Chloe's POV
Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa o hindi dahil sa wakas ay wala na rin si Clyde sa laro. Nakakainis. Bakit siya nagpakamatay? Leche. Mas maganda sana kung ako ang gagawa nun sa kanya. Kaya lang, naunahan niya ako. Mukhang takot na takot kasi sila samin ng opposite ko. Oo nga pala, hindi na ako yung dating Chloe. Ibang-iba na ako.
Tumalikod na kami at nagsimula nang maglakad palayo sa bangkay ni Clyde kung saan malapit ang bangkay rin ni Dorothy. Wala pang mga tatlong minuto ang nakakalipas ay nakarinig kami ng isang malakas na pagsabog.
Dahil sa sobrang takot at gulat ay napasandal kaming dalawa sa pader. Nagkatinginan kami. Parehas kaming walang ideya kung saan nanggaling iyon. May sumabog na naman kaya sa isa sa mga kalahok? Maari.
Handa na sana ulit kaming maglakad muli nang isang pagsabog na naman ang naganap. Bigla akong pinagpawisan ng malamig. Anong ibig sabihin ng mga pagsabog na iyon? Naguguluhan ako. Hindi kaya...
"Tapos na ang laro?" Tanong ko sa opposite ko. Umiling-iling lang siya. Kung ganon, ano ba talagang nangyayari?
"May alam ka ba?" Muli siyang umiling. Napatingala ako sa kalangitan. Mas kumulimlim pa lalo. Tila nagbabadya ang malakas na ulan.
Muli kong tinapunan ng tingin ang opposite ko.
"T-tara na?" Tanong niya. Tumango lang ako at nagsimula na kaming maglakad papunta sa building ng Marcelino University.
Habang naglalakad, katahimikan ang mas nangingibabaw sa buong paligid. Wala akong naririnig na mga pagsigaw at kung anu-ano pa. Mukhang marami na nga ang namatay dahil sa lecheng larong ito. Hayop talaga kahit kailan si Miss Laura. Balang araw ay pagbabayaran niya rin ang mga ito sa impyerno.
May biglang sumagi sa isip ko kaya natigilan ako sa paglalakad. Kunot-noong tumingin sakin ang opposite ko. Hindi niya mabasa kung anong naiisip ko. Maganda. Sa ngayon ay ako na muna dapat ang makaalam ng bagay na iyon. Ang kahinaan niya. Ang sikreto niya. Sigurado akong may kung ano doon na magagamit ko para matalo ko siya.
"Hindi niyo maaaring galawin o pakialaman ang mga gamit ko na nasa ilalim ng lamesa na nasa harapan. Maliwanag ba?"
Miss Laura. Bistado na kita. Alam ko na ngayon kung bakit ayaw mong ipagalaw samin ang mga gamit sa ilalim ng mesang iyon. Dahil nadoon ang kahinaan mo. Humanda ka na. Malapit na kitang mapabagsak. Sinisiguro ko yan.
"Chloe Amber Tan."
Boses iyon ng isang lalaki. At mukhang galing sa itaas. Dahan-dahan kong inangat ang ulo ko at tumingin sa hagdan na nasa harap namin ng opposite ko. Biglang nanlambot ang tuhod ko nang makita kung sino ang taong iyon. Ang isa pa sa mga iniiwasan kong makalaban.
"Austin Luke Agustin," banggit ko sa pangalan niya habang tinatago ang baril sa likod ko.
Ako ang tatapos sa kanya.
Third Person's POV
Ngayong nakaisip na ng paraan si Mr. Ventura kung papaano sila makakadaan ng ligtas, ang sunod niyang kailangang gawin ay subukan ito. Hindi pa niya sigurado kung gagana itong naisip niya ngunit may tyansa naman na magtagumpay ito. Wala siyang pakialam kung maliit basta masubukan nila. Wala nang pagpipilian pa. Buhay niya, at ng mga estudyante niya ang nakasalalay dito.
