan akong sumilip sa nagiisang bintana sa loob ng aking silid nang makarinig ako ng mga pagsigaw mula sa labas ng aming bahay. Marahan akong sumilip upang alamin kung ano ba ang nangyayari.
Nakapagtataka.
Wala naman akong nakitang kahit na ano. Papaano nangyari iyon? Nakasisiguro akong may narinig talaga ako na mga pagsigaw kanina. Boses iyon ng isang lalaki at isang babae. Hindi malinaw sakin kung kaninong boses iyon ngunit dinig na dinig ko talaga na nagsusumamo sila sa humahabol sa kanila na tumigil na ito sa tangkang pagpatay sa kanila.
Napakunot na lang tuloy bigla ang noo ko. Hindi ko na maintindihan itong nangyayari sakin. Kanina'y may naririnig akong kumakaluskos sa ilalim ng kama ko at tinatawag ako nito. Pagkatapos nun, ito naman ngayon. Kinikilabutan na ako sa mga nangyayari.
Hihiga na sana ako sa kama upang bumalik sa pagtulog nang maagaw ang aking atensyon ng biglang pagbukas ng pinto. Naramdaman kong bumilis ang tibok ng puso ko dahil doon.
Niyakap ko na lang ang isang unan at nagsumiksik sa kasuluk-sulukan ng aking kama. Natatakot ako. Sino ang nagbukas ng pinto kung nasa akin ang susi ng silid na ito?
Imposible namang isa kina mama't papa dahil wala sila ngayon sa bahay. Nandoon sila sa birthday ng isa sa mga naging classmate nila noong elementary.
Niyayaya nga nila akong sumama ngunit mas pinili ko na lamang na nandito sa bahay upang makatulog. Labis na napagod ang katawan ko dahil sa mga pinagawa samin sa school. Ang sakit talaga sa ulo mag-aral kahit kailan.
"S-sino ka?" Kinakabahan kong sabi habang diretsong nakatingin sa taong pumasok sa loob ng silid ko. Medyo matangkad siya, hanggang balikat ang buhok, at nakasuot siya ng school uniform.
Sino siya? Hindi ko siya makilala dahil sa nababalot ng dilim ang kabuuan ng silid ko. Medyo naaaninag ko ang mukha niya dahil sa liwanag ng buwan mula sa bintana. Pero teka, bakit... kamukha ko siya? Nagtayuan ang lahat ng balahibo ko sa katawan habang pinipilit na intindihin ang nakikita ko.
Nasisiraan na ba ako ng bait? Nababaliw na ba ako? Kung kanina ay may naririnig akong mga boses, ngayon naman ay may nakikita akong kamukhang-kamukha ko.
Ngayon ko lang napansin ang school uniform na suot niya. Unifrom ko iyon sa nilipatan kong university. Ang Marcelino University. Hindi nga ako namamalikmata sa nakikita ko. Kamukhang-kamukha ko siya. Mula sa itsura, buhok, at sa tindig. Ako na ako.
Binitawan ko na ang yakap kong unan at nagipon na ako ng lakas ng loob upang makatayo. Nang lalapitan ko na sana siya ay nakarinig ako ng isang pagtawa. Isang pagtawa na nagpalambot lalo sa mga binti ko. Hindi ko mapigilan ang matakot. Natatakot ako sa taong kaharap ko ngayon.
Lumakad siya palapit sa kinatatayuan ko habang tila may kinukuha sa likuran niya--- isang kutsilyo.
"S-sino ka bang talaga?" Muli kong tanong sa kanya.
Nasa harapan ko na siya ngayon at nginingisian ako. Nang mga sandaling iyon ay hindi na ako makatingin sa kanya. Hindi ko kaya.
Talaga bang totoo itong nasa harapan ko ngayon? Tao ba ito o baka naman isang ilusyon ko na naman? Sana nga ganon na lang. Kaso, hinawakan niya ako sa pisngi at hinaplos-haplos ang mukha ko. Doon ko lang napagtanto na hindi pala siya isang ilusyon. Kundi ay isang bangungot na unti-unting papatay sakin.
"Ako ay ikaw. At ikaw ay ako," wika niya sabay angat ng ulo ko upang iharap sa kanya. Muli, umiwas ako ng tingin. Ayoko siyang makita.
Hindi totoo ang sinasabi niya. Papaano siyang naging ako? Sa buong buhay ko, wala akong nabalitaan na nagkaroon ako ng kakambal. Kaya naman, balewala sakin ang sinabi niya. Hindi ko kailangang maniwala sa kanya. Nagiimbento lang siya ng sarili niyang kwento.
BINABASA MO ANG
The Opposite
Horror"Iligtas at protektahan mo siya hangga't kaya mo. Dahil ang buhay niya, ay buhay mo. Kaya kung sakaling mamatay siya, ikamamatay mo."- Miss Laura.