Chapter 57: The Buzzard Chasma

120 4 0
                                        

Chapter 57: The Buzzard Chasma

Ang akala ko pa ay kahit na tahimik ay magkakasundo-sundo kaming makakarating sa Beryllion. Ngunit isa na naman pala iyong pagkakamali, dahil kung kailan kailangan namin ng pagkakaisa ay siya namang pag-atake ng mga demonyo sa aming kalooban. Ang bawat salitang binitawan sa loob ng karwahe ay tila mga lason na unti-unting pumapatay sa aming pagmamahalan bilang magkakapatid.

Nasa garahe na kami ng aming Kastilyo nang magsimulang umatake ang problema ni Phia, at para itong virus na mabilis na kumalat sa amin, hinahawaan ang bawat isa ng poot at inggit.

"Argggh!" Sigaw ni Phia, habang mariing nakahawak sa kaniyang sentido na animo ay hindi na kayang pigilan ang sakit ng kaniyang ulo.

"Kahapon ka pa, may problema ba?" Tanong ni Lirech, ang boses ay puno ng pagkabahala na hinaluan ng inis.

"Kasalanan mo ito, Emerald!" Sigaw ni Phia na siyang nagbigay gulat sa aming lahat. Ang kaniyang mga mata ay nanlilisik at tila may ibang apoy na naglalabasan doon. "Akala mo kung sino ka na porke't nakasama ka sa amin sa Akademos! Akala mo ba ay pantay na tayo?"

Agad namang sumingit si Philip, "What the heck, Sophia? Ano na naman bang problema mo kay Emerald? Huwag mo siyang pagbalingan ng galit mo."

"Isa ka rin!" Baling ni Phia kay Philip, ang kaniyang boses ay naging matinis at mapangutya. "Balak mo pang nakawin ang espada ni Andrew para tumaas pa sa kaniya ang posisyon mo! Huwag kang magmalinis!"

Mas lalong nagbigay gulat sa amin ang sinabing iyon ni Phia. Napalunok ako. Sa lahat ng gamit ni Andrew, ang kaniyang espada ang pinakamahalaga sa kaniya. Naroon ang tatak ng pinakamataas na prinsipe at nasisiguro kong hahampasin niya ang sinumang magbalak na kumuha noon.

"Ano?" Kunot-noong tanong ni Andrew, ang kaniyang kamay ay awtomatikong humigpit sa kaniyang baywang kung nasaan ang kaniyang armas.

"Noon iyon!" Agad namang depensa ni Philip, ang kaniyang mukha ay namumula na sa hiya at galit.

Matalim namang nagsalita si Andrew, "So it is true? You fucking want my sword? You want my birthright?"

"That was years ago, I am grown up now! I don't want your fucking sword, Andrew! Respeto naman!"

"Ano bang problema niyo?" Awat naman ni Lirech, pilit na pumapagitna sa dalawang nag-uumpugang bato. "Nagkakagulo na ang kaharian. Huwag niyo nang dagdagan! Mag-isip nga kayo ng mabuti, isipin niyo kung ano ang maiaambag niyo! Hindi yung nag-aaway-away kayo!"

"Ikaw Lirech, ano nga bang ambag mo maliban sa palyang paggamit ng palaso? Ni hindi mo nga matamaan ang gitna ng target sa ensayo!" Sabat ni Kate.

Doon kami mas lalong nagulat, dahil ni minsan ay hindi namin inisip na masasabi iyon ng bunso naming kapatid. Ang kaniyang inosenteng mukha ay napalitan ng isang mapanirang ngisi.

"Kate?" Hindi ko makapaniwalang tanong.

"Kate, what the fuck?" Saway ni Andrew. "Magtutuos tayo mamaya, Philip. May masama ka palang balak sa akin, hindi ko iyon palalampasin!"

"Fuck you, Andrew! You want me dead back then, remember? Tinotoo mo ang laban natin sa training grounds noon, nasugatan pa nga ako pero hindi ako nagreklamo para lang hindi ka mapagalitan ng Hari! Tapos pinagbabantaan mo ako ngayon?" Matalim na sagot ni Philip.

"Philip!" Saway ko, pilit na kinukuha ang kanilang atensyon.

Napapalunok na lamang ako habang nakikinig sa mga matatalim nilang salita na tila mga punyal na humihiwa sa hangin.

"Ano bang problema niyo?" Iritadong bulyaw ni Lirech. "Ikaw Kate, maliban sa walang kwenta mong sibat, ano ba ang ambag mo? Panggulo ka lang sa pormasyon!"

