26.
Parting Time
Third Person's POV
Hingal na hingal man, hindi tumitigil sa pagtakbo si Ponzi sa gitna ng madilim na kalsada bitbit lamang ang kanyang cellphone na siyang pinanggagalingan ng maliit na ilaw na nagsisilbi niyang gabay. Tagaktak ang pawis habang humahangos, nililibot ni Ponzi ang kanyang paningin umaasang makakabalik siya sa mismong lugar kung saan niya narinig ang boses ni Sisa.
Sa isang iglap ay bigla siyang may nakita sa gilid ng kalsada—mga usok. Maliit lamang ang mga usok na naaninag at naamoy niya pero hindi niya ito binaliwala, dali-dali siyang nagtatakbo papalapit dito hanggang tumambad sa kanya ang isang manhole na may bilugang takip. Lalong kinabahan at nataranta si Ponzi nang mapagtantong dito nanggagaling ang usok at amoy na animo'y may nasusunog, pero sa kabila nito'y mas lalo siyang naging determinadong mahanap ang dalaga.
Hindi na nag-atubili pa si Ponzi, dali-dali siyang lumuhod sa harap nito't buong lakas na inikot ang takip saka hinugot pataas. Isinigaw na lamang ni Ponzi ang sakit na naramdaman sa kanyang mga balikat hanggang sa tuluyan niya itong nabuksan at tumambad sa kanya ang isang manipis na hagdan.
Huminga ng malalim si Ponzi saka dali-daling bumaba. Nang makarating sa imburnal ay agad na sumalubong sa kanya ang mga usok na animo'y naghahanap ng kalalabasan. Nagtatakbo si Ponzi, pilit niyang sinusundan ang pinanggagalingan ng usok kahit pa maya't-maya siyang nahihirapan na makakita at makahinga dahil sa mga usok na sumasalubong sa kanya. Sa isang iglap ay biglang tumambad kay Ponzi ang isang pinto at dali-dali itong binuksan, nanlaki ang mga mata niya nang makita ang isang pasilyong tila ba nilalamon na ng nagngangalit na apoy.
"Sisa!" Hindi na napigilan pa ni Ponzi na mapasigaw.
****
Unti-unting idinilat ni Sisa ang kanyang mga mata nang maramdaman ang matinding init na tila ba nakapaligid sa kanya. Sa gulat at takot ay hindi halos nakagalaw si Sisa nang magising sa sa isang kwartong tila ba nilalamon na ng apoy.
"Tatang!" Namamaos man, hindi niya mapigilang mapatili ng paulit-ulit sa sobrang takot.
Nakahiga parin siya sa isang metal na kama kaya naman dali-dali siyang naupo. Wala na ang mga kableng nakakabit sa ulo niya at iisang paa na lamang niya ang nakatali sa kama kaya kahit sobrang sakit ng kamay niya'y dali-dali niya itong ginamit upang kalasin ang pagkakatali.
Nilibot ni Sisa ang paningin, wala na ang makinang ginagamit ni Tatang upang pahirapan siya at lalong wala narin si Tatang sa kwarto. Nag-iisa na lamang si Sisa sa kwartong napapalibutan ng nagngangalit na apoy. Lalo siyang nakakaramdam ng hapdi sa mga mata niya kaya naman maya't-maya siyang napapapikit at napapatili na lamang.
"Tulong! Parang-awa niyo na tulungan niyo ako dito!" Sigaw ng sigaw si Sisa ng paulit-ulit.
Napakaraming usok kaya naman paulit-ulit na napapaubo si Sisa habang pilit na tinatakpan ang bibig niya. Tagaktak na ang pawis niya at sa sobrang init ay wala siyang magawa kundi mapaiyak at mapatili na lamang. Sinubukan niyang tumakbo patungo sa pintong nakabukas ngunit maging ito'y nilalamon na ng apoy mula sa sahig at pati narin sa kisame. Hindi na alam ni Sisa saan pupunta pagkat wala na siyang ibang makita sa bawat na sulok ng kwarto kundi apoy.
BINABASA MO ANG
Never Cry Murder
Mystery / ThrillerThe Ripper Series #3 :: How far would you go to avenge and save the ones you love?