"Ganito ang plano... Hindi ko alam kung gagana ito pero subukan pa rin natin. Pakikapa muna ang mga bulsa niyo," utos niya na agad namang binigyang pansin ng lahat.
"May nakapa kayong barya? Hawakan niyo yan. Siguro mga lima sapat na. Kakailanganin natin yan para makadaan tayo ng ligtas." Pinagmasdan niya isa-isa ang mga estudyante niya.
"Anong gagawin sir?" Pagtatanong ng estudyanteng si Mikka.
"Ihahagis natin yan bago dumaan. Sigurado akong may mga patibong diyan kaya sila namatay. Kung may flashligt kayo, subukan niyong ilawan ang magkabilang gilid kapag dadaan kayo. Tingin sa taas at baba. Harap at likod. Mapanganib ang bawat pagkilos. Maaaring ikamatay kung hindi ka magiging maingat. Nakahanda na ba kayo?" Tumango ang lahat sa tanong ni Mr. Ventura.
Isa sa mga estudyante ang sumandal sa pader. Pumikit siya't nanalangin ng tahimik. Hindi sinasadyang naapakan niya ang puting buton sa sahig. Masama ang ibig sabihin nito.
Napatayo si Mr. Ventura nang makarinig ng malakas na ingay. Hinanap niya kung saan iyon nanggaling ngunit hindi niya malaman. Nataranta ang mga estudyante niya. Nagkapit-kapit ang mga ito habang nakadikit sa kanya. Palinga-linga sila sa paligid. Takot na takot at malakas ang kaba.
Hanggang sa isa sa kanila ang sumigaw. Lahat ay nagulat nang madaanan ito ng matalas na bagay na umiikot mula sa kisame. Napugutan ito ng ulo at nahati ang katawan sa dalawa. Nataranta sila at nagtatatakbo palayo. Ngunit mas mabilis ang bagay na iyon. Sabay-sabay silang napaslang nang walang kalaban-laban. Nagkalat ang mga laman nila sa sahig. Humalo ito sa ibang estudyanteng patay na. Wala na. Naubos silang lahat sa isang maling galaw.
Wala na ang Section Raxus.
-----××-----
Nang imulat ni Miss Katarina ang kanyang mga mata'y unang bumungad sa kanya ang mga estudyante niyang kagigising lang rin. Walang anu-ano'y nakaramdam na naman siya ng kaba. Tila may panganib na naman na paparating.
"Ma'am? Makakaalis pa po ba tayo dito?" Naiiyak na sabi ng estudyanteng si Jun habang nakatitig ito sa mga mata niya. Wala siyang naibigay na sagot rito. Naluha siya at niyakap na lamang ang dalaga.
"Patawarin niyo ako. Hindi ko alam kung paano tayo makakaalis ng buhay dito," wika niya habang nakatingin sa kanila ang iba.
"Basta ang importante ma'am Katarina magkakasama tayo," wika ng estudyanteng si Jed habang nakangiti sa kanya. Ngumiti rin siya at ilang saglit pa ay sumama na rin sa pagyakap ang iba.
Hanggang sa aksidenteng naapakan ni Miss Katarina ang huli at natitirang buton. Kulay itim ito at nasa sahig na kinatatayuan niya ngayon. Nakarinig sila ng malakas na ingay na nagpataranta sa kanilang lahat.
Takot na takot na nagpalingon-lingon sila sa paligid upang matiyak na walang masamang mangyayari. Wala silang nakitang kahit na anong kahina-hinala kaya inisip nilang ligtas sila. Ngunit ang mga sumunod na nangyari ay talagang hindi nila inasahan.
Mula sa kisame, isang malaking elesi ang lumitaw at pinagpira-piraso ang katawan nila!
![](https://img.wattpad.com/cover/34798196-288-k860255.jpg)
BINABASA MO ANG
The Opposite
Horror"Iligtas at protektahan mo siya hangga't kaya mo. Dahil ang buhay niya, ay buhay mo. Kaya kung sakaling mamatay siya, ikamamatay mo."- Miss Laura.