"Ano ba!" Ako na mismo ang sumigaw na siyang nagpahinto sa lahat. Nanginginig ang aking buong katawan. "Ang kailangan natin ngayon ay pagkakaisa! Bakit tayo nag-aaway-away sa harap mismo ng ating tahanan?"

"Bakit, Emerald?" Baling sa akin ni Phia, ang kaniyang mga mata ay tuluyan nang naging madilim. "Sa ating lahat, ikaw ang pinakawalang kwenta. Ano na bang nagawa mo sa Kaharian? Ni minsan ba ay natanong mo sa sarili mo kung bakit kakaiba ang iyong pakpak? Kung bakit hindi ka makalipad tulad namin? At kung bakit ka isinumpa ng tadhana?"

Ang mga salitang iyon ni Phia ang siyang nagpatahimik sa aming lahat. Ganoon na lamang ako napipi, pakiramdam ko ay nawalan ako ng karapatang magsalita sa harap ng aking mga kadugo. Pakiramdam ko ay nanliit ako nang tuluyan; literal na umatras ang dila ko. Wala akong ibang masabi kay Phia, dahil ang mga sinabi niya ay pawang katotohanan na matagal ko nang pilit na ibinabaon sa limot.

"Look at you, you don't look like us! You are a flaw in our lineage! Ano ka ba talaga, Emerald?" Dagdag niya pa, ang bawat salita ay puno ng lason.

Sa oras na iyon ay hindi ko na napigilan ang aking mga luha na tumulo. Kasabay ng pagpatak ng aking mga luha ay ang paghinto ng karwahe. Sa sandaling iyon ay tila kami napipi, walang sinuman ang nagsalita. Tanging ang mabigat na paghinga lamang namin ang aming maririnig sa loob ng masikip na espasyo.

"Everyone, move. Get inside. And go to your room, Emerald. Everyone else, we shall head to the council room," walang ganang saad ni Andrew. "Ipapatawag ka na lang pagkatapos ng pagpupulong," dagdag niya pa nang hindi man lang lumilingon sa akin.

Hindi ako nakagalaw. Hindi ko maunawaan ang bilis ng mga pangyayari. Bakit pakiramdam ko ay pinagkakaisahan ako ng mga taong dapat ay sandigan ko? Maliban doon ay nilalamon din ako ng mga katanungan; lahat ng itinanong ni Phia ay tila mga multong nagtatakbuhan sa aking isipan.

"Let's go."

Iyon lamang ang huling sinabi ni Andrew bago siya tuluyang bumaba sa karwahe, at mabilis namang nagsisunuran ang iba ko pang mga kapatid na tila ayaw na akong makita. Ako na lamang ang naiwan sa loob. Isang mabilis na ngiti ng paumanhin ang nasilayan ko kay Kate bago siya lumisan, animo ay natauhan na rin sa kaniyang ginawa ngunit huli na ang lahat.

Ang akala ko ay may babalik upang pagaanin ang loob ko, ngunit nabigo ako. Dahil bumuhos na ang sangkatutak kong luha ay walang dumating upang patahanin ako. Kaya naman wala akong nagawa kundi ang bumaba nang mag-isa at dumeretso sa aking silid habang dinadamdam ang bigat ng mundo.

Tuluyan akong nakarating sa aking tahimik, hungkag, at walang buhay na silid. Ang bawat sulok ay tila nangungutya sa aking kalagayan. Ang akala ko pa ay babalik ako rito nang nakangiti dahil sa mga lumang ala-ala, ngunit tila nakatali na ang kamalasan sa aking mga paa.

Ano nga ba ako? Isinumpa ba talaga ako? Bakit ako isinumpa? Bakit ako naiiba sa kanila? At bakit hindi ako makalipad?

Ang lahat ng aking kaisipan ay biglang naputol nang pumasok sa aking utak ang isang kahindik-hindik na senaryo. Nakita ko ang isang madilim na kagubatan. Awtomatikong lumabas ang dugo sa aking ilong; isang mainit at malapot na likidong hindi ko mapigilan. Pinaghandaan ko na ang ganitong mga pangitain, dahil minsan ay basta-basta na lamang silang sumusulpot, ngunit ang momentong ito ay talagang nakakapanghina.

Naramdaman ko ang pag-akyat ng matinding takot nang maunawaan ang bawat detalye ng gubat sa aking bisyon.

Pasugod na sila. Planado na ang bawat galaw. Ang mga buzzard ng Chasma ay nakahanda na para sa kanilang madugong piging... kasama ang kanilang malupit na Reyna, si Irithel.

Her Wings (PSS, #2) ✔️Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon