NAGAWANG makawala ni Galileo. May dumaang sundalo roon na nakilala siya't tumulong sa kanyang makalaya't matanggalan ng suppressor.
Una niyang hinanap sina Rutherford at nagpatulong din na pakawalan ang mga kasama niya bago nila sabay-sabay na hinanap si Polaris. Ngunit hindi nila inaasahan ang naabutan nang matunton ang dalaga.
Humahagulhol si Cassiopeia at maya-maya'y humihiyaw sa sobrang paghihinagpis. Tinatawag na niya ang lahat ng mga santo't santa na hindi niya pinaniniwalaan, umaasang mahimalang ibabalik ng mga ito ang buhay ng anak.
Mismong si Nichola ay natigilan dahil iyon ang unang beses na nakita niya ang babae na talagang nasasaktan. Akala niya noon ay matutuwa siya kapag nakaganti na siya, pero ngayong naabot na niya ang pangarap ay pakiramdam niya'y sumobra na sya.
Umiyak si Yuri't tumabi kay Cassiopeia. Hindi naman kinaya ni Adelaide ang bigat ng nararamdaman at nag-iwas ng tingin kaya't dinaluhan ng kambal at ni Tywin. Halos mamuti ang mga kamao ni Rutherford habang nakatitig kay Cassiopeia na yakap pa rin ang anak.
Hindi na nakagalaw si Galileo habang tinitingnan ang walang buhay na katawan ni Polaris na yakap ng ina nito. Kalat ang itim na dugo ng dalaga sa sahig at tuluyan ng nabasa niyon ang suppressor ng dalaga na huli na nang matanggal.
Unti-unting nilamon si Galileo ng matinding galit. Animo'y takure na malapit ng kumulo. Nag-igting ang mga kamao niya't walang sabi-sabing sinuntok ang ama.
Nagulat na lamang ang lahat sa ginawa ng binata pero agad din silang sumali. Ang halos mawalan na ng buhay na si Rutherford ay biglaang sinapian ng matinding lakas at nakisama sa mga bounty hunters niya't sabay-sabay nilang inatake si Nichola. Si Cassiopeia ay itinabi ang anak bago sumugod.
Pero masyadong magaling ang heneral. Nagawa nitong malabanan ang siyam nang sabay-sabay. Naging mainit ang labanan at umabot na sa labas ng BSFP Albay. May mga sumugod na ring sundalo para tulungan ang heneral kaya't nakabuwelo kahit papaano si Nichola na kalabanin si Rutherford at Cassie.
Hindi makapaniwala si Galileo na magagawa niyang lumaban sa mga lisensyadong sundalo ng ama. Hindi na niya mabilang kung ilan ang napatumba niya pero gusto niya pa iyong dagdagan. Lumaban siya ng walang armas, at nang tuluyan na silang dumami ay ginamit niya na ang kapangyarihan para paduguin ang mga tenga ng mga sundalo.
Masyado ring nadala si Tywin ng bugso ng galit at nanatiling nakalutang sa ere para paulanan ng mga ligaw na bala ang mga BSFP army. Animo'y ang pagkamatay ni Polaris ang pinakasagad na kasamaang nagawa ng heneral.
Panay ang teleport ni Sirius hanggang sa marating niya si Nichola na kinakalaban pa rin sina Rutherford at Cassiopeia pero bago pa matamaan ng binata ang heneral ay bigla siya nitong sinipa sa tiyan palayo bago umilag sa palakol ni Cassopeia. Muli tuloy siyang sinugod ng mga sundalo kaya't wala siyang nagawa kundi labanan ang mga ito.
Sina Adelaide, Yuri, Dean, at Sean naman ay ang nakaabang sa mga paparating pang sundalo para wala ng makalapit pa kay Nichola. Wala na silang pakialam kung ano ang sabihin ng mga tao, o kung hindi na mahahalal si Cassiopeia. Si Polaris lang naman ang rason kung bakit siya tumakbo at ngayong wala na ang anak, wala na ring kuwenta kung magpapatuloy pa.
Oo, may awa pa siya sa taong bayan. Pero mas higit na mahal niya ang anak. Ang pagkawala ni Polaris ay pagkawala rin ng saysay ng buhay niya.
Tumulong si Faker kay Sirius para maabot din si Nichola pero masyado talagang maraming sundalo. Nasira na nila ang gusali pero hindi pa rin matapos ang gulo.
Naging battle ground ang BSFP. Animo'y may malalang gera na nangyayari at ang lahat ay walang pagod na lumalaban kahit pa malapit ng lumubog ang buwan. Ang lahat ay desperadong manalo. Galit, pagkamuhi, paghihiganti't katarungan ang dumadaloy sa sistema ng lahat habang nagpapatayan.
BINABASA MO ANG
Team Genesis (Book 2) [Completed]
Science FictionKung pagtatago ang usapan ay walang tatalo kay Polaris Aragon. Sa loob ng limang taon ay hindi siya nahuli ng Bureau of Special Forces of the Philippines (BSFP), kaya't tahimik siyang namuhay sa siyudad na parang hindi niya itinatago ang kapangyarih...