Ikatlong Kabanata: Ang Magnanakaw At Ang Halimaw

9 3 0
                                    

PAGKATAPOS ng klase ay tinungo agad ni Polaris ang daan papunta sa pinagtatrabahuhan niyang coffee shop tulad ng nakasanayan.

Hindi na siya nag-alala pa na magsusumbong si Sirius dahil mukhang wala naman talagang intensyon ang binata na magsabi at palagay ang dalaga na hindi naman si Sirius iyong tipong sumbungero. Sa binata na rin naman mismo nanggaling na hindi naman niya ginustong takutin siya kaya't kampante na si Polaris. Mali lang talaga ang pagkaintindi niya sa sitwasyon.

Tahimik siyang pumasok sa eskinita na madalas niyang dinaraanan dahil shortcut iyon papunta sa kung saan nakapuwesto ang coffee shop. Masangsang man ang amoy dahil sa rami ng nakapuwesto na basurahan, nagtakip na lamang siya ng panyo sa ilong para hindi siya maduwal sa sobrang baho. Mas kaya niyang tiisin iyon kaysa ang matinding usok sa mismong highway.

Habang naglalakad ay agad niyang napansin ang isang matandang babae na biglang sumulpot mula sa isang gilid at saka humarang ilang hakbang mula sa kaniyang puwesto.

"Saan ka pupunta, hija?"

Nang malinaw na niyang makita ang mukha ng ginang ay saka niya napagtantong iyon mismo ang ale na ninakawan niya sa supermarket.

Bigla tuloy siyang dinapuan ng kaba. Kakaiba tumitig ang ginang na parang may balak itong hindi maganda at hindi rin napalagay si Polaris sa ipinapahiwatig ng kaniyang ngisi.

"Sa pinagtatrabahuhan ko po."

Lalong ngumisi ang ale at nagsimulang humakbang palapit kaya't napaatras nang bahagya ang dalaga.

"Talaga? May pagnanakawan ka na naman ba? Iyon ba ang trabaho mo?"

Nanigas si Polaris sa kinatatayuan at bahagyang bumuka ang bibig.

Alam ng ginang ang ginawa niya. Mukhang naging marumi ang paraan niya at may mga nakahuli sa kaniya. Ngayon tuloy ay hindi na alam ni Polaris kung matatahimik pa siya dahil maaaring may iba pang nakakita sa ginawa niya na puwedeng ikanta sa Special Police.

"Hindi ko po alam kung ano ang pinagsasasabi ninyo—"

"Alam kong alam mo, hija. Hindi ako tanga. Ramdam ko ang kapangyarihan mo sa bawat sulok ng supermarket kaya't wag ka nang magmaang-maangan." Humakbang muli ang ginang ngunit ngayon ay hindi na ito tumigil kaya't tuluyan na ring humakbang paatras si Polaris, "Matagal na rin mula noong huli akong nakakain ng dalagang Adiel."

Nanlaki ang mga mata ni Polaris nang biglang lumapad nang lumapad ang ngiti ng babae hanggang sa umabot ang magkabilang dulo ng kaniyang mga labi sa dalawa nitong tenga.

"Mukhang makakatikim ulit ako," lumaki ang kaniyang katawan, "ng masarap," nang lumaki, "na putahe," nang lumaki hanggang sa maabot na ng ibabaw ng ulo niya ang tuktok ng mga gusali sa paligid na may dalawang palapag.

Malaki ang mga mata ng dambuhalang halimaw, animo'y dalawang magkapantay na kawa. Ang mga ngipin ay katulad ng sa malaking pating at ang mga balahibo nito sa katawan ay mas doble ang kapal sa oso. Meron itong pakpak na halintulad sa paru-paru, pero hindi magandang tingnan. Nagmukha itong malaking nakakapandiring insekto.

Sa tanang buhay ni Polaris ay ngayon lamang siya nakakita ng crawler nang mata sa mata. Madalas niya lamang makita sa telebisyon ang mga iyon at kahit kailan ay hindi niya pinangarap na talagang makaharap ni isa sa mga dambuhalang halimaw na iyon.

Hindi siya makakurap ni makagalaw. Natulos ang dalaga sa kinatatayuan niya at hindi na magawang makahakbang pa sa sobrang pagkabigla at takot. Kung hindi pa umatungal na parang leon ang halimaw ay hindi pa ata siya mahihimasmasan.

Bumalik ang ulirat ni Polaris at mabilis pa sa alas kuwatrong pinalipad ang lahat ng trash bin sa paligid para itapon sa mismong mukha ng halimaw ang lahat habang siya ay tumatakbo palayo.

Team Genesis (Book 2) [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon