NAGLALAKAD nang tahimik si Polaris papunta sa gym dahil siguradong tulog na ang lahat sa Hell Apartment.
Alas dose na ng madaling araw pero papunta pa rin siya ng gym dahil iyon ang tagpuan na sinabi sa kanya ni Galileo para makapag-usap sila.
Suot ang bagong sleeping pajamas at puting spaghetti strap sando, bumaba sa bakal na hagdan ang dalaga ng nakapaa habang pilit na iminumuklat ang pasara ng mga mata.
Kahit pa nilalamon na ng matinding antok ay iniisip pa rin ng dalaga kung bakit gusto siyang makuha ng BSFP. Ang nakikita niya lang na rason ay puwedeng alam na ng mga ito na anak siya ng lieutenant general ng BSFP. Nakadagdag pa sa lakas ng kutob niya ang balak na pagbisita ng ina niya bukas.
Pero kung alam na ng mga ito, nagtataka si Polaris bakit hindi iyon nabanggit ni Helga? O baka gusto lang ng mga ito ilihim na may alam sila?
Ano pa man ang rason, alam niyang hindi maganda ang balak ng mga ito. Hindi sila tanga para basta na lamang magtiwala na hindi itutuloy ng BSFP ang balak nitong pag-ubos sa kanilang mga miyembro ng NGA. Nagsinungaling nga ang mga ito na ikukulong lang ang mga Adiel na hindi kumuha ng kursong Metahumanology, paano pa kaya sa kanila na harap-harapan na nilalabag ang batas?
Nang marating niya ang ground floor ay agad na bumungad sa kaniya si Tywin na hingal na hingal habang nakasandal sa mismong kahoy na pintuan ng gym.
Balot ang mga braso nito ng bandana at may suot pang neck brace na agad niya rin namang tinanggal. Puno rin ng bandana ang dalawa niyang braso at baywang, pero hindi nito natakpan ang hulmado nitong katawan. Wala itong suot na pantaas kaya't kita niya pa ang ilan sa mga sugat nito na halata namang malapit ng gumaling.
Dinala rin naman siya sa clinic ng NGA pero kahit na natabunan siya ng maraming tipak ng semento ay hindi naman siya masyadong napuruhan. Hindi siya tumagal sa clinic at agad ding pinauwi. Mukhang napalala lang kondisyon ni Tywin nang umatake ito sa metacercariae.
"Hindi ba dapat nasa clinic ka pa ngayon?"
Biglang napatingin sa kanya ang binata habang naghahabol pa rin ng hininga.
"Ikaw ang magbayad ng bill ko," anito bago nagsimulang maglakad nang mabilis palapit sa kanya.
Akala ni Polaris ay lalapit lang talaga ang binata, pero nabigla siya nang bigla itong yumakap sa kanya at agad na ipinatong ang ulo sa kanang balikat niya.
"Pwede bang paliparin mo na lang ako papunta sa unit ko? 'Tang ina, pagod na pagod na talaga ako."
Sinubukan na itulak ni Polars ang binata pero bigla itong binigatan ang katawan. "Anong ginagawa mo?!"
"'Wag ka nang magreklamo at ihatid mo na lang ako! Ikaw naman ang may kasalanan kung bakit ako bugbog sarado ngayon!"
Nanlaki bigla ang mga mata ng dalaga bago ito pinalo sa likuran na agad nitong ikinaungol sa sakit. Nagawa pa talagang isisi nito sa kanya ang sariling kabobohan.
***
"Sa susunod, ganito ulit gawin mo. Para hindi na nasasayang ang kapangyarihan ko sa sobrang paglipad."
Gusto nang ibagsak ni Polaris ang nakalutang na katawan ni Tywin dahil gusto na siya nitong abusuhin. Pinagbigyan niya lang naman ang binata dahil meron din naman talaga siyang pananagutan sa kondisyon nito.
Nang matapat na sila sa pintuan ng unit ni Tywin ay agad niyang ibinaba ang binata sa marahas na paraan kaya't bigla itong napaupo sa sahig.
"Aray ko! Punyeta!"
"So this is what's taking you so long?"
Kahit pa pilit na ininda ang sakit ng katawan ay agad na napatingin si Tywin sa binatang nakatayo sa may bandang likod ni Polaris.
BINABASA MO ANG
Team Genesis (Book 2) [Completed]
Science FictionKung pagtatago ang usapan ay walang tatalo kay Polaris Aragon. Sa loob ng limang taon ay hindi siya nahuli ng Bureau of Special Forces of the Philippines (BSFP), kaya't tahimik siyang namuhay sa siyudad na parang hindi niya itinatago ang kapangyarih...