Ikatatlumpu't Siyam na Kabanata: Itlog

17 2 0
                                    

MARUNONG naman lumangoy si Polaris, pero kahit kailan ay hindi niya pa nagawang sumisid. Pakiramdam niya’y palakas nang palakas ang pressure sa baba kaya't natatakot siyang mabingi.

Malaking tulong sa kanya ang suot na kumpletong gear, pero maingat pa rin siya sa bawat pagkampay. Hindi basta likido ang nilalanguyan niya. Pangiramdam niya pa ay unti-unti ng nalulusaw ang tela.

Habang tumatagal ay palalim na siya nang palalim, pero parang hindi pa rin siya nakakaalis sa may paanan ng halimaw. Talagang malaki ang Metacercariae at hindi basta-basta maaabot.

Lalo lang siyang nagulat ng maramdamang tila umibabaw ulit ang paa niya kaya't bigla siyang lumangoy muli paangat. Laking gulat ni Polaris nang mapagtantong unti-unting bumababa ang lebel ng likido kaya't imbes na lumangoy ay hinayaan niya na lamang itong bumaba para mas mabilis.

Umabot siya sa ulo ng halimaw nang walang kahirap-hirap kaya't agad na niyang inihanda ang dalang panaksak.

Iniamba niya iyon at balak na sanang dumiretso sa batok ng halimaw pero bigla siyang natigilan nang bigla nitong idinilat ang anim nitong mga mata.

Natulos sa kinatatayuan niya si Polaris dahil kitang-kita ng halimaw ang hawak niyang panaksak. Hindi niya na tuloy nagawang makapalag nang umatungal ito nang malakas kaya't tumalsik siya’t bumangga ang likod sa cocoon.

Ginamit ng halimaw ang galamay para abutin si Polaris kaya't agad na nakulong ang dalaga at muntik nang hindi makawala.

Habang nagpupumiglas ang dalaga ay bigla siyang nakaramdam ng kakaibang bugso ng galit sa sistema at habang sinusubukan niyang pakawalan ang sarili ay lalo iyong lumalakas.

Nang mapuno ang katawan niya ng matinding puwersa ay biglang naputol ang mga galamay na gumagapos sa kanya kaya't bigla siyang nakawala.

Muling umatungal ang halimaw sa sakit pero hindi na nag-aksaya pa ng oras si Polaris at sinimulang umakyat sa mismong katawan ng halimaw.

Ilang beses na sumabit ang suot niya kaya't unti-unti niya iyong tinanggal kahit pa delikado pa ring dumikit sa balat niya ang mga natitirang likido roon.

Umakyat siya na parang galit na unggoy hangga sa maabot ang paa ng halimaw na naroon pa rin sa bukana.

Muntik na si Polaris mahulog nang biglang ibinaba ng halimaw ang dalawang paa, mabuti na lamang ay may nakapitan na siya bago tuluyang nakalabas.

Hindi niya alam kung dahil iyon sa takot o talagang wala siyang maramdamang hapdi kahit pa balot na ang katawan niya ng lason na tila ba natuyo na sa kanya.

Gayunpaman ay kumaripas pa rin siya ng takbo dahil dama niyang nakatayo na nang tuwid ang Metacercariae at sinusubukan nang umakyat palabas ng butas.

Ilang hakbang na ngunit nagawa pa rin siyang abutin ng halimaw gamit na mismo ang kamay nitong may mahahaba’t matatalim na mga kuko.

Nagpumiglas si Polaris kasabay nang pagpilit ng halimaw na umakyat para makalabas ngunit nang tingnan niya nang matalim ang crawler ay tila natulos ito sa puwesto.

Nanigas ito. Nanigas na parang estatwa. Hindi alam ni Polaris kung paano pero may kakaibang enerhiya na lumalabas sa katawan niya’t pati ang halimaw ay nagawang mabato sa puwesto. Sumunod ay ang paglabas mula sa kamay niya ng tila pulang liwanag. Parang gustong sumabog ng naiipon niyang kapangyarihan.

Sa puntong iyon, marahang pinalo ni Polaris ang halimaw na animo'y tapik lamang sa balat, ngunit naputol ang buo nitong braso na parang kahoy na nilagari.

Sa pangatlong pagkakataon, umatungal muli ang halimaw pero hindi na kasing lakas noong una. At higit sa lahat ay talagang hindi na ito gumagalaw. Parang nalimutan nito kung paano.

Team Genesis (Book 2) [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon