20.
They found me
Third Person's POV
"Marami ang magbabantay kay Neo. Sisiguraduhin nilang walang mangyayaring masama sa kanya. Siguradong may natuklasan si Neo kaya siya pinagtangkaang patayin." Paniniguro ni Ponzi matapos makausap ang hepe sa kabilang linya upang masabi ang nasaksihan ni Dustin na tangkang pagpatay sa binatang si Neo.
"Sigurado ba talaga kayong sa post-office nagtatrabaho yung lalaking yon?" Muling tanong ni Ecleo na siyang nagmamaneho sa kotseng sinasakyan nila.
"Oo, base sa suot na uniporme nung delivery boy, siguradong-sigurado akong sa post office siya nagtatrabaho." Giit naman ni Ponzi.
"Teka bukas ba ang post office ngayon? Hatinggabi na ah?" Kunot-noong sambit ni Ecleo.
"Papasukin natin. Tayo mismo ang maghahanap ng employee record nila. Sa bawat minutong lumilipas, lalong nalalagay sa kapahamakan si Sisa, kailangan nating magmadali." Walang emosyong sambit ni Ponzi saka muling napatitig sa iba pang mga case files na dala.
Sa kanilang lahat, si Dustin lamang na nasa likurang bahagi ng sasakyan ang tahimik. Tila ba napakalalim ng iniisip nito habang pinagmamasdan ang kalsadang tinatahak. Hatinggabi na kaya iilan na lamang ang mga establismentong nakabukas at mangilan-ngilan na lamang ang mga nakakasalubong at nakakasabay nilang sasakyan sa kalsada.
Sa isang iglap, bigla na lamang nagsalita si Dustin na animo'y biglang may napansin sa kalsadang tinatahak.
"Teka, ihinto mo." Bigla nitong sambit na habang nakatanaw sa isang coffee shop na nasa gilid lamang nila.
"Ano?" Kunot-noong sambit ni Ecleo.
"Ihinto mo!" Biglang sigaw ni Dustin kaya inihinto na lamang ni Ecleo kahit pa nalagpasan na nila ito.
"Ponzi tingnan mo yung lalakeng kalalabas lang mula sa coffee shop, ganung uniporme ba ang suot ng delivery boy na umambush kay Neo at sa ama niya?!" Aligagang sambit ni Dustin kaya agad ding napalingon sina Ecleo at Ponzi sa lalaking kalalabas lang mula sa coffee shop at patungo na sa nakaparada niyang motorsiklo.
Naningkit lalo ang mga mata ni Ponzi habang tinatanaw ito, naguguluhan man, tumango-tango si Ponzi, "Oo ganyang uniform ang suot nung lalake."
Tuluyang sumakay ang lalake sa kanyang motorsiklo baka na ikinataranta ni Dustin.
"Ecleo sundan mo siya bilis!" Giit ni Dustin kaya kahit naguguluhan ay dali-daling pinaandar ni Ecleo ang sasakyan upang sundan ito.
Mabilis ang pagpapatakbo ng lalake sa kanyang motorsiklo kaya naman mas binilisan din ni Ecleo ang pagmamaneho.
"Dustin sino siya?!" Tanong ni Ponzi saka lumingon kay Dustin.
"Ang nagtangkang pumatay kay Neo." Walang emosyon nitong sagot habang napakatalim ng tingin sa motorsiklong nasa unahan nila.
"Ecleo banggain mo siya!" Biglang giit ni Dustin bagay na labis na ikinagulat ng dalawa.
"Nasisiraan ka na ba talaga?! Tarantado, idadamay mo na naman ba kami sa krimen mo?!" Nanlilisik ang mga mata ni Ponzi sa galit pero binalewala na lamang ito ni Dustin.
BINABASA MO ANG
Never Cry Murder
Mystery / ThrillerThe Ripper Series #3 :: How far would you go to avenge and save the ones you love?