CHAPTER FORTY TWO

353 11 0
                                    

CHAPTER 42: Family Reunion

Hindi ko maiwasang mapatulala sa tuwing naaalala ko ang nangyari bago ako mahimatay. Nandito pa rin ang sakit sa puso ko pero unti-unti ko nang natatangap.

Paano niya nagawa sa akin iyon? Akala ko pa naman itinuring niya ako kahit kaibigan lamang. Pero hindi.

"Kamusta na ang iyong pakiramdam?" Sambit ng isang tinig sa likuran ko.

Hindi ko na ito nilingon ngunit naramdaman ko ang paglapit niya sa akin. Tinabihan niya ako kung saan nakasilip ako sa bintana.

"Ayos na, wala na akong nararamdamang sakit sa katawan. Pero hindi pa rin ako makapaniwalang nakatulog ako ng walong araw. Halos isang linggo din iyon." Natatawang saad ko habang pinagmamasdan ang pagsayaw ng puno sa labas ng kastilyo kung nasaan ako.

Tama, walong araw akong tulog. Mabuti nga at nagising pa ako nun, sana hindi na lang. Di biro lang!

"Alam mo, ang swerte mo dahil nakaligtas ka pa kahit nasa kritikal na kalagayan na ang katawan mo nung oras na iyon. Siguro kung hindi kita nakita, patay ka na." Napalingon ako kay Ferin dahil sa sinabi niya.

Seryoso ang mukha niya habang nakatingin sa labas. Muli kong ibinalik ang paningin sa mga puno at nagkibit-balikat na lang sa sinabi niya.

Ako? Swerte? Talaga ba? Bakit hindi ko ramdam?

Sa lahat ng nangyari sa akin, hindi ko masabing ang swerte-swerte kong tao. Pasalamat na lang ako dahil nung oras na malapit na akong mamatay sa harapan ng Maximus na 'yon, tinulungan ako ni lola Anasya.

Napunta ang katawan ko sa ibang parte ng kagubatan. At dahil hinahanap rin ako ni Ferin--na hindi ko alam ang rason kung bakit-- ay natagpuan niya ako. Sinadya siguro iyon ni lola Anasya.

Hindi pa ako nakakapagpasalamat sa pagliligtas niya ng buhay ko...

Katahimikan ang bumalot sa pagitan naming dalawa. Hindi ako mapakali habang kasama siya. Hindi ko lang alam kung bakit. Komportable naman ako sa presensya niya. Sa sobrang gaan ng loob ko sa kaniya ay doon ako hindi mapakali.

"Alam mo-" Napatigil ako.

Sabay kaming napatingin sa mga lalaking lumapit sa amin. Lahat sila ay naka-itim at may takip sa mukha.

Siguro pangit sila kaya nakatakip ang mukha nila.

"Ferin, ipinapatawag kayo ng prinsesa sa kaniyang silid." Malamig na bungad sa amin ng lalaking nasa gitna.

Hindi na nagsalita si Ferin at basta na lang ako hinila papunta kung saan. Naglakad kami papunta sa dulo ng pasilyo kung saan madilim at walang ilaw.

Ang sabi sa akin ni Ferin, ang kastilyong ito ay matagal nang nakatayo dito sa La Marque. Ang La Marque ay nasa gitna ng San Jacinto at ng Odell forest.

Ang San Jacinto forest ang pagitan ng Verxus at Suffiron Kingdom. At ang Odell Forest naman ay matatagpuan sa Suffiron Kingdom.

Bale, nasa bandang gilid ang La Marque ng Suffiron Kingdom. Isa itong abandonadong bayan at sa gitna ng bayan na iyon matatagpuan itong kastilang ito. Medyo may kaliitan itong kastila kaya't hindi masyadong nakikita sa malayuan. Dagdag pa na matataas ang punong nakapalibot sa buong bayan ng La Marque.

Isa ito sa ikinatataka ko, wala kasing ganitong lugar ang nabanggit sa kwento ng 'Queen Agape'.

"Sinong prinsesa ang tinutukoy nila?" Nagtataka akong tumingin sa kaniya.

"Malalaman mo mamaya." Maikling tugon niya na nagpasimangot sa akin.

Tumigil kami sa paglalakad sa tapat ng pintong kulay ginto- hindi, hindi lang ito kulay ginto kundi gawa ito sa totoong ginto.

Before The Coronation Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon