Chapter 18: Further Misery

2K 100 2
                                    

Chapter 18: Further Misery

HUMAHANGOS akong dumating sa aking pintuan. Kulang na lamang ay gumapang ako. Tagaktak ring pumapatak ang pawis sa aking mukha, basang basa na rin ang aking damit dahil sa pawis ko. Gayunpaman ay pinili kong magpatuloy, hindi ako sumuko kahit na ilang beses akong natumba sa hagdan.

Napapalingon pa sa akin ang bawat katulong na aking madaanan, nasa mga mata nila ang awa ngunit hindi rin sila pwedeng tumulong. Hindi rin nakaligtas sa akin ang tingin ng ibang nagsasabing dapat ay hindi na lamang ako nagpumilit na sumama doon, nailagay pa tuloy ako sa kritikal na kondisyon. Mayroon ding bumubulong na masyado raw kasi akong mayabang at malakas ang tiwala sa sarili kahit hindi ko kaya, kaya tumutuloy pa ako kahit ikapahamak ko na.

Sa gitna ng mga kaisipang iyon ay tumayo ako at nagpatuloy sa paghakbang hanggang sa marating ko ang aking silid. Nasisiguro kong payapa nang nakarating sa kanya-kanya nilang silid ang aking mga kapatid, alam kong lumipad lang sila. Samantalang ako'y lakad lamang ang kayang gawin, nanghihina pa.

Marahan kong pinihit ang doorknob ng aking pintuan, at nang buksan ko iyo'y kulang na lamang ay matumba ako dahil tila ako hinigop ng pinto papasok sa aking silid. Mabilis ko iyong isinara at iika-ikang tinungo ang aking kama.

Hindi ko alintana kung gaano ako kadumi, kung ano ang aking hitsura sa duguan kong bestida, ang gusto ko lamang ay humiga at magpahinga. Gusto kong bawiin ang aking lakas ngunit sa halip na mabawi ito'y patuloy ko lamang na nararamdaman ang sakit.

Ganito pala kasakit kapag wala ang kalahati ng iyong lakas. Ganito pala kahirap kapag sumabak sa laban kasama ang mga personang higit pa sa iyo ang mga abilidad. Ganito pala ang patuloy kong mararanasan sa mga pagsusulit kapag hindi ko mabuksan ang aking mga pakpak.

The thoughts flooding me is making me suffer more. Tila ako kinukuryente ng sakit, sumasabay sa agos ng aking dugo ang sakit na aking nararamdaman. Bawat parteng madaan nito'y nagbibigay kirot sa aking laman, at kapag humihinto ito sa aking ulo ay para itong mabiyak dahil sa sakit.

Napansinghap ako nang makaamoy ng dugo, nang kapain ko ang aking ilong ay may dugong lumabas dito. Naging aligaga ako at marahas na napabangon. Namuo ang luha sa aking mga mata, mukhang hindi ko masusunod ang habilin ni Leemar. Maghahanda na lamang ako sa parusa o pagsusulit na mangyayari kinabukasan, kailangan ko talaga ng tulong ng mga medikos ngayon. Wala akong alam sa panggagamot, hindi ko alam kung paano ko iibsan ang sakit na nararamdaman ko.

Hindi ko alam kung paano ako makakaligtas sa hirap na nararamdaman ng katawan ko. Tumingala ako upang huwag tuluyang tumulo ang dugo sa aking ilong. Nang dumako ang paningin ko sa aking bintana ay biglang naninikip ang aking dibdib. Bigla kong naalala iyong lalaking kanina lamang ay sinungitan ko, ganoon na lamang kabigat ang aking puso nang maalala ang aking ginawa.

Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko'y nagsisisi akong tinalikuran ko siya, gayunpaman ay alam kong tama lang ang aking ginawa dahil unang-una sa lahat ay hindi ko siya kilala. Bigla na lamang siyang nagpakita sa akin, hindi ko alam ang kaniyang pakay ngunit naghihinala akong isa siya sa gugulo sa aking tahimik na mundo. I am not yet ready to let others enter my life, it's not that easy.

Hindi maganda ang mga ala-ala ko noong bata pa ako. Kung paano ako iwasan ng mga katulad kong bata dahil sa aking pakpak, dahil sa aking kahinaan, at dahil sa mga kwentong kumalat patungkol sa akin. Lubos ako niyong nasaktan, kaya naman simula noon ay isinara ko na ang aking sarili sa kahit na sinuman.

Nanubig ang mga mata ko, maging si manang ay hindi dumating upang tulungan ako. Malamang ay makikita ang sinumang umakyat sa aking silid, hindi iyon makakaligtas kay Leemar.

"Oh God," bulong ko nang mas lalong lumala ang sakit na aking nararamdaman.

Ngunit umurong ako sa pagtawag ng tulong. Pinili ko na lamang humiga at bumaluktot upang maibsan ang sakit na aking nararamdaman.

Her Wings (PSS, #2) ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon