Habang kumakain kami ng hapunan, hindi ko mapigilan ang pagsulyap-sulyap kay Mommy. Gusto ko nang magpaalam sa kan'ya tungkol sa orphanage pero katatapos niya lang magalit sa akin kanina dahil nalaman niyang hindi ako pumasok.
Kasabay ng pagbuka ng bibig ko ang paglingon niya sa akin kaya naman sa halip na makapagsalita ako, lalo akong natahimik sa takot.
“May sasabihin ka pa ba?” tanong niya.
Napalunok ako bago yumuko. “P’wede ko po bang mahiram yung kotse n’yo? Pati po driver. Aalis po ako sa buong weekend, Mommy. Sasama po ako kay Fierro.”
Nang mag-angat ako ng tingin sa kan’ya, nakita kong nakaangat ang kaliwang kilay niya.
“Saan kayo pupunta? Hindi ba dapat ’yon ang ipinagpapaalam mo sa akin?”
I gulped. “Sa Saturday po, mamimili kami ng gifts sa Divisoria. Sa Sunday naman po, pupunta kami ng orphanage sa Zambales — kung saan po siya lumaki.”
Bahagya akong ngumiti.
“Noong nakaraang linggo ko lang po kasi nalaman na kaya hindi kami nagkikita tuwing Linggo, palagi pala siyang nandoon. Tradisyon na niya ang ibigat ang araw na ’to sa mga taong nagmahal at nagpalaki sa kanila.”
Hindi siya nagsalita. Nag-iwas siya ng tingin sa akin. Ibinalik niya ang atensiyon sa plato saka itinuloy ang pagkain bago nagsalita.
“May pera ka ba?”
Nanlaki ang mga mata ko. “Po?”
Tumingin siya sa akin. “Bibili kayo ng mga regalo. May pera ka bang pambili?”
Napalunok ako. “B-Binenta ko po yung mga extra perfume na binigay n’yo sa akin. Y-Yun na lang po yung gagamitin ko.”
Hindi siya nagsalita. Tinapos na lang niya ang pagkain saka uminom ng tubig bago tumayo at umalis ng dining area. Napanguso ako bago itinuloy ang pagkain.
“Hindi mo malaman kung payag o hindi,” bulong ko sa sarili.
Nang matapos akong kumain, aalis na rin sana ako pero pagtayo ko, nakita ko si Mommy na bumabalik sa dining area. Huminto siya malapit sa akin saka iniabot ang black mastercard.
“’Wag ka nang mag-Divisoria, malayo ’yon at maraming tao. Maraming department store malapit dito. Dito na lang kayo mamili. Maraming mall dito. ’Wag mo nang tipirin at para naman sa mga bata ’yan. Sinabihan ko na rin ang driver. Sila na ang bahala sa inyo ni Fierro sa weekend.”
Nanlaki ang mga mata ko matapos marinig ang lahat ng sinabi ni Mommy. Ilang sandali pa, nang mag-sink in na ang lahat, napangiti ako nang malawak bago hinigpitan ang hawak sa card niya.
“Thank you, Mommy!”
Tumango lang siya bago ako tinalikuran. Bumalik na siya sa master’s bedroom nang hindi man lang sinasagot ang huling sinabi ko.
BINABASA MO ANG
Love At The Coffee Shop
Novela Juvenil|| third installment of "habit series" || Calista Fernandez loves coffee and art above anything else. Though she's living a well-off life, her mother was very against her dream of pursuing arts. While she's being forced to take a course she never wa...