Bianca's POV
Napako ang aming mga tingin sa babaeng guro na nasa harapan. Miss Laura. Iyon daw ang itawag namin sa kanya. Sinenyasan ko lang sina Mayumi at Chloe. Kailangan na naming maupo. Ang iba'y naupo na rin sa mga upuan nila habang ang iba'y nanatiling nakatayo. Dahil ang upuan nila'y ginagawang higaan muna pansamantala ng dalawang babaeng pumasok sa klase namin ngayon-ngayon lang.
Hindi ko alam kung anong nangyari sa dalawang iyon. Pero isa lang masasabi ko. Ang lupit. Ang lupit ng taong gumawa non sa kanila. Napaka-rami nilang sugat sa binti at may dugo ang kanilang tuhod. Kinakabahan ako. Pakiramdam ko'y nasa loob lang ng klase na ito ang gumawa ng bagay na iyon sa kanila.
Si Miss Laura kaya?
Nanatiling tahimik ang buong klase. Walang nagsasalita. Nakangiti ang iba habang ang iba naman ay nakasimangot. Mukhang ayaw nila kay Miss Laura. Ako rin. Ayoko sa kanya. Masyado siyang misteryoso. Ewan ko ba. Kinikilabutan ako sa tuwing titingin ako sa kanyang mga mata.
Kakaiba.
"Anong meron diyan?" Tanong ni Miss Laura nang makita ang dalawa.
Walang sumagot sa tanong niya. Tanging pagtitig lamang namin ang natanggap niya. Ayoko magsalita. Baka madawit pa ako sa nangyari sa dalawang iyon. Hindi maaaring masangkot sa kahit na anong kahihiyan ang pamilya ko. Mahirap na.
Mabagal na lumakad si Miss Laura palapit sa dalawa. Habang naglalakad siya, ay nagsimula namang magbulungan ang mga kaklase ko patungkol sa kanya. Maging ako'y ganon rin. Marami kasi akong napapansin na kakaiba sa kanya. Katulad na lamang ng kanyang tattoo sa may ibaba ng kanyang leeg. Ang hirap sabihin kung anong tattoo iyon ngunit para siyang isang simbolo.
"Nakakatakot siya," rinig kong bulong ni Mayumi na nasa kaliwa ko.
"Ang daming kakaiba sa kanya," bulong naman ni Chloe sa kanan.
"Hindi siya pangkaraniwang guro. Yan lang ang nasisiguro ko," bulong ko sa kanilang dalawa sabay hawi ng buhok ko.
Pagkatapos tignan ni Miss Laura ang dalawa, pumunta siyang muli sa harap upang magsalita. May sasabihin pa pala siya. Bakit hindi pa niya sinabi kanina? Pambihira. Nais niya siguro'y maririnig naming lahat upang hindi na siya paulit-ulit. Tama. Mukhang ganon nga.
"Pamilyar ba kayo sakin?" Tanong ni Miss Laura kasabay ang pagngisi. Kinikilabutan ako. May kakaiba talaga sa kanya.
Natatakot ako.
Krylle's POV
Iminulat ko ang mga mata ko. Nasaan ba ako? Anong nangyari? Medyo nanghihina pa rin ang katawan ko pero ayos lang. Sa mga sandaling ito, kinakaya ko naman.
Nakahiga ako, pati si Heather sa pinagsama-samang upuan. Ang galing ng nakaisip nito. Salamat sa mga tumulong samin kanina nang mawalan kami ng malay. Hindi na talaga namin kaya. Hinang-hina na kasi kami. Hanggang ngayon, ramdam pa rin namin ang sakit ng mga sugat namin.
Nakita kong dumilat na rin si Heather.
"Nasaan ako?" Tanong niya habang pakusot-kusot pa sa kanyang mga mata.
Bumangon siya at bumangon na rin ako. Nasa likod pala kami ng klase at may mga estudyanteng nasa tabi namin. Nakatingin sila samin ni Heather. Nag-aalala sila. Naaawa. Awang-awa sila samin habang ang mga nakaupo'y ganon rin. Lahat sila.
Napangiti ako.
Pinagmasdan ko ang paligid. May nakangiti, nakasimangot, nakataas ang kilay, at may nakairap. Ang pinaka-ikinagulat at ikinatakot ko ay nang makita ang taong kinatatakutan ko ngayon. Ang babaeng guro na iyon. Bakit nandito siya? Nakangiti siya sakin habang nanlilisik ang kanyang mga mata. Nakakatakot.
Demonyo siya!
Hindi talaga ako pe-pwedeng magkamali. Siya yon. Siya ang babaeng guro na iyon. Ang babaeng guro na nagpaluhod sa amin sa bilao na mayroong laman na maraming munggo, habang pinapalo angaming mga binti ng latigo. Hayop siya.
Napaka-lupit niya!
"B-bakit ka takot na takot at gulat na gulat?"
Napatitig lang ako sa kanya. Nagku-kunwari pa siya. Nagku-kunwari siya na walang kaalam-alam sa nangyari samin. Psh. Masyado siyang mapagpanggap. At mukha yatang napapaniwala niya ang mga kaklase namin sa sinabi niya na wala siyang alam kaya siya nagtatanong. Napasimangot lang ako. Kahit kailan, madali talagang mapaniwala ang mga tao.
Dahan-dahan na siya ngayong naglalakad papunta sa kinaroroonan namin. Gulat na gulat si Heather nang makita rin siya. Katulad ko, batid kong hindi rin siya makapaniwala na nasa harapan namin ito ngayon. Isa itong malaking kamalasan. Bakit sa lahat ng magiging guro namin, siya pa?
Ayaw namin sa kanya!
"May problema ba?" Tanong niya kasabay ang isang mabilis na pagngisi.
Nasa harap na namin siya.
"W-wala po," nauutal at takot na sagot ko habang nakatingin sa ibaba. Hindi ko magawang tumingin sa kanyang mga mata.
Natatakot talaga ako.
"Kung ganon ay magsisimula na akong magsalita. Ngunit bago 'yon... maaari niyo na bang ayusin ang inyong mga upuan?" Malumanay na sabi nito sabay tingin sa mga estudyanteng nagkukumpulan sa likuran at tabi namin.
Mabilis naman kami na nagsikilos at inayos namin ang mga upuan ayon sa ayos nito noon. Naging magkatabi kami ni Heather at sa bandang gitna kami napuwesto. Medyo napanatag ako dahil doon. Kahit papaano kasi'y malayo-layo kami sa gurong iyon. Mabuti na lang talaga. Hindi ko makayanang malapit ako sa kanya at pakiramdam ko'y nasa panganib ako parati.
Nang maayos nang nakaupo ang lahat, bumalik ang gurong iyon sa harap at pinagmasdan kami isa-isa. Isang nakakakilabot muna na ngiti ang pinakawalan niya bago siya muling nagsalita.
"Muli, ako si Miss Laura. At maligayang pagdating sa Marcelino University," sabi niya at mabilis na ngumisi.
Miss Laura.
BINABASA MO ANG
The Opposite
Horror"Iligtas at protektahan mo siya hangga't kaya mo. Dahil ang buhay niya, ay buhay mo. Kaya kung sakaling mamatay siya, ikamamatay mo."- Miss Laura.