CHAPTER FIFTY SEVEN

201 4 0
                                    

CHAPTER 57: The Mastermind

Malamig ang simoy ng hangin, payapa at maaliwas ang paligid. Sa bawat pag-ihip ng hangin ay sumasayaw ang mga halaman. Iba't ibang kulay ng mga bulaklak ay nakakalat sa buong damuhan.

"Nasaan ako?" Tanong ni Arianna sa kaniyang sarili.

Inilibot niya ang kaniyang tingin hanggang sa makita niya ang isang bulto ng lalaki. Natigil niya ang kaniyang hininga nang ito ay humarap sa kaniya.

Matagal na noong huli niyang nakita ang lalaking ito.

"Kuya Marcel!" Maligayang sigaw niya at tumakbo papalapit dito. "Ikaw ba talaga 'yan, kuya? Bakit tayo nandito? Saang lugar ba 'to?... Teka- langit ba 'to? Patay ka na? Patay na ako?!"

Natatawang umiling sa kaniya si Marcel. Hindi nito sinagot ang tanong ni Arianna at nagsimula nang maglakad-lakad. Walang nagawa si Arianna kundi ang sunadan ito.

"Pagod ka na ba?" Biglang tanong ng kuya niya.

Isang malungkot na ngiti ang sumilay sa mga labi niya. "Pagod na pagod. Gusto ko nang tumigil pero.. hindi pwede. Marami pa akong gustong masagot na katanungan."

"Huwag kang mag-alala. Malapit na ang katapusan."

Natigil siya sa paglalakad at pagak na natawa. Napatingin siya sa maaliwalas na kalangitan.

"Kuya, ilang beses ko na bang narinig 'yan?" Sakrastiko siyang natawa ulit. "Anong katapusan ba ang tinutukoy mo? Ang tinutukoy niyo? At saka malapit? Kailan, dalawang araw na lang ba? Tatlo?"

Bumuntong-hininga siya at tiningnan ang kapatid. "Kailan ba ang katapusan, kuya? Gusto ko nang matapos ang lahat ng ito kasi pagod na pagod ako. Kung bakit ba kasi nangyari ang lahat ng ito!"

"May dahilan kung baki-"

"Oo, may dahilan ang lahat ng ito... Hindi mangyayari ang lahat ng ito kung hindi dahil kay Agape!"

Isang masamang tingin ang natanggap niya mula sa kaniyang kapatid. Hindi niya mapigilang mainis.

"Bakit? Totoo naman, ah? Iyong ang kinuwento sa akin ni lola Anasya. Nakipagkasundo siya sa isang demonyo!" Sigaw niya.

"Hindi totoo iyan." Kalmadong wika ni Marcel.

Akmang magsasalita na si Arianna nang samaan na naman siya ng tingin nito. Hindi na siya naka-angal pa at tumahimik na lamang.

"Hindi sa isang demonyo nakipagkasundo si Agape.. Kundi sa isang dragon."

Nanlalaki ang mga mata niya nang marinig ang sinabi ng kuya. Dragon? Pero ang sabi ng lola Anasya ay sa demonyo daw ito nakipagkasundo at hindi sa isang dragon.

"Iyon ang totoo. Isang dragon ang naka-usap ni Agape noong mga panahong wasak ang kaniyang puso dahil sa nalaman." Paliwanag ni Marcel nang makita ang pagkalito sa mukha ni Arianna.

"P-pero.. Hindi ba't matagal nang ubos ang mga lahi ng dragon? A-at si lola Anasya lang-" Agad siyang natigilan nang may mapagtanto. Lumaki ang mga mata niya sa gulat at kasabay noon ang pag-usbong ng matinding kaba at takot sa kaniyang puso.

Matagal nang ubos ang mga lahi ng dragon dahil ayon sa sinabi ni lola Anasya ay hinuli itong lahat ng mga tao dati. Isang dragon na lang ang nakaligtas mula sa pangyayaring iyon. Si lola Anasya. Ibig sabihin, maaaring siya ang dragon na nakausap ni Agape. Maaaring si lola Anasya ang tumupad sa kahilingan nito.

Kung totoo ang sinasabi ng kaniyang kuya, bakit? Bakit nagsinungaling sa kaniya si lola Anasya?

"Ang kwento sa akin ni Agape, bigla na lang daw sumulpot ang dragon na iyon o mas kilala mo bilang Anasya."

Before The Coronation Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon