Ang mundo ay punong-puno ng mga taong mapanlinlang... Maging mapanuri at mapag matyag. Mag- ingat sa mga gagawing desisyon sa buhay!
***
Minsan merong isang sugarol ang namatay dahil sa sakuna. Siyam na araw nagpaikot-ikot ang kaluluwa niya sa lupa at di naglaon, nakarating siya sa pintuan ng langit. Sinalubong agad siya ni San Pedro at ipinakita nito ang itsura ng langit.
"Bibigyan kita ng pagkakataong mamili kung saan mo gustong manatili, sa impiyerno ba o sa langit!"
Ngumiti ang lalaki at sumagot.
"Syempre po gusto ko sa langit, San Pedro, 'di ko na po kailangan mamili pa, hindi ko ipagpapalit ang langit sa kahit ano pa man," may kompiyansang sabi niya.
"Mabuti kung ganun." Tipid na sagot ni San Pedro.
Habang naglalakad sila sa malawak na bulwagan, napansin niya ang mga anghel na umaawit ng papuri sa Panginoon. Ang iba naman ay tumutogtog ng mga harmonika. Lahat ng mga tao dito ay nakasuot ng puting damit at umaawit din ng papuri sa Panginoon. Payapa ang buong paligid at mababakas mo sa mga mukha nila ang walang hanggang pag-ibig at kagalakan.
"Ngayon bibigyan naman kita ng pagkakataong makita ang impyerno!"
"San Pedro, wag na po... Di na po kailangan, kontento na po ako dito sa langit."
sagot naman ng lalaki.
"Ayos lang yan, para lang may pagpipilian ka." sabay kumpas ni San Pedro ng kanyang kamay.
Biglang lumitaw sa kanyang kaliwa ang isang marangyang daan at napapalamutian ito ng mga naggagandahang street lights.
Namangha ang lalaki sa nakita niya at dahil usisero siya, agad niyang tinahak ang daanang iyon.
Pagdating niya sa pintuan ng impyerno, nagulat siya dahil nilatagan agad siya ng red carpet, at lahat ng tao ay nagpapalakpakan na para bang nagbubunyi sa kanyang pagdating...
Maya-maya pa'y nilapitan siya ng isang napakagandang babae na parang flight stewardess ang datingan.
Ngumiti ito sa kanya.
"Maligayang pagdating sa impyerno, mahal na ginoo! Halika sama ka sakin, ipapakita ko sayo ang itsura ng impyerno.."
Tumango ang lalaki sa kanya bilang tugon..
Pagpasok nila sa pintuan, bumungad agad sa kanya ang isang napakagandang lugar. Merong malaking Casino, mga mamahaling alak, at ang daming naggagandahang mga babae. Merong malakas na tugtugan at may mga nagsasayawan,. Kung sa langit tahimik lang, dito ay merong napakalaking party, parang party ng mga elites!
"Ito ang impyerno, unlimited ang saya dito. Wala kanang hahanapin pa." Nakangiting sabi ng magandang babae sa kanya.
"Ganito pala ang impyerno? Akala ko dito sinusunog ang kaluluwa ng mga taong may mabigat na kasalanan. Mali pala turo ng teacher ko nung nabubuhay pa ako."
"Kung ganun, mali ang pagkakakilala niyong mga tao. Dito sa lugar na ito mo lang masusumpungan ang walang hanggang saya, dito mo mararanasan ang mga karangyaang hindi mo pa nararanasan sa lupa." patuloy pa ng magandang babae.
Nang bumalik ang lalaki sa pintuan ng langit, agad siyang tinanong ni San Pedro.
"O, anong napili mo?"
Sumagot ang lalaki.
"San Pedro, pasensya na po kayo pero mas gusto ko po sa impyerno. Di naman pala totoong puro apoy nakikita doon gaya ng paniniwala namin nung nabubuhay pa ako."
"O, sige kung yan ang napili mo, eh di good luck sayo!" sagot ni San Pedro.
Pagdating ng lalaki sa impyerno, nagulat siya dahil biglang nag iba ang lugar. Wala na yung red carpet, wala ng mga taong nagpapalakpakan, wala na yung Casino, wala na yung mga taong nagsasayawan,. Ang lugar na kanina lang ay puno ng kasiyahan, ngayon ay isa ng lugar ng mga kaluluwang tumatangis. Ang lugar na kanina lang ay puno ng mga nagkikislapang ginto, ngayon ay isa ng dagat-dagatang apoy!
Paglingon niya, nakita niya ang kausap niyang magandang babae kanina na parang flight stewardess, ngunit iba na ang anyo nito...tinubuan na ito ng sungay sa ulo, ang hahaba ng mga kuko at nagkaroon na ito buntot na kamukha ng sa buwaya. Agad niya itong tinanong...
"Nasaan na yung pinakita niyo sakin na magandang lugar kanina, nasaan na yung Casino, bakit wala ng red carpet at wala na rin yung mga taong nagkakasiyahan?" nalilito niyang tanong.
Ngumisi ito at sumagot...
"Ano ka ba, advertisement lang namin yun, nang sa ganun marami pa kaming kaluluwang makuha at makasama dito. Mga tao nga naman, ang hilig niyo lagi sa mga komportableng buhay, kaya naman dito kayong lahat nababagay, hahaha..haha..ahhhahahhh!"
-Wakas.
GINTONG ARAL:
Karamihan sa mga tao, gusto lagi ng komportableng buhay, ayaw ng nahihirapan... Gusto laging instant... instant noodles, instant coffee, instant food, instant money, instant boyfriend.. etc. Ayaw na ng nahihirapan. Gusto laging automatic. Mabilis.. Kaya ang ending, sawi, mabilis lang din mawala at kung minamalas, napapahamak pa.
Maging mapanuri sana tayo sa mga bagay, bayay. Pag igihang mabuti ang mga desisyon nang hindi tayo naluloko.
Sana po ay nagustuhan niyo ang aking kwento ngayong lenten season 2026. Salamat po sa mga nagbasa. Vote po sana! Thanks.
-MARWA
BINABASA MO ANG
BEST INSPIRATIONAL STORIES (Tagalog)
EspiritualFREE TO READ Highest Rank #1 in Inspirational Stories Highest Rank #8 in Spiritual Ito po ay koleksyon ng aking mga pinaka-nakakaantig na. Mga nakaka-inspire na karanasan, mga pangyayari, mga kwentong tiyak pupukaw sa inyong mga damdamin. Mula sa p